Kabanata 22- TAMPUHAN

1.2K 110 12
                                    

Tala


Makulimlim ang langit ng maghapon na iyon at hindi namin nakita si Soliman sa palasyo.

Soliman.

Ni hindi sumasagot sa akin kahit na tawagin ko sa aking isipan.

Naiirita ako na nakakaramdam ako ng pag-aalala sa lalaking hindi ako nauunawaan kung bakit kailangan kong sumama sa laban.

"Tala, bakit 'andito ka?"

"Masama?" pabalang na tanong ko kay Jelie. Naupo ito sa tabi ko at inalok ako ng kinakain niyang patatas.

"Hindi nga lang kasing sarap sa Jollibee pero pwede na," aniya.

Kumaha ako ng malungkot na patatas na pinirito at saka ngumuya. Nakatunghay kaming dalawa sa apoy.

"Hindi mo ba kakausapin si Soliman?" simula ni Jelie.

"Ayaw niyang makipag-usap, 'di huwag."

"Hindi dapat gano'n," wika ni Jelie. "Huwag mong hayaang lumipas muli ang daang taon bago kayo mag-usap. Mahaba man ang buhay natin, magsisisi ka pa rin sa pinakawalan mong mga araw na pinatatagal mo ang away ninyong mag-asawa."

"At kailan ka ba naging bihasa sa ganitong bagay?" mapaklang tanong ko dito sabay kuha ng kinakain niyang patatas.

"Iyon siguro ang pinagkaiba naming mga tao sa inyo. Although hindi ko alam kung tao pa ako dahil nasa akin ang bertud ng lahi namin. Madalas sabihin ng mga tao na maikli ang buhay. Totoo naman, para sa amin— sa kanila. Mahirap mabuhay sa pagsisisi na pinalipas mo ang isang gabi na magkaaway kayo dahil sa ego."

"Hindi niya ako maunawaan," giit ko sabay kuha muli ng lintik na patatas na malambot pa sa nilaga.

"Paano ka niya mauunawaan kung hindi mo ipapaintindi sa kanya ang nais mong maunawaan niya? Mahirap ba para sa iyo na magsabi ng nararamdaman?"

Kulang na lang ang ingudngod ni Jelie ang plato sa mukha ko nang titigan ko siya ng masama. Pinanglalaban sa akin ang tampalasang patatas na hindi ko alam kung bakit malabsa. Kumuha muli ako at isinubo.

"Nag-aalala siya sa'yo, alam mo ba?" pagpapatuloy ni Jelie.

"Kaya ko ang sarili ko—"

"Hindi mo maiaalis sa kanya iyon dahil mahal ka niya. Gano'n ang nagmamahal, Tala. Nag-aalala parati. Ikaw ba ay hindi nag-aalala sa kanya ngayon?"

Hindi ako nakakibo at nilunod ang sarili sa pagkain.

"Kita mo na?"

"Wala akong sinabi," katwiran ko.

"Matigas talaga ang ulo mo. Huwag sanang pati ang puso mo."

"Kailangan kong sumama sa inyo at iligtas si Ama. Ano ang mahirap intindihin doon?" Nagsisimula na akong mainis kay Jelie. Gagawin ko 'tong palaka e.

"Bakit ka sumunod sa gubat noon kay Soliman?" pag-iiba nito sa usapan.

"Bakit mo alam?"

"Sinabi ng mga bubuyog sa akin," sagot ni Jelie. "Bakit nga, Tala?" seryosong tanong nito. "Hindi kaya dahil nag-aalala ka sa kanya?"

"Nakakairita kang kausap, Jelie."

Natawa siya at nagpatuloy sa pagkain.

"Gagawan kita ng portal patungo sa gubat," wika ni Jelie pagkatapos ng ilang segundong katahimikan.

"Hindi ka marunong!"

Nagkibit ng balikat si Jelie. "Minsan tumatama naman ako," sagot niya. "Pakiramdam ko tama ako this time. Sundan mo si Soliman. Baka hindi na niya alam ang daan pabalik dahil madilim na."

Umikot ang mga mata ko at sinubukan muling tawagin si Soliman.

Soliman.

Wala pa ring sumasagot.

"Ano, game? Portal?" Tumataas-baba ang kilay ni Jelie habang hinihintay akong sumagot.

"Kapag ako namali ng nilabasan na lagusan—"

"Ipapahanap kita kay Soliman," sagot agad ni Jelie.

"Hindi ako hahanapin no'n," mabilis na sagot ko.

"Char... baka nga ibigti ako no'n kapag nailigaw kita. Pero ninang ako sa anak mo ha kapag naging okay kayo?"

"Kung magkakaanak kami," bulong ko.

"Bakla, oo naman. May lahi ba kayong baog e ang dami ninyong magkakapatid?" natatawang wika ni Jelie.

Tumayo ito at ibinigay sa akin ang hawak na plato.

Pumikit siya at bumanggit ng mga dasal. Sa harapan ko ay unti-unting lumitaw ang lagusan na kay dilim sa kabilang bahagi.

"Shocks, ang dilim. Wala bang halimaw sa gubat?" tanong ni Jelie. Ibinalik ko s akanya ang plato ng patatas na napangalahati na namin.

"Santelmo," banggit ko. Sa aking kamay ay lumitaw ang bola ng apoy. Inihagis ko sa kabilang panig ng lagusan upang magliwanag.

Ang gubat nga sa hangganan ng lupain na nasa harapan ko. Natatandaan ko ang lugar.

"Mag-iingat ka, Tala," paalala ni Jelie.

Sa aking kamay lumabas ang sibat ng liwanag. "Salamat."

Tumango si Jelie. "Ninang ako," paalala niyang muli.

Pumasok ako sa lagusan patungo sa gubat sa hangganan ng lupain. Muli ay narito ako. Hindi ko alam kung bakit ako nakinig kay Jelie. Ang alam ko lang ay tinamaan ako sa sinabi niya.

Nag-aalala ako kay Soliman. 

The Book of GoddessOnde as histórias ganham vida. Descobre agora