Kabanata 9- ANG PROPESIYA NG BIRINGAN

1K 114 4
                                    

Soliman

Ang tatlong mahiwagang libro— sila pala ang naringgan ko noon tungkol sa anak ni Malakas at ni Maganda. Natatakot ako... naduduwag na pakawalan sila.

"Soliman," tawag sa akin ni Faustino ngunit hindi ako huminto sa paglalakad.

Maraming alam ang libro— mga bagay na dapat ay limot na ng lahat. Ni hindi ko Mabasa ang nakasulat na pamagat ngunit heto ang isang taga-lupa, nababasa at naririnig ang mga libro.

"Soliman, ano ang ibig sabihin no'n?" tanong ni Faustino habang humahabol ng paglalakad sa akin.

"Hindi ko alam," sagot ko.

"Ano ang—"

"Hindi ko alam," bulyaw ko kay Faustino. Nahinto siya sa pagsunod sa akin kasabay ng malakas na kidlat.

Nagpatuloy ako sa paglalakad palabas ng palasyo. Umaasa akong susunod si Tala. Bakit sa pakiwari ko ay hindi ko mapapagkatiwalaan ang lahat maliban sa kanya?

Naglalaro sa isipian ko ang nangyari sa tarangkahan. Bakit alam ni Sitan na mapaparoon kami? Hindi ang anak niya ang hinihintay niya kung hindi ako. Ako. Dahil alam niya ang tungkol sa nakagapos na tatlong libro? Marahil... marahil ay sinabi ni Carolina.

Magmadali kayo dahil nauubos na ang oras ninyong lahat.

Iyon ang sabi ng libro.

"Soliman, hari ng tatlong kaharian."

Hayan na naman ang boses na tumatawag sa akin. Palakas nang palakas habang tumatagal. Noong nasa kulungan ako ay siya ang nagbibigay pag-asa sa akin. Akala ko noon ay ang mga ninuno namin na namatay sa kulungan ang nagsasalita kung kaya pinapakinggan ko minsan ang sinasabi niya.

"Hindi mo matatakasan ang itinakda para sa iyo."

Huminga ako ng malalim upang pigilan ang pagdaloy ng kakaibang enerhiya sa aking ugat. Naramdaman ko ang pagdaloy nito kanina kasabay noon ang pag-iiba ng mata ko.

Bathala, sundin sana ako ng iyong anak. Kailangan ko siyang makausap.

Nagpunta muli ako sa lugar kung sana kami nag-usap kahapon. Huminga ako ng malalim at pinilit kinalma ang sarili.

Hindi pa nawawala ang mga ulap sa langit na parang nagbabadya ng bagyo. Ang hangin ay umiihip ng malakas at tinatangay ang mga dahon. Samu't saring emosyon ang nararamdaman ko ngayon na hindi ko alam pigilan nguit nanaig ang takot sa mga propesiya na lumalantad sa aking harapan.

Lumipas ang mahabang oras na hindi dumating si Tala. Nakadagdag pa iyon sa bigat na nararamdaman ko. Umasa ako na darating siya. Akala ko ay ayos na, na kung hindi maibabalik sa dati ang lahat, maibalik man lang sana ang nag-iisang taong pinagkakatiwalaan ko.

"Soliman," mahinang tawag ng tinig ni Tala na tinangay ng hangin. Napalingon ako sa paligid at hinanap siya. Nabuhayan ako ng pag-asa.

Sa may parte ng gubat naroon si Tala at kumakaway sa akin habang nakatago sa isang puno. Kalmado akong tumayo sa upuan at lumakad papasok sa gubat.

"Bakit ngayon ka lamang?" tanong ko kay Tala nang makalapit ako.

"Binabantayan ako ni Faustino," paliwanag niya. Nakasimangot ito at mukhang naiinis. "Wala akong tiwala sa kaibigan mo, noon pa."

"Alam ko. Kaya nga ikaw ang nais kong makausap. May sinabi pa ba si Carol no'ng umalis ako sa silid-aklatan?"

Umiling si Tala. "Ano ang tungkol doon, Soliman? Nasa panganib ka ba?"

"Ang propesiya..."

"Sa tatlong kaharian?" manghang tanong ni Tala.

Tumango ako. "Ako ang propesiya ng Biringan."

"At sino ang nakakaalam nito?" nag-aalalang tanong niya.

