Kabanata 7- MAHIGIT APAT NA DAANG TAON

1K 110 19
                                    

Soliman

Tahimik si Tala habang naglalakad-lakad kami sa pamilihan. Kung minsan ay mayroong mga humihinto upang matitigan siya ngunit nagbababa ng tingin ang mga ito at umiiwas kapag nakita na ako.

Marahil ay nagtataka ang mga ito kung sino ang aking sinusundan na para akong nawawalang tuta. At marahil, ang iilan ay natatandaan siya at nagtataka kung bakit magkasama na naman kaming dalawa.

"Saan galing si Dalisay at mukhang kababalik lamang ng Biringan?"

Napakunot ang noo ko nang magtanong si Tala. Akala ko ay hindi ako ang kausap, kaya natawa ako nang bahagya nang lumingon siya sa akin na maasim ang mukha.

"Hindi ko alam kung bakit ka sumusunod sa akin gayong ayaw mong sumagot."

"Ako pala ang tinatanong mo."

"Sino pa ba ang kasama ko ngayon?" masungit na tanong nito sa akin.

"Hindi ko alam kung saan siya nagpunta. Sa totoo lang ay hindi ko alam na nawala siya."

"Mahirap yatang hindi mapansin ang babaeng nagpapapansin parati."

"Hindi naman kasi nagku-kwento ang mga guwardiya sa kulungan kung kaya hindi ko alam ang nangyayari dito sa labas."

Sa pagkakataong ito ay si Tala ang nakunot ang noo.

"Ano ang ibig mong sabihin?" tanong niya.

"Hindi mo alam?" manghang tanong ko.

"Ang alin? Ano ang mga hindi ko alam?"

Napatingin ako sa paligid. Napapalibutan kami ng mga engkanto na nakikinig sa amin. Hinila ko si Tala palabas ng pamilihan. Naglakad kami patungo sa isang parke na tanaw ang palayso ngunit malayo sa mga tainga na nakikinig.

"Hindi mo alam na nakulong ako?" tanong ko sa kanya nang makalayo na kami. Huminto kami sa isang batong upuan at hinayaan kong maupo si Tala. Tumabi ako sa kanya ngunit may pagitan sa amin na kakasya pa si Faustino kung tutuusin.

"Bakit ka nakulong?"

Napahinga ako ng malalim. Marahil ay kailangan ko ng sabihin sa kanya ang nangyari.

Biglang kumulimlim ang langit at natakpan ng mga ulap ang araw.

"Sa gitna ng huling digmaan ay namatay si Ama at si Carolina ang pumalit sa pamumuno dahil siya ang tunay na anak. Hindi pa man nasusunog ang katawan ni Ama ay nagbaba ng kautusan si Carolina na lahat ng engkanto ay aatras sa digmaan. Ang hindi sumunod ay kikitilan ng buhay kasama ang tatlong henerasyon ng kanilang pamilya. Hindi ako pumayag sa kautusan na iyon at hindi kami bumalik sa Biringan ni Faustino. Nakipaglaban kami kasama ang ibang diyos at diyosa... kasama ninyo. Ngunit..."

"Ngunit bigla kang nawala," sumbat si Tala.

Tumango ako. "Lingid sa kaalaman ng lahat, nagkaroon ng kasunduan si Carolina at Sitan. Kapalit ng Kalayaan ng Biringan mula sa mga tao ay aanib ang mga engkanto sa kasamaan. Nang malaman ko iyon ay agad kong hinarap ang akin kapatid ngunit napaghandaan niya ako, agad niya akong dinakit at itinapon sa kulungan sa ilalim ng palasyo— kami ni Faustino."

Huminga ako ng malalim bago nagpatuloy.

"Walang nakakapasok at nakakalabas sa kulungan at mayroong mahika ang bawat pintuan doon. Tanging mga taga-bantay ng tarangka ang makakapagbukas ng pintuan ngunit pinaalis lahat ang taga-bantay ng tarangka sa Biringan kapalit ng malaking halaga kaya nawalan na kami ng pag-asang makakalaya."

"Ang sulat na natanggap ko?"

