Kabanata 8- ANG TATLONG NAKAGAPOS NA LIBRO

1K 111 11
                                    

Tala

"Magandang umaga," bati ko sa mga kasamahan namin na ikinatahimik nila. Nakatingin sila sa akin na parang tinubuan ako ng pitong sungay. Maging si Mayari at Hanan ay nakatingin sa akin na parang gustong tanungin kung sino ako.

"Ugh... gusto mo?" Naguguluhan si Jelie na inabutan ako ng tinapay na mas lalo niyang ikinagulo ng isipan nang tanggapin ko.

"Salamat."

Nagkatinginan silang lahat; nagtatanong ang mga mata sa isa't-isa. Napabuntong hininga ako.

"Oo na, paumanhin sa inasal ko dati."

"May sakit ka ba?" tanong ni Jelie na agad tinakpan ni Anya ang bibig nito.

"Wala. May gagawin ka ba, Jelie mamaya?"

Nanlaki ang mga mata ni Jelie at tumingin kay Sidapa na nakakunot ang noo naman habang nakatingin sa akin. Binitawan ni Anya si Jelie upang makasagot.

"Bakit?" balik na tanong ni Jelie.

"Magsasanay tayo."

"Kain ka na lang muna, Tala. 'Di pa ako natutunawan baka magka-appendicitis ako."

Pagkatapos ng agahan ay nagtungo kami sa silid-aklatan upang hanapin ang libro na nasa isip ko. Sa dami ng libro rito ay hindi ko alam kung saan magsisimula. Kanya-kanyang dampot ng libro sila Mayari at Hanan habang si Carol ay nakatayo sa gitna ng malaking silid-aklatan.

"Wala ba kayong naririnig?" tanong ni Carol sa amin.

Napatingin ang lahat sa kanya na may pagtataka sa bawat mukha.

"Ang alin?" tanong ni Zandro.

"May humihingi ng tulong," sabi nito.

"Saan?"

"Sa bandang taas." Tinuro ni Carol ang ikatlong palapag ng silid aklatan.

"Maiwan ka dito," wika ni Bunao. Marahang umakyat si Bunao sa mga baitang. Sumunod kami nila Mayari at Hanan habang nakatingin sa paligid. Walang ni isang engkato rito maliban sa amin. Kaya hindi na ako nagtataka nang makarating kami sa ikatlong palapag na walang nakita.

"Wala ni isang buhay dito," wika ni Bunao.

"Isang libro ang humihingi ng tulong," wika niya.

"Ha?" napatanong kaming lahat. Umalingawngaw ang tanong namin sa buong silid-aklatan.

Nagmamadaling umakyat si Carol ng hagdanan kasunod si Zandro, Jake at Amihan. Hinintay namin siya at nang makarating siya sa ikatlong palapag ay pumunta siya sa pinakadulo ng pasilyo. Huminto siya sa isang pader at itinapat ang kainga rito.

"Nandito," wika niya.

"Hindi natin maaring wasakin ang pader. Magagalit si Soliman," ani ni Bunao.

"Kung gano'n ay kailangan natin si Soliman," mungkahi ni Amihan.

"Tatawagin ko," saad ni Jake.

Bumaba ito ng hagdanan at naiwan kami sa ikatlong palapag. Si Carol ay muling idinaiti ang tainga sa pader at nakinig mula rito.

Nagsiakyatan ang lahat upang makitingin kung ano ang nangyayari. Si Soliman ay naabutan kaming lahat doon. Ang nakakunot nitong noo ay nawala at ngumiti.

"Magandang umaga," bati nito sa amin. Nag-iwas ako ng tingin ngunit huli na dahil nakatingin sa akin si Jelie na mukhang isda na inalis sa tubig. Nakanganga ito na parang may malaking balita na natuklasan.

"Ano ang kaguluhan na ito?"

"May libro dito." Tinuro si Carol ang pader kay Soliman.

"Pader iyan," wika ni Faustino.

The Book of GoddessМесто, где живут истории. Откройте их для себя