Gusto ko tuloy uling sabihin sa kanya na mahal ko siya. Na poprotektahan ko siya at hindi na siya malulungkot pa kahit kailan.

Pero naiintindihan ko si Hannah. Kailangan niyang ma-realize ang lahat ng ito sa sarili niyang panahon. Kung ipipilit ko nang ipipilit sa kanya, agad-agad siyang lalayo. At least ngayon alam niya.

"Lagi akong dumadaan ng Manila Bay pero ngayon lang ako tumambay dito," sabi niya.

"Talaga? Ako yung hindi taga-Maynila pero ako yung sawang-sawa sa Manila Bay."

Tinaasan niya ako ng kilay. "Dito mo dinadala lahat ng girlfriend mo 'no?"

Inismiran ko siya at unti-unting lumapit sa kanya na tila may masama akong balak. "Malamang. Madilim. Tahimik. Walang pakialamanan. Perfect spot."

Tinulak niya ang mukha ko palayo. "Tigil-tigilan mo nga ako sa arte mo. Hindi ako naniniwala sa'yo."

"Bakit? Bawal akong magloko?"

"Hindi naman sa bawal. Entitled kang magloko pagkatapos ng ginawa niya sa'yo. Alam ko lang na hindi mo gagawin iyon kay Claire."

"Kahit na siya ang nagloko sa akin? Hindi ba mas may karapatan na akong gawin 'yon pagkatapos ng ginawa ni Claire?"

Umiling siya bilang pagsalungat sa sinabi ko. "Alam ko kasing hindi ikaw yung tipo ng lalaking gagawa ng mga bagay na makakasakit ng iba."

"Alcoholic ako, Hannah," pagpupumilit ko na parang sagot iyon sa lahat.

Kinagat niya muna ang labi niya. Ayaw niya nang magpaliwanag pero pinilit niya ang sarili niya. "Not anymore. Isa pa, punto ko rin iyon. Pwede kang lumingon at ibuhos sa ibang babae ang hinanakit mo pero sa bote mo ginawa. Kasi ayaw mong manghila ng ibang tao sa problema mo lalo pa't inosente siya at paaasahin mo lang sila."

Napakunot ako ng noo sa eksplanasyon niya. "Pano ka nakakasiguro sa mga sinasabi mo?"

Saglit siyang lumingon sa direksyon ko bago ibalik sa tubig. Sa kadiliman ng gabi, tanging ang ilaw lang ng poste ang nagbibigay sa akin ng sulyap sa hitsura niya. Nakita ko ang mga aninong nananakot sa kanya at hindi ko matanggap na nandoon pa rin ang mga 'yon. Hindi sila nabibilang sa kagandahan ng mukha niya at kung aaminin ko, naiinis na ako sa tuwing nakikita ang mga iyon.

Umihip ang isang malakas na hangin at nakita kong nanginig ang katawan niya kaya lumapit ako sa kanya upang maharangan yung hangin.

"'Di kasi ako katulad mo," ang sagot niya sa nauna kong tanong. "Hindi ko iniisip yung mga taong masasaktan ko. Ginagamit ko sila sa tuwing kailangan ko. Lahat ng advantage na meron ako, ginagamit ko, wala akong pakialam kung may nasasaktan na. Kaya rin siguro panay walang kwenta ang mga nagiging nobyo ko. Alam ko kasi kung saan ako lulugar sa kanila. Lagi kong pinipili yung mga gago kasi alam kong gago sila. Walang tiyansang masaktan dahil alam kong wala rin silang pakialam."

Ipinatong ko ang kamay ko sa kamay niya na nasa pagitan ng magkatabi naming hita. "Ako. Inisip mo na baka masaktan mo ako. Hindi ba 'yun counted?"

"Alam nating dalawa na gago ka," naglaro ang ngiti sa labi niya bago magbigay daan sa isang malaking ngiti. "Pero ikaw yung gagong pinakamatigas ang ulo kaya wala akong ibang nagawa kundi sumuko."

Natawa ako sa inamin niya. "Napagod ka na rin sa wakas."

Umirap siya. "Napagod, nairita. Kulang na lang tumalon sa bangin."

Kunwari'y naalarma ako. "Hala, huwag! Maraming iiyak kapag sinundan kita para sagipin. Mami-miss nila yung abs ko."

