"Wow. Napaka-loyal niya naman." Hindi ko gaanong kilala si Cess dahil isang beses ko pa lang siyang nakakasalamuha noong nagpunta sila sa rancho para kunin ang Porsche. Tahimik lang siya noon. Nagtataka lang ako kung bakit ngayon ko lang napansin yung pagkagusto niya kay Migs.

Baka kasi alam ko na yung pakiramdam para mapansin iyon sa mukha ng iba.

Naalis ang pag-iisip ko nang makaramdam ng isa pang presensya sa maliit na circle namin nina AJ. Kasama na pala namin si Kiel, katulad namin siyang nagmamasid sa mga taong dumalo sa kaarawan niya.

Napatulala ako sa ikalawang Guevarra. Ang layo na ng hitsura niya sa batang nakalaro ko noon. Katulad ni Migs, umayon sa kanya ang mga diyos at pinagpala siya ng good looks. Mas matangkad siya sa Kuya niya, more lean at mas kakaunti ang muscles pero may muscles pa rin. Mas kamukha niya si AJ kaso mas maanggulo at harsh yung features niya. Idagdag pa roon yung isang mahabang peklat sa kanang pisngi niya.

I shivered.

Ano kayang pakiramdam ng ganoon? Ang nakalabas ang mga marka mo para makita ng lahat? Para mahusgahan? It's a bad thought pero natutuwa na ko't naitatago ko ang mga peklat ko.

"Hannah. Ang tagal nating hindi nagkita. Ang laki mo na." Inilahad niya ang kamay niya para kamayan ako.

Napapitlag ako nang magsalita siya. Alam ko kasing nakatitig ako sa pisngi niya. Nang pinilit kong ipokus ang atensyon sa buong mukha niya, akala ko magagalit siya sa akin sa pagtitig. Pero nakangiti lang siya. Hindi iyon katulad ng ngiti ni Migs at AJ na kapag idinerekta sa'yo, you'll feel warm. Yung kanya, may bakas ng mischief.

I'm not yet used to other people touching me pero nagtapang-tapangan ako at inabot ang kamay niya. "H-happy b-birthday, Ezekie—" Nang dumako ang tingin ko sa magkalakip naming palad, biglang nanlamig ang buo kong katawan.

Ang buong kanang braso hanggang wrist niya ay punong-puno ng tattoo. Wala na halos natitirang natural na balat.

Unti-unting sumimangot si Kiel. Binitawan niya ako at humakbang papalapit sa akin. Umatras naman ako. "Hannah?"

Nakapako pa rin ang mga mata ko sa braso niya, natatakot na baka may biglang mangyari. One moment, isang brasong puno ng itim na tattoo ang nakikita ko, the next, makulay na ito.

Nakita kong may hawak na itong kutsilyo at itinapat niya iyon sa may leeg ko. Hindi pa nakontento, pinisil niya ang leeg ko gamit ang isa niyang kamay.

"Nasaan ang pera, Hannah?"

"Wala akong pera," sagot ko habang kumukuha ng maraming hangin sa baga ko na tila maiipon ko lahat ng hangin doon.

"Sinungaling! Ilabas mo ang pera!" Ramdam na ramdam ko ang pagdiin ng kamay niya habang nawawala ang pasensya niya. "Ilabas mo kundi malalagot ako kay Lando!"

"Hannah. Hannah, baby. Tumingin ka sa 'kin."

Sinunod ko ang utos sa akin ni Migs. Nang matauhan ay nagpakalunod ako sa mga mata niya. Bakas doon ang pag-aalala at kasalukuyang dinadapuan ng relief. Hinawakan niya ako sa likod ng ulo at ipinatong iyon sa balikat niya. Saka niya inilagay ang isa niyang kamay sa likod ng bewang ko at inilapit sa kanya. "Sabayan mo akong huminga."

Pag-inhale niya ay nag-inhale din ako. Exhale. Inhale. Exhale. Sumuko ako't ibinalot ang mga bisig ko sa bewang ni Migs. Pakiramdam ko ang tagal naming nakatayo roon ngunit ang totoo, saglit lang ay pinakawalan din ako ni Migs. "Okay?"

Tumango ako.