"Ikaw, ako, si Ama, si Carolina at marahil si Sitan."

Napasinghap si Tala. "Hindi kaya ikaw ang pakay niya sa Tarangkahan?"

Tumango ako. Huminga ng malalim si Tala.

"Natatakot ako," pag-amin ko kay Tala.

"Saan?"

"Sa propesiya. Nakita mo kanina ang pagpapalit ng aking mata... iyon ang lagi kong nilalabanan. May boses na tumatawag sa akin."

"Soliman," tawag ni Tala sa aking pangalan na nagpakalma sa akin. "Baka kailangan mong pakinggan ang tatlong libro upang maunawaan mo ang kinatatakutan mo."

"Paano? Paano kung malunod ako sa kapangyarihan at—"

"Hindi ko hahayaan," mabilis na putol ni Tala sa namumuong agam-agam sa akin.

"Hindi ko maririnig ang bawat sasambitin mo kung nalulunod na ako sa kapangyarihan."

Huminga ng malalim si Tala. "Alam nating may isang paraan, Soliman."

"Ayaw kong itali ka dahil lamang kailangan ko."

Nagkibit balikat si Tala. "Kilala mo ba ang boses na kumakausap sa iyo?" pag-iiba niya sa usapan.

"Sa hangganan ng lupain ay may makapal na gubat na natatanaw mula sa silid-akalatan."

Tumango si Tala. "Natanaw ko iyon."

"Naroon ang mahiwagang tinig na kumakausap sa akin."

"Bakit hindi natin puntahan at nang malaman ang nais niya?" pahiwatig ni Tala.

"Tala... hindi natin. Kung may pupunta roon ay ako lamang."

"At sino ang magliligtas sa iyo kung mapapahamak ka?" tanong nito at nameywang sa harapan ko. "Huwag mo akong hamakin."

"Hindi kailanman kita hinamak. Ako ay nag-alala sa'yo, magkaibang bagay 'yon."

Natahimik si Tala at ang nakapamewang nakamay kanina ay ngayon ay nakahalukipkip na.

"Hindi kita maintindihan. Bakit mo sinasabi sa akin lahat kung ayaw mong tulungan kita?"

Napabuntong hininga muli ako. "Marahil ay nais kong mailabas lahat ng ito sa taong pinagkakatiwalaan ko ng aking buhay."

Natahimik muli si Tala.

"Bukas ay haharapin ko ang tatlong libro ngunit..." Hindi ko tinuloy ang nais kong sabihin.

"Ngunit?" tanong ni Tala na mukhang naiinip.

"Ngunit hindi ko nais na naroon ang iba."

"Kailangan natin ng tulong nila. Maaring hindi mo sabihin sa kanila ang lahat ngunit kailangan natin ang tulong nila, maniwala ka. Maliban sa kaibigan mo."

Tumango ako na ikinamaang ni Tala. "Naisip ko na hindi ko lubos na kilala si Faustino."

"May sinang-ayunan ka rin sa sinabi ko."

Natawa ako ng bahagya.

"Magpanggap tayo na hindi magkasundo upang hindi ka pagdudahan ni Faustino na may pagdududa ka na sa kanya," mungkahi ni Tala.

"Paano ko gagawin iyon gayong lumiliwanag ang makulimlim na langit kapag nariyan ka?"

Umikot ang mga mata ni Tala. "Gawin mo."

Naihilamos ko ang dalawang kamay ko sa mukha. "Susubukan ko."

"Mauna na akong bumalik sa palasyo. Kakausapin ko ang mga kaibigan ko at bibigyan sila ng babala. Kailangan ko si Bunao na patulugin si Faustino. Kung sana ay nariyan pa ang Adarna. Madali sanang gawing bato iyang kaibigan mo."

"Magkita tayo bukas sa silid-aklatan bago sumikat ang araw," wika ko.

"Ang aga naman," angal ni Tala.

"Nais kong makita ka bago magsimula ang liwanag."

Umikot muli ang mga mata ni Tala bago niya maitago ang isang sumilay na ngiti. "Mauuna na ako. Sumunod ka agad," bilin niya.

"Opo," birong sagot ko.

Naglakad si Tala palayo sa akin habang tinatanaw ko siya palayo ay narinig kong muli ang tinig na nanggagaling sa gubat.

"Malapit na, mahal na hari."

The Book of GoddessWhere stories live. Discover now