Kabanata 1

113 72 40
                                    

Sa lumipas na dalawang buwan magmula noong ika-labing anim kong kaarawan ay nasabi kong siguro totoong nagutoman lang ako sa araw na iyon, dahil sa dumaan na mga buwan ay hindi na ulit ako nakakita ng itim na usok at hindi na rin ako nabunutan ng hibla ng buhok, kaya siguro tama ang mga sinabi nila.

Nasa loob ako ng kwarto ko ngayon, nakaupo sa kama sa gitna ng nag-aagaw na liwanag at dilim. Katatapos lang naming maghapunan at nandito ako ngayon nakaupo habang nag-iisip at pinagmamasdan ang kurtinang mahinang lumilipad-lipad sanhi ng malamig at katamtamang lakas ng hangin.

"Wanda, pwede ba kitang makausap?" napatingin ako sa pinto ng kwarto. Si Lola na naman. Sa bahay na ito si Lola lang iyong tanging kumakausap sa akin na halos hindi na ako tantanan. Pinupunan ni Lola 'yung mga panahon na nakakaramdam ako ng pag-iisa.

"Pasok po kayo," saysay ko. Kaagad ko ring narinig ang pagbukas ng pinto at iniluwa nito si Lola na paika-ika na kung maglakad dahil sa katandaan.

Umupo siya sa tabi ko saka tumingin din sa binatana ng kwarto.

"Ano pong pag-uusapan natin, Lola?" tanong ko sa kanya.

"Naku! Mangangamusta lang ako, balita ko kasi pasukan mo na bukas, ano handa ka na ba?" nakangiti niyang tanong.

"Wala naman po akong pagpipilian, Lola. Kahit aayaw ako, kailangan ko parin mag-aral."

"Ay, sabi ko nga!" Saad niya saka humagikhik ng tawa. Si Lola talaga. Napangiti na lang din ako. Kahit papaano napasaya ako ni Lola.

"Basta apo lagi mong tatandaan, ang pagsubok nandiyan palagi 'yan, kahit saan, kahit sino nakakaranas niyan pero 'yung makapagtapos at maging matagumpay sa buhay, aba'y hindi lahat nakukuha 'yan, kaya ikaw huwag kang susuko," saysay ni Lola.

Napangiti ako. Tama si Lola, hindi lahat nagtatagumpay. Ang mundo ay parang battlefield, lahat ay sundalo at nakikipaglaban pero hindi lahat nananalo. Ang paaralan naman ay mahahalintulad sa isang training ground. Ang mga nag-aaral sa elementarya ay parang taong nagsisimula pa lang mag-ensayo. Tinuturuan kung paano humawak ng baril o espada, pagdating naman sa sekundarya, doon itinuturo kung ano ang eksaktong mangyayari sa battlefield, makikipaglaban ka sa mga kaibigan mo at kasama. Ang totoong laban ay magsisimula pagtuntong ng kolehiyo, makikipaglaban ka hanggang sa manalo dahil kung hindi magiging isa kang talunan habang buhay.

Ngayon na nasa kolehiyo na ako, kailangan kong lumaban para manalo at maging matagumpay sa buhay.

Sandaling naging tahimik ang kwarto ko. Tanging ihip lang ng malamig na hangin ang naririnig.

Sa tingin ko matagal akong makakatulog ngayon.

"Lola, pwede niyo po ba akong kwentuhan?" nakangiti kong tanong kay Lola.

"Aba'y oo naman," ngumiti rin ito sa akin.

Humarap ako sa kanya habang siya ay nanatili paring nakatingin sa bintana ng kwarto ko.

"Noong unang panahon," pagsisimula ni Lola. Para siyang guro na nag kukwento sa kanyang mga estudyante. Mahina, mababa, at nakakasindak na boses.

"Ilang siglo na ang nakalipas, sa kagubatan ng North, kung saan may mga napakaraming puno at masasamang hayop, kung saan laganap ang kabulukan at kasamaan ay pinapaniwalaan ng mga tao na may kakaibang halaman ang tumutubo sa gitna ng gubat na iyon kaya naman pinapunta ng mga tao ang isang babae bilang kanyang parusa sa pagnanakaw ng karne sa palengke. Isa siyang magandang babae, kaakit-akit ang kanyang kagandahan ngunit kahit ganun paman ay hindi parin siya nakaligtas sa pangungutya ng mga tao dahil sa kanyang ginawa. Sinabi nilang kapag hindi siya pumunta sa gitna ng kagubatan ay papatayin siya ng mga ito kaya napilitan siya," saysay ni Lola.

THE FALL OF THE NORTH WITCH //completed//Where stories live. Discover now