Kabanata LXXXVII

Magsimula sa umpisa
                                    

"Narinig ko sa Maestro ang lahat ng katapangan na ipinamalas noong kinailangan ka ng mga kababayan mo. Hindi ko aakalain na ang anak kong masiyahin, makulit, at hindi halos makabasag pinggan noon ay magagawa ang lahat ng isinalaysay ng Maestro dahil, malayong-malayo ka doon, Eliana. Malayong-malayo ang reyalidad mo dito sa akademya sa mga dapat na nararanasan mo. Hindi mo na dapat ginagawa ang mga bagay na 'yon dahil anak kita at..." Napakagat-labi na lang si Dareios bago sambitin ang mga salitang nagpapatungkol sa hindi niya napagtagumpayang katungkulan. "...at nangako ako na poprotektahan ka."

Dahan-dahan ibinaba ni Dareios ang kanyang mukha tungo sa noo ni Eliana at binigyan ito ng isang dampi ng halik mula sa isang ama.

"Magpagaling ka na, Eliana. Hindi ko na kakayanin kung maging ikaw ay mawawala sa buhay ko. Mahal na mahal kita, Anak. Hindi ko lang maipakita dahil... dahil... hanggang ngayon hindi ko pa matanggap ang pagkamatay ng 'yong ina." Puno ng pait at pighati na pahayag ni Dareios.

Nangingilid din ang mga luha nito habang patuloy pa rin sa paghimas sa buhok ng anak. Kung kaya niya lamang gumamit ng kapangyarihan na makapagpapagaling sa mga sugat nito ay matagal na sana niya binura ang bawat marka sa balat ng anak.

"Ama? Ikaw ba 'yan?" Pahayag ng isang dalaga mula sa di kalayuan.

Napaayos naman si Dareios kaagad ng tindig nang makarinig ng tinig mula sa pintuan. Mabilis niyang inayos ang postura at pinunasan ang mga mata na may bakas pa rin ng luha.

Kaagad niyang nilingon ang pinagmulan ng boses at napahinto na lang siya nang makita ang isa niyang anak na hindi rin nalalayo ang kalagayan kay Eliana.

"Neola?" Bahagyang gulat na sambit ng hari sa pangalan nito. "Anong ginagawa mo dito? Hindi ka pa dapat naglalakad at gumagalaw." May pagkastriktong saad ni Dareios habang pinapasadahan nito ang kabuuan ng anak na namumutla at mukhang hinang-hina pa rin.

Hindi naman kaagad sumagot sa kanya ang dalaga dahil panandalian pa nitong pinakatitigan ang ama at ang kapatid na wala pa rin malay. Mistulang kinakalkula pa ni Neola ang mga naging kaganapan sa kanyang paligid bago magsalita.

"Gusto ko rin bisitahin si Eliana..." Malamig nitong pahayag saka iika-ikang naglakad papasok ng silid dala ang tila ba tungkod na pangsuporta at kumot pang-tapal sa nilalamig na sarili.

•••••

- NEOLA -

Nahalata ni Neola na para bang hindi alam ng kanyang ama ang gagawin dahil nananatili lamang itong nanonood sa kanya habang hirap na hirap siya sa paglalakad. Hindi naman na siya nagulat na hindi siya nito tinutulungan dahil magmula noon pa man ay hindi na rin naman siya nakatatanggap ng kahit na anong uri ng tulong mula sa kanyang ama.

Ilang sandali pa ay natauhan na rin si Dareios at kaagad dinaluhan ang anak. Nagulat pa si Neola sa naging pagkilos nito ngunit malamig lamang siyang umiling dito bilang pagtanggi sa ipapakita nitong kabutihan. Hindi rin siya makapaniwala sa sarili na nagawa niyang tanggihan ang ama na hari ng isang makapangyarihang kaharian.

"Kaya ko na, Ama." Seryoso at matapang nitong pahayag dahilan para bahagya pang magulat si Dareios sa inakto nito.

Bahagya rin napahiya ang hari sa anak kaya napaatras na lamang ito at nanatiling pinagmamasdan si Neola na tahimik na naglalakad palapit sa kama ni Eliana.

Pinagmasdan ni Neola ang hitsura ng kapatid na nananatili pa rin tila lantang gulay sa kama. Hindi nabawasan ang pamumutla ng mukha nito at mas lalo rin nangangayayat. Hindi rin nagsasalita si Neola at nananatili lamang nakatitig kay Eliana habang ang kanyang ama ay tila ba hindi alam ang sasabihin o gagawin gayong dalawa na silang nasa silid.

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon