"Pero, Prinsesa Eliana, aanhin naman natin ang mga tela at ang---" 

"Tsk. Baka ipupulupot ko sa leeg niyo ni Stella dahil nanggigigil ako hindi niyo sinasabi sa akin ang patungkol sa bagay na ito." Gigil at nanggagalaiti ko naman na saad. Napayuko na lamang siya na para bang napahiya sa aking sinabi pero hindi ito nakabawas sa inis na nararamdaman ko. "Sundin mo na lamang lahat ng sinabi ko." Mataray ko pang saad at naglakad na ako palabas ng silid ngunit bago pa man ako makalabas ng pinto ay sandali ko pa siyang nilingon para sa aking pahabol. "At puwede ba, sa susunod, huwag niyong itatago sa akin ang mga ganitong bagay dahil hindi naman ako diyos para iresolba ang lahat lalo na kapag lumala ito." Malamig ko pang dugtong saka na ako padabog na lumabas ng aking silid.

"Maraming salamat po, Prinsesa Eliana..." Dinig ko pang pahayag ni Leandra ngunit hindi na ako sumagot pa.  

Ang ganda ganda pa naman sana ng umaga ko at akala ko ay hindi ako makararanas ng pagkabanas sa mga susunod na araw ngunit mukhang nagkamali ako. Nakadagdag pa sa inis ko ang kadahilanan na sa kabila ng pagkakaroon ng tapilok sa paa ay kinakailangan kong magpunta sa ibang gusali para lamang ayusin ang bagay na ito. Sa mga ganitong pagkakataon talaga ay nangungulila ako sa dati kong mundo na kung saan uutos ko na lamang ang lahat. 

"Bahala na nga..." Inis na bulong ko na lamang habang iika-ika akong naglakad palabas ng dormitoryo ng mga kababaihan. 

-ERYX- 

MAAGA pa lamang ay abala na muli si Eryx sa mga papeles na kinakailangan niyang basahin, pirmahan, at aksyunan. Ilang araw din niyang napabayaan ang trabaho dahil sa mga palaro na naganap noong nakaraang mga araw lamang kaya imbes na mabawasan ay lalo lamang natengga at nadagdagan ang kanyang trabaho. Halos kaliwa't kanan ang mga natatanggap niyang kaso at mga reklamo patungkol sa mga kababaihan na nawawala mula sa iba't ibang kaharian sa emperyo.

Ilang araw nang sunod-sunod ang tambak na papeles patungkol sa mga ganitong kaso kaya ginagawa naman niya ang lahat para matunton ang mga may sala dito. Halos hindi na rin nagpapahinga o natutulog ang kanyang mga tauhan na nakabantay sa border ng bawat kaharian para lamang mahuli ang may sala sa pangingidnap ng mga dalaga. 

Naudlot lamang siya sa kanyang ginagawa nang makarinig ng katok mula sa kanyang pintuan. 

"Nagawa ko na po ang iyong ipinag-uutos, Prinsipe Eryx." Bungad ni Estevan ng may maaliwalas na ngiti sa mga labi.

Nag-angat naman si Eryx ng tingin sa kanya saka marahang itinabi ang hawak na pluma.

 "Kumusta siya?" 

"Hindi ko na siya naabutan sa kanyang dormitoryo pagka't ang sabi ng kanyang mga katulong ay maaga raw umalis si Prinsesa Eliana. Ibinigay ko na lamang ang mga gamot at ang prutas sa kanyang katulong na nagngangalang Leandra." Nakangiti at tila ba nagmamalaking saad ni Estevan. Kaagad din itong lumapit sa tabi ni Eryx na ngayo'y nakatingin lamang sa kawalan, wari'y may malalim na iniisip at marahang tumatango-tango.

Ilang sandali pang tumulala si Eryx sa kawalan na para bang nilalamon na ito ng kanyang napakalalim na iniisip. Palihim naman na napapangiti si Estevan sa inaakto ng kaibigan na tila ngayon lamang niya ito nakita na ganito. "Maraming salamat, Estevan. Maaari ka nang bumalik sa iyong gi---"

"May namamagitan ba sa inyo ni Prinsesa Eliana, Prinsipe Eryx?"

Hindi naman inaasahan ni Eryx ang katanungan na ibinato ni Estevan kaya imbes na kaagad makasagot ay napatitig na lamang siya sa kaibigan.

Lalo naman lumawak ang pagkakangiti ni Estevan sa reaksyon ni Eryx. Sagad na rin ang pagpipigil nito na matawa sa mga reaksyon na ipinapakita ni Eryx.

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Where stories live. Discover now