Ikalawa, ano naman ang dapat kong sabihin sa kanya sa relasyon na mayroon naman sila ni Ellionoir? Alam kong magkababata at matalik silang magkaibigan dahil paulit-ulit din naman pinangangalandakan ng kapatid ni Eliana 'yon. Pero may karapatan din ba akong magalit man lang sa kilos nilang dalawa?

Hindi ko alam. Marahil ay ganito ang pakiramdam kapag hindi naman ganoon katibay ang pundasyon ng tiwala namin sa isa't-isa o di kaya'y maging si Zephyr ay hindi maalam sa kung ano ang tamang pagtrato sa nililigawang babae dahil hindi naman uso ito sa mundong ginagalawan niya.

"Masama ba ang loob mo dahil hindi ako nakapagpaalam sa'yo na uuwi muna ako sa Umoewin dahil may sakit ang aking ina? O baka dahil ---"

"Ganoon ba ako kababaw para sa'yo?" Sa pagkakataong ito ay hindi ko na napigilan ang aking sarili na mainis dahil sa kanyang sinabi.

Ganoon na ba kababa ang tingin niya sa akin kahit pa sagad na pag-unawa na ang ibinibigay ko sa kanya magmula nang ligawan niya ako?

Kita ko naman na bahagya siyang natigilan sa reaksyon ko kaya mabilis din siyang umiling sa akin.

"H---Hindi naman sa ganoon. Pero---"

"Sinabi ko naman sa'yo na hindi mo kinakailangan sabihin sa akin ang lahat ng gagawin mo." Mariin kong saad habang pilit pinakakalma ang aking boses. "Kung uuwi ka sa'yong kaharian dahil sa mahalagang rason ay wala akong nakikitang dahilan para magalit sa'yo kaya huwag mo akong husgahan dahil hindi ko nagawa ang kung ano mang inaasahan mong reaksyon mula sa akin." 

"Pero bakit pakiramdam ko ay masama ang loob mo sa akin, Eliana?" Sa pagkakataong ito ay siya naman ang biglang sumeryeso ang tono ng boses.

"Sinabi rin ni Ellionoir na mukhang hindi mo rin nagustuhan nang sabihin niya sa'yo na nakiusap ako sa kanya na tulungan ako sa aming isang asignatura."

Mabilis naman nagtangis ang bagang ko dahil sa narinig kong pangalan. Ah. . . ano pa nga ba ang aasahan ko sa kapatid ni Eliana na pakialamera at sumbungera? Sinasabi ko na nga ba at nanaisin na naman ni Ellionoir mamagitan sa aming dalawa bagay na hindi na ako nagulat.

"Hindi ko naman intensyon na sumama ang 'yong loob, Eliana. Alam kong nagpapagaling ka pa sa pagamutan ng mga oras na 'yon kaya hindi na kita magawang gambalain. Hindi ko na rin ninais na ipaalam sa'yo na aalis muna ako sandali dahil sa aking may sakit na Ina pagka't babalik naman ako kaagad at ikaw mismo ang unang-una kong hahanapin." 

Hinayaan ko lang siya magpaliwanag sa akin kahit na ang utak ko ay lumilipad na sa malayong parte ng aking imahinasyon kung saan pinaplano ko na kung paanong lilinawin kay Ellionoir ang mga bagay-bagay.

"Isa lang naman ang dahilan kung bakit sumasama ang loob ko at 'yon ay dahil pakiramdam ko nakikipag-kumpetensya ang kapatid ko sa akin para sa atensyon mo." Matigas kong pahayag. Pumameywang pa ako sa harapan ni Zephyr na mukhang hindi inaasahan ang aking sinabi bago ako magpatuloy.

"Nilinaw mo ba talaga sa kanya kung ano kayo at ano tayo?" Taas kilay kong tanong.

"Si Ellionoir?" Naguguluhan at nagtataka niya pang tanong.  "Paanong nakikipag-kumpetensya? Malinaw sa kanya na ikaw ang nililigawan ko dahil gusto kita." Seryoso niyang pahayag sa akin ngunit hindi na ako kumibo.

Masakit isipin na magmula nang nagawa akong iwan ni Zephyr sa dagat ay pakiramdam ko wala nang laman ang mga pag-amin niya sa akin ng kanyang mga nararamdaman.

"At isa pa, hindi ba napag-usapan na natin noon ang tungkol sa kung ano man ang namamagitan sa amin ni Ellionoir? Babalik na naman ba tayo sa ganitong argyumento, Eliana?" May himig nang pagkaubos ng pasensya niyang pahayag ngunit hindi na ako sumagot at nanatili na lamang tahimik.

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Where stories live. Discover now