Kabanata 10

36 31 0
                                    

Sumapit ang gabi kaya napagpasyahan naming hindi na muna susugod sa itim na palasyo. Gagamitin namin ang gabing ito para magmasid sa paligid.

Sa pagsapit ng gabi ay mas lalong naririnig ang mga nakakatakot na huni ng mga uwak. Patuloy parin sila sa paglipad sa ibabaw ng palasyo at tila ba wala silang balak na tumigil.

Iba ang itsura ng palasyo kapag titingnan sa gabi. Kitang-kita ko ang napakatayog at kumikinang na palasyo dahil sa mga palamuti nito.

Kung hindi ko pa alam kung sino ang nakatira sa palasyong ito ay aakalain kong isa itong maganda at napakasayang palasyo ngunit habang iniisip ang itim na bruha na siguradong nasa loob ay napangiti na lamang ako, isang mapait na ngiti.

Isang makapangyarihang bruha na ang gusto ay pahirapan ang lahat ng tao. Naiintindihan kong minsang nagkasala sa kanya ang mga ninuno ko ngunit wala pa rin siyang karapatan na kontrolin ang lahat pati na ang sunod na henerasyon. Nakaganti na siya sa ginawa ng mga tao sa kanya, kaya ano pa ang gusto niyang gawin?

"Matulog na tayo."

Saad ni Dion. Nakaupo siya sa ilalim ng malaking puno ng kahoy. Hindi kami gumawa ng apoy dahil baka mapansin ito ng bruha at baka'y maunahan pa kami. Nagpalit na rin kami ng damit ni Dion. Talagang nakatulong ang damit na ibinigay ng matanda sa akin. Ayaw ko namang sumugod sa palasyo at humarap sa bruha na may gusot at maruming damit. Baka mas mapagkamalan pa akong bruha kaysa sa kanya.

"Mamaya na, may gagawin pa tayo," sagot ko.

Lumapit ako sa kanya at kinuha ang kutsilyo na hawak niya. Nagtaka siya sa ginawa ko ngunit hindi na pumalag pa at naghintay na lang sa sunod kong gagawin. Gabi na ngunit hindi masyadong madilim ang paligid dahil sa sinag ng buwan kaya nakikita ko pa ang mga nasa paligid ko.

Naghanap ako ng baging sa piligid pagkatapos ay naghanap rin ako ng mga sanga ng kahoy na pwede gawing pana at palaso. Hindi puwedeng susugod kami na ganda at kagwapuhan lang ang dala namin. Para na rin kaming nagpapakamatay kapag ganun.

Matapos makompleto ang lahat ng kakailangan ay inilapag ko na ito lahat sa harap ni Dion at umupo.

"Anong gagawin mo?"

"Gagawa ng pana," maikli kong sagot.

Inayos niya ang upo niya at napagpasyahang tulungan ako. Siya ang pumili sa mga kahoy na gagamitin at sa mga baging na puwede gamiting pantali habang ako naman ang naglilinis sa mga napili niya.

Ipinagpatuloy namin ang paggawa ng pana hanggang sa sumapit ang hating-gabi. Mas madilim na ang paligid kaya naman nang makagawa ng dalawang pana, sakto para sa aming dalawa ay itinigil na namin ang paggawa at napagpasyahang matulog na.

Hindi pa man tuluyang sumisikat ang araw ay nag-umpisa na kaming bumaba sa bangin papunta sa palasyo. Tahimik pa rin sa paligid. Nagduda na nga ako kung talaga bang nasa loob ang bruha o baka'y umalis ito.

Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa bitbit kong pana at palaso na ginawa namin kagabi. Tag-iisa kami ni Dion, ewan ko ba kung marunong siyang gumamit niyan. Unang beses niyang makahawak ng pana sa buong buhay niya hindi katulad ko na pangatlong beses na. May pana kasi dati sa bahay ngunit sa paglipas ng panahon ay nasira rin.

Tinuruan ko siya kanina bago kami umalis kung paano ang tamang paghawak at paglagay ng palaso. Mukha namang matalino si Dion kaya alam kong nakuha niya kaagad ang itinuro ko. Ibinigay ko na rin sa kanya ang patalim dahil kapag hindi niya kayang gamitin ang pana ay puwede niyang gamitin ang patalim.

Nakita kong lumapit si Dion sa isang malaki at nakasarang tarangkahan na nagsisilbing pintuan ng palasyo. Itinaas niya ang kanyang kamay upang itulak ang tarangkahan ngunit bago pa man niya ito mahawakan ay kusa na itong bumukas. Bahagyang nagulat si Dion kaya napatingin ito sa gawi ko.

THE FALL OF THE NORTH WITCH //completed//Where stories live. Discover now