Bumalik na lamang ako sa pagpikit at panandaliang pagtulog ng bigla na naman magsalita si Leandra. Wala tuloy akong nagawa kundi ang imulat ang aking mga mata at gawaran siya ng masamang tingin. Natutulog naman kasi yung tao e. 

"Ah... Prinsesa Eliana..." Nahihiya niya pang bungad habang palipat-lipat pa ang mga mata niya sa buhok ko at sa salamin kung saan ko siya tinitingnan. 

Hindi na ako sumagot pa dahil tinaasan ko na lamang siya ng kilay at hinintay ang kanyang kasagutan. 

"A...Ano po kasi, naubos na po ang mga gamot ni Stella para sa kanyang mga sugat at patuloy niyang medikasyon sa buto. Kung maaari raw po ay manghihingi sana siya ng kaunting pamahid mula sa inyo---" 

"Bakit kinakailangan niyang manghingi? Hindi ba siya makakabili gamit ng suweldo niya?" Mataray kong tanong.

"A...Ang totoo po nyan..." Mukhang nagdadalawang isip pa si Leandra na sabihin sa akin ang dahilan kaya naman pinandilatan ko na siya ng mga mata at ipinadama sa kanya na ako'y naiinip na ng todo. "...hindi pa po kami sumusuweldo nitong mga nakaraang buwan dahil hindi pa po nagpapadala ang Reyna Sunniva para sa parte namin ni Stella." Natatakot niyang pagpapatuloy.

Hindi naman ako kaagad nakakibo pagka't maski ako ay nagulat sa kanyang sinabi. Paanong hindi nagpapadala si Sunniva? Hindi ba dapat ay patuloy ang sustento na natatanggap ng aking mga katulong dahil nakasaad sa responsibilidad niya ang ganitong klaseng trabaho! 

"Bakit hindi niyo kaagad sinabi sa akin?" Inis ko naman na tanong habang napapahilot na lamang ako sa aking sentido. May bago na naman pa pala akong poproblemahin kung ganoon. 

"A...Akala ko po kasi nahuli lang ng dating dahil madalas naman po ito mangyari noon kaya hindi muna namin sinabi sa inyo pero nanganailangan na po kasi si Stella ng pambili ng gamot ngunit hanggang ngayon ay---" 

"Hindi kayo maaaring humingi ng gamot na ibinigay ni Aeson at hindi ko rin kayo bibigyan." Matigas kong pahayag habang ang aking mga mata ay nagbabaga na naman sa inis at pagtitimpi. 

Mukhang nagulat naman si Leandra sa sinabi ko at halata sa kanya ang pagkadismaya dahil sa aking isinaad ngunit hindi ko na siya hinayaan pang makapagsalita. Marahas na akong tumayo sa aking kinauupuan at kahit hindi pa siya nangangalahati sapagkakatirintas ng aking buhok ay hinayaan ko na lamang ito na makawala. 

"Prinsesa Eliana, ang buhok mo---" 

"Ikaw ang humahawak ng pera ko para sa aking pang-araw-araw tama ba?" Taas kilay kong tanong kay Leandra na agad naman niyang sinagot ng sunod-sunod na tango. "Kunin niyo na ang ginto na nakalaan sa akin para sa buwan na ito.Paghatian niyo muna ni Stella ang mga iyon at kung mag-iinarte pa kayo ay maghanap na lamang kayo ng ibang amo." Walang kagana-gana kong sagot dahil sa iba na rin nakatuon ang aking atensyon at hindi na sa pagmamando lamang kay Leandra. 

"P...Pero Prinsesa Eliana, sobra-sobra po ang gintong iyon para---" 

"Wala akong pakialam. Kumuha lang kayo ng kakailanganin niyo kung ganoon." Inirapan ko pa siya na parang ang tanga-tanga ng katanungan niya. 

Kita ko naman na mas lalong nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ko ngunit bago pa man siya magsalita ay pinagpatuloy ko na ang aking sinasabi. "Sa pagkakaalala ko rin ay hindi ako masyadong gumastos nitong mga nakaraang buwan kaya gamitin mo ang ipon ko para makabili ng magagandang klase ng tela, mga kagamitan sa pananahi at mga papel pati na rin pluma at tinta. Lahat ng iyan ay kinakailangan ko na ngayong linggo. Maliwanag ba?" Mataray na dugtong ko pa habang abala na ako sa pag-aayos ng mga gusot sa aking damit. 

Kahit hindi ako nakatingin ay halata kay Leandra ang matinding gulat at pagtataka sa aking mga sinasabi pero wala na akong pakialam doon. Hindi ko na kinakailangan pang magpaliwanag basta gawin niya lamang ang sinasabi ko ay wala na kaming problema. 

Reincarnated as the Seventh Princess (Book 2/3) (COMPLETED)Where stories live. Discover now