Kabanata 6- DALISAY

1K 111 12
                                    

Tala

"Masyado kang malupit kay Jelie," wika ni Mayari habang naglalakad kami palabas ng palasyo. "Hindi niya kasalanan na hindi niya alam ang mahika."

"Hindi ako malupit—"

Natawa si Hanan ng bahagya. "Kabiyak niya si Sidapa, Tala. Baka mapuno iyon sa'yo."

"Wala akong ginagawang mali," giit ko. "Gusto ko lang na matapos na ito.

"Hindi madadala sa bilis ang lahat. Parang sanggol si Jelie kung pagbabasihan ang kaalaman niya. Hindi mo maaring ipilit ang kaalaman natin sa kanya sa isang iglap," pahayag ni Mayari.

"Kailangan n ani Ama ng tulong," wika ko. Napabuntong hininga ang dalawa.

"Mag-usap nga kasi kayo ni Soliman," deretsang wika ni Hanan.

"Hindi—"

Tiningnan ko ng masama ng dalawa kong kapatid na ikinatahimik ko.

"Hindi si Ama ang inaalala mo kung hindi ang pananatili mo rito," saad ni Mayari. "Dahil siya pa rin, hindi ba?"

"Siya pa rin ang may kasalanan," mapaklang sagot ko.

"Dahil siya pa rin, ang sinisigaw ng damdamin. Pilitin mang iwasan ay hindi niya magawa," awit ni Hanan. Naiinis akong sinabunutan ito na ikinatawa lamang niya.

"Nahahawa ka na sa mga taga-lupa."

"Mas tao ako ngayon," sang-ayon ni Hanan sa akin. "Intindihin mo si Solian, Tala."

Naiikot ko ang mga mata ko. Heto na naman kaming tatlo.

"Tigilan na niyo. Ibaon na natin sa limot 'yan. Kung pwede nga lang siya ang ibaon ko sa lupa."

"Limutin na raw pero gustong ibaon sa lupa," biro ni Mayari.

"Masyado niya kasing minahal kaya masyado siyang nasaktan. Intindihin na lang natin, Mayari," saad ni Hanan. Umiwas agad ito sa akin nang tangkain kong hablutin muli ang buhok niya.

Napahinto kami sa paghahabulan ng may tumikhim.

"Tunay nga na narito ka, Tala."

"Dalisay," may pait na bati ko.

"Makikiraan lamang sa inyo. Pupuntahan ko lamang si... Soliman. May usapan kami na magkikita ngayong nakabalik na ako sa Biringan."

"Maluwag ang daan, Dalisay. Gaano pa kaluwag ang kailangan mo upang makaraan ka ng matiwasay?" tanong ko. Napayuko si Mayari at Hanan upang itago ang pagtawa. Sumenyas ako na dumaan na siya. Ngumiti si Dalisay at nilagpasan kami. Umikot muli ang mga mata ko.

"Buhay pa pala," bulong ko sa mga kapatid ko.

"Magsisimula na naman tayo sa pag-iibigan na tatluhan," pasaring ni Mayari.

"Sila na lang. Tse!"

Tatawa-tawa ang dalawa na hinabol ako.

Grrrr... nakita ko na naman si Dalisay. Bakit ba kasi Dalisay ang pangalan nito e hindi naman dalisay?

Lumabas ako ng palasyo at naglakad-lakad sa bayan. Hindi nakahabol sa akin ang dalawa kong kapatid kung kaya nag-iisa akong tumitingin ng mga binebenta sa pamilihan. Ang ilan sa mga engkanto ay kilala pa rin ako. Ang ilan ay natatandaan pa ang nakaraan— ang mga nakaligtas noong huling digmaan.

Hindi lahat ng engkanto ay mabuti. Nahahati sa tatlong kaharian ang Biringan. Ang mga puting engkanto, ang mga itim na engkanto at ang mga dwende. Base sa pagkaka-alam ko, napagkaisa na ang dalawang kaharian at iyon ang pinamumunan ni Soliman. Tanging ang mga itim na engkanto ang nag-aaklas sa kapangyarihan na mayroon ang pinuno.