Hinawi niya ang buhok na nakaharang sa mukha ko at hinalikan ako sa noo.

Bigla namang nangantiyaw ang isa sa mga kaibigan ng pinsan niya. Ako naman ay nahiya dahil nasaksihan ng buong angkan nila ang pag-space out ko. Hinanap ko si Ezekiel. Medyo malayo na sila nina AJ at Rica. Pare-pareho silang nag-aalala. Nagulat ako nang nakita ang mga hitsura nila. Ngayon lang ako nadirektahan ng sobrang daming concern mula sa iba't ibang tao kaya hindi ko alam kung paano iyon tanggapin.

Hila si Migs, lumapit ako sa kanila. Pakiramdam ko kasi kung katabi ko si Migs, mahihila niya uli ako mula sa kadiliman ng memories ko.

"S-sorry," I stuttered. Lagi akong nauutal sa harap ni Kiel. Alam kong hindi ako magaling humingi ng tawad. Minsan lang din siya lumabas ng bibig ko. "May naalala lang ako. Hindi ako sa'yo... natakot." Hirap na hirap akong isaboses yung huling salita. Alam ko kasing duwag ako pero para ipaalam pa sa ibang tao, iba yun eh.

Pinisil ni Migs ang balikat ko. A silent support.

Umangat ang isang gilid ng labi ni Kiel. "'Wag kang mag-alala. Hindi ikaw ang kauna-unahang natakot sa itsura ko." May pinulot siya sa sahig na kahon at kinuha ang laman nito. Isang puting bubuwit. Bumalik yung mischievous smile niya at tinalikuran kami ni Migs. Sinaluduhan ako ni AJ at pinisil ni Rica ang braso ko, parehong may understanding sa mga mata nila bago nila sundan si Kiel.

Inangat ko ang tingin ko kay Migs. Umiiling siya at malambot ang mata niya habang pinapanood ang dalawang kapatid niya. Sa pagdala niya sa akin dito, nakita ko yung isa pang side sa pagkatao niya. Mabait at magaling siyang Kuya. Sobrang proud sa mga kapatid niya na halos lumaki rin sa alaga niya. Now I know where he got the gentleness and patience na ibinibigay niya sa akin. Marami siyang years ng training.

Tumungo siya para sa akin naman ituon ang pansin niya. Panandaliang dumaan ang worry sa features niya pero napalitan ng isang nagtatakang expression. And then I saw something blaze in his eyes. Gustong gusto ko kapag nakikitang nakangiti sa akin si Migs pero masasabi ko ring gusto ko ang tingin niya sa akin noong panahong iyon.

Binuka ko ang bibig ko dahil may mga salitang gustong lumabas. Mga salitang 'di ko pa nabibigkas sa tanang buhay ko. Mga salitang 'di ko pinaniniwalaan dati pero somehow, nagpaparamdam sila sa dulo ng dila ko. Hinihintay ko lang na makahabol ang utak ko kasi nararamdaman ko na ang mga salita sa bibig ko and it tastes sweet...

Sabay kaming napalingon ni Migs nang makarinig ng matinis na tili. Nakita ko si Cess na tumatalon-talon at agresibong pinapagpag ang likod niya. Mukhang alam ko na kung para saan ang bubuwit. Nadako tuloy ang tingin ko kay Kiel na sapo ang tiyan katatawa sa kalokohang ginawa.

Pagbalik ko kay Migs, sinasabayan niya ng tawa ang kapatid niya. Tumungo uli siya para makita ako. Sa akin na nakadirekta ang smiling eyes niya at alam kong nawala na yung moment kanina. "Kain tayo?"

"Uli? Busog pa ko sa dami ng kinain ko kanina," reklamo ko.

Pumunta siya sa likod ko at tinulak ako papunta sa bahay. "Kumain na tayo uli, mauubusan pa tayo niyan. Patay-gutom mga tao dito."

"Narinig ko 'yon!" sigaw ni Gilbert nang madaanan namin.

Tumawa lang si Migs.

Bubuksan na dapat niya ang pinto ng bahay nila nang may biglang may tumawag sa kanya. "Migs?"

Tumingin ako sa likod ko at medyo nadismaya sa nakita.

Si Claire.

The Sweetest EscapeWhere stories live. Discover now