"Ay hindi sa akin nagmula. Nalaman ko mula kay Carolina na tinapos niya ang ating pagtitipan at ginamit ang aking lagda. Nang mamatay si Carolina, doon lamang kami nakalaya ni Faustino dahil nawala ang mahika sa mga pintuan. Doon lamang namin nakita ang araw pagkatapos ng mahabang panahon. At bilang huling anak ni Ama, sa akin napunta ang pamumuno na hindi ko alam gawin kung magiging matapat ako."

"Namumuhi ako sa kapatid mo," mahinang wika ni Tala.

"Hindi lang ikaw. Ikinasiya ko pa nang malaman kong namatay siya sa kamay ng anak ni Sitan dahil kung nagkaroon ako ng pagkakataon noon, papatayin ko si Carolina dahil sa mga ginawa niya. Masyado siyang tuso at sulat lamang ang dumarating sa akin sa tuwing may nais siyang sabihin."

"Mahigit apat na daang taon. Ganoon katagal—"

"Ganoon ko katagal hindi nakita ang araw at ang mga bituin mo sa langit ngunit hindi ibig sabihin noon ay nakalimutan kita."

Huminga ng malalim si Tala. Wala siyang imik at nakatunghay lamang sa palasyo.

"Ibalik mo ang araw," mahinang wika niya.

"Ikaw ang may hawak ng panahon dito sa Biringan."

Tumingin si Tala sa akin at maaninag ang lungkot sa kanyang mga mata.

"Dahil kung malungkot ko ay malulungkot din ako."

Natawa siya na ikinangiti ko. Ang ulap na tumakip sa araw ay unti-unting nawala.

"Bakit mo naisipan na buksan ang Biringan? Kung may ikinabuti ang pagsasarado ni Carolina sa Biringan mula sa tao, iyon ay ang hindi nasalanta ang ganda ng Biringan. Nakita mob a kung gaano kadumi ang mundo sa kabila ng tarangka ng Biringa?"

"Wala akong mapagkatiwalaan dito maliban kay Faustino ngunit gaya ko ay naninibang din siya. Marami ang hindi namin alam at kung makikita iyon ng mga itim na engkato ay hindi magiging maganda ang kalalabasan. Alam kong abot langit ang galit mo sa akin ngunit pinagkakatiwalaan kita, Tala. Kailangan ko ng tulong ninyo— nang tulong mo."

"Bakit mo ipagkakatiwala ang sikreto ng buong Biringan sa akin? Hindi mo ba naisip na baka nagbago ako sa nakalipas na mahabang panahon?"

"Kaya kong ipagkatiwala ang lahat sa iyo dahil ipinagkatiwala ko sa'yo noon ang puso ko. Hawak mo pa nga rin hanggang ngayon."

Kakaunting pagkakataon ko lamang nakita na natahimik si Tala. Sa tuwina ay parati siyang may naisasagot sa kahit anong usapin. Ngayon ay tahimik lamang siya. Kinabahan tuloy ako bigla at muli ay nawala ang araw at natakpan ng ulap.

"Soliman, 'yong araw," wika niya.

"Ayaw mo kasing kumibo. Kinakabahan tuloy ako."

Natawa muli si Tala. "Magagalit ka ba kung may gagawin lamang akong kaunting kapilyahan?"

"Huwag mo lamang gawing abo ang buong Biringan, Tala."

"Ako pa ba?" biro niya sa akin. "Sa ikapapanatag mo Soliman, mapapagkatiwalaan mo pa rin ako."

"Alam ko Tala, ngunit maraming salamat pa rin at narinig ko iyon mula sa iyo."

Natahimik muli si Tala ngunit may kaunting ngiti sa siya sa labi.

"Ano ang iniisip mo?"

"Parang gusto kong kausapin si Dalisay," sagot ni Tala.

"Bahala ka. Basta huwag mong kasapin na naroon ako at ayaw kong marinig na ngumuyngoy iyon."

"Masyado kang malupit sa humahanga sayo, Soliman," biro ni Tala.

"May nagmamay-ari na kasi ng puso ko, binibini."

Iiling-iling si Tala na iniwan akong nakaupo. Nakangiti naman akong humabol sa kanya. 

The Book of GoddessWhere stories live. Discover now