"Binibini, nais mob a ang hiyas na iyan?" tanong ng dwende na nagtitinda. Umiling ako at binitawan ang kwintas na mayroong mala-rosas na perlas.

"Galing iyan sa luha ng sirena. Luha ng kaligayahan kung kaya kulay rosas."

Muli ay umiling ako ngunit mapilit ang dwende na ito. Bumaba siya mula sa tinutungtungang umpuan at lumapit sa akin. Halos umabot lamang ito sa aking baywang. Tunay na maliit ang mga dwende.

"Mali yata na bumaba ako. Hayaan mong tumungtong muli ako sa upuan," natatawang wika nito nang mangawit sa kakatingala sa akin.

Huminga ng malalim ang dwende nang makatungtong muli ito. "Hayan, binibini, nasaan ako? Ay oo, narito ang perlas mula sa luha ng kaligayahan ng isang sirena."

Muli ay umiling ako. Nawala ang ngiti ng dwende.

"Ano ang ibig mo, binibini?" tanong niya.

"Siya nga, ano ang nais ng binibini at napapag-isa rito sa pamilihan?" tanong ng tinig na ikinaliit ng mga mata ko. Yumuko ng kaunti ang dwende upang magbigay galang kay Soliman.

"Gaya ng sabi mo ay nais kong mapag-isa. Wala ka bang bisita sa palasyo at naririto ka?"

"Iyon nga ang dahilan kung bakit ako wala sa palasyo," sagot ni Soliman. Napangiti ako ng kaunti ngunit naalala kong galit nga pala ako sa dito. Nawala agad ang ngiti ko.

"Nakita mo ba siyang dumating kanina?"

"Oo," maikling sagot ko. Naramdaman kong tumabi sa akin si Soliman at kinuha ang kwintas na hawak-hawak ko. Ang dwendeng nagtitinda ay nakamasid sa amin at hindi kumibo.

"Bakit hindi moa ko binalaan?"

"At bakit ko gagawin gayong may usapan kayo na magkikita?"

"At sino ang may sabing may usapan kami na magkikita?"

Napakunot ang noo kong humarap kay Soliman.

"Hindi ka na nasanay. Naniniwala ka lagi kay Dalisay," walang ganang wika ni Soliman. Umikot ang mga mata ko at hinablot ang tampalasang kwintas na hawak niya.

"Magkano ito?" tanong ko sa dwende.

"Ugh... hindi ko na yata ipagbibili iyan," ani ng dwende.

"Untik—" tawga ni Soliman sa Dwende.

"Pinuno... huwag po kayong magalit. Hindi ko na ibebenta. Magsasabi na ako ng totoo. Hindi 'yan galing sa luha ng kaligayahan ng sirena. Galing iyan sa luha niya sa unang pagtatalik."

Naiinis akong binitawan ang kwintas. Natawa si Soliman na mas lalo kong ikinainis.

"Halika na, Tala. Sasamahan kitang maglakad-lakad."

"Sino ang may sabing nais kitang kasama?" Napalakas ang boses ko na ikinahinto ng mga nakapaligid sa amin. Nakatingin silang lahat sa akin.

"Ayaw mong magalit ako at kumidlat muli, hindi ba?"

"At bakit ako magkakaroon ng pakialam sa—"

Nawala bigla ang araw na kanina lang ay tirik. Biglang kumulimlim at nagbabadya ang pag-ulan.

"Tampalasan ka," mahinang wika ko kay Soliman.

Ngumiti siya ng payak at nilahad ang kamay sa akin.

"Wala pa tayo sa ganyang estado. Sumunod ka kung nais mo... at pwede ba... tigilan mo ang kakapaulan?"

Tuluyang ngumiti si Soliman at umaliwalas muli ang kalangitan. Napabuga ng hininga ang mga nakapaligid sa amin at nagpatuloy sa kanilang mga ginagawa.

"Kung ano ang nais ng binibini at siyang masusunod," wika ni Soliman na ikinalaki ng butas ng ilong ko.

"Talaga?" walang ganang tanong ko.

"Ngunit ang iyong paglisan sa Biringan ay hindi mapapagbigyan." Kumindat si Soliman sa akin na ikinabigla ko.

The Book of GoddessWhere stories live. Discover now