Kabanata LXXII

10.1K 619 648
                                    

ELIANA'S POV

"Nais mo pa bang patunayan ko ang aking kakayahan sa pagpapana, Prinsesa Eliana?" Nakangiting tanong ni Aspen habang inihahanda ang mga palaso at pana.

Ilang minuto na ang nakalilipas magmula ng iwan kami nina Aidan at Maestro. Mabuti na raw na huwag ko muna masyadong biglain ang aking pilay dahil mas kinakailangang gamitan ng pisikal na kakayahan ang pag-eespada. Kaya ayan, napagdesisyunan nila na simulan muna ang pag-eensayo kasama si Aspen lalo na at pasimula pa lang naman kami.

"Tss. Hindi na." Bagot kong sagot habang naka pang-indian ako na upo sa damuhan.

Bahagya naman siyang natawa sa reaksyon ko pero hindi na lamang ako sumagot.

Sandali ko pa siyang pinanood maghanda at hindi na nakapagtatakang napakabihasa ni Aspen sa ganitong larangan. Wala pang isang minuto ay natapos na niya ito saka mahinhin na naglakad tungo sa pinag-eensayuhan ng pagpapana. 

"Sa pagpapana, mahalaga na tama ang iyong tindig at porma ng pangangatawan magmula sa dulo ng mga daliri mo hanggang sa iyong mga paa." Mahinahon na saad ni Aspen habang inaayos ang kanyang tindig. Swabe niyang inangat ang mga kamay dala ang palaso at mabilis niyang nailagay ang pana nito. Nananatili naman akong nanonood sa bawat galaw niya dahil aminado naman ako na bagamat marunong ako sa pagpapana, hindi ganoon kaperkekto ang porma at galaw ko. 

"Importante rin na kalkulado mo ang lahat ng bagay na nakapaligid sa iyo. Ang lakas ng hangin, ang distansya mo sa iyong patatamaan, ang mga bagay na maaaring makasagabal sa iyo, at higit sa lahat ang galaw ng iyong kalaban." 

Halos mapanganga naman ako nang makita kung gaano kabilis ang galaw ni Aspen at halos kalkulado niya rin ang lahat ng kanyang mga sinabi. Sunod-sunod ang kanyang naging pagtira sa lahat ng manika na nakasabit may kalayuan sa aming puwesto. Hindi rin siya halos gumagalaw sa kanyang puwesto ngunit asintadong-asintado pa rin siya at tama pa rin ang kanyang tindig. Walang sobra at walang kulang. Grabe. 

Halos dalawang minuto lamang ang inabot para maubos niya ang mahigit nasa singkuwentang mga manika sa buong silid. Hindi man lamang din siya hiningal at pinagpawisan sa ginawa niya. Tao pa ba si Aspen? Nasaan na ang mahinhin at lalampa-lampang Aspen na nakilala ko noong mga nakaraang buwan lamang? 

"Madali lang naman,Prinsesa Eliana di ba?" Nakangiti niyang tanong habang naglalakad pabalik sa lalagyan ng mga pana at palaso. 

Nanatili naman akong nakatitig sa kanya at gusto ko na lamang mapairap sa sinabi niya. Anong madali doon? Hindi ko nga halos makita ang bawat galaw niya! Possible ba sa normal na tao ang ginawa niya? 

"Alam mo naman siguro na wala akong kapangyarihan di ba?" Kalmadong tanong ko habang tumatayo na rin ako sa aking puwesto. 

Nag-angat naman siya ng tingin sa akin at kita sa mga mata niya ang pagtataka. 

"Hindi naman ako gumamit ng kapangyarihan ko, Prinsesa Eliana." Mahinhin at inosente niyang saad. 

Napasimangot na lamang tuloy ako dahil hindi na talaga maipagkakaila ang galing at bilis ni Aspen pagdating sa pagpapana. 

"Binibiro lamang kita sa madali, Prinsesa Eliana." Nakangiti na niyang saad dala ang isang tela at manipis at mahabang patpat. 

Teka, parang pamilyar ang ganitong eksena. Para saan nga ba ulit ang tela at patpat? 

"Ilang taon din ang ginugol ko sa pag-eensayo sa pagpapana. Katulad din ako ng nakararami na nagsimula sa pinakamangmang pagdating sa pagpapana hanggang sa napagdesisyunan ko na kinakailangan kong matutong protektahan ang sarili ko." Mahinahong pahayag ni Aspen habang iniaabot sa akin ang hawak na mga kagamitan.  

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Where stories live. Discover now