Nakatanggap tuloy ako ng paninikmura. "Tara na nga, umuwi na tayo. Tapos na ang date." Tumayo siya at bumaba sa ledge.

"Date? Ito na ba 'yon?"

"Hindi ba ito?" Ang cute ng itsura niya sa kanyang pagtataka.

Napangiti ako ng malaki. Inilapat ko ang dalawang kamay ko sa likod ko at tumingin sa langit para itago sa kanya ang hambog na expression sa mukha ko. Baka masikmuraan uli ako. "Hannah, kung ganito ang iniisip mong date, ang papangit ng mga date na napuntahan mo noon."

"Well, sobrang ganda ng gabing 'to, akala ko ito na yung date na tinutukoy mo," bulong niya.

Bumaba na rin ako't lumapit sa kanya. "Bibigyan kita ng mas marami pang gabing ganito kung hahayaan mo ako."

Nakita ko ang effort ng paglunok niya. "I'll try my best to deserve it."

❈    ❈    ❈

Pagkadating namin sa bahay ay naghiwalay kami ni Hannah sa pinto niya. Pinauna ko siyang gumamit ng banyo at nang marinig na tapos na siya ay ako naman ang nanamantala nito. Nabigla na lang ako dahil pagpasok ko ng kwarto ko, nakaupo si Hannah sa gitna ng kama.

Pinaglalaruan niya yung dulo ng unan na nakapatong sa hita niya. "May ipis sa kwarto ko."

Pinigilan kong tumawa sa palusot niya dahil alam naman naming dalawa na walang ipis sa kwarto niya at kung meron man, hindi siya matatakot doon. Imbis ay nginitian ko na lang siya at nagbiro. "'Wag mo kong aagawan ng kumot kundi itutulak kita."

Ngayong maaga pa at tahimik sa rancho ay sinamantala ko ang pag-iisa ko sa kusina. Dinala ko ang envelop na inabot ni Hannah at isa-isang pinagmasdan ang mga kuha ni Michelle. Tumigil ako doon sa winning shot kahit pa ayaw kong balikan yung pakiramdam habang isinusuyod ko ang kamay ko sa likod ni Hannah. Malulukot ko pa ang litrato kung hindi ko nahuli ang sarili ko sa pamumuo ng kamao.

Masyado akong abala sa pagpapakalma sa sarili ko kaya nagulat ako nang maramdaman ang Kakang Isko sa likod ko. Agad kong ibinaba ang mga hawak kong litrato at pinagkumpol-kumpol ito. "Magandang umaga, Kaka," bati ko.

Hindi siya umimik. Nakakunot lang ang noo niya habang nakatingin sa mga litratong dali-dali kong sinisinop. Tapos inangat niya ang tingin niya sa akin. Napatigil ako. Buong buhay ko ay dalawang beses ko lang nakita ang tingin na iyon. Una, nang sunduin sina Hannah at Tiya Hilda ng asawa nito. Pangalawa, ay nang makarating sa rancho ang balita na patay na ang anak niya. At ngayon, ito. Nang makita niya ang litrato ng mga sugat ng apo niya.

Humila siya ng upuan at umupo. Pinako niya ako gamit ang titig niya. "Ipaliwanag mo 'to."

Hindi sa akin ang ang istorya para ikwento pero kung ito ang makakatulong para magkaayos ang maglolo, ako na ang gagawa ng unang hakbang sa tamang direksyon.

Kaya ikinuwento ko lahat ng alam ko.

Pagkatapos ay namumutla ang Kakang Isko. "Hindi ko alam."

Tumango lang ako dahil hindi ko alam ang isasagot ko.

Pinisil niya ang balat sa gitna ng mga mata niya. "Si Hilda..." Naputol ang boses niya sa huling pantig. Nakita kong bumagsak ang mga balikat niya.

"Alam ko hong mabigat ang mga narinig niyo. Pero dapat niyo ring malaman na matatag ang apo niyo. Isang ugali na nakatitiyak akong nakuha niya sa inyo." Kinuha ko lahat ng gamit sa lamesa at lumabas papunta sa mga kamalig para simulan ang trabaho ko.

Nagawa ko na ang parte ko para magkagaangan ng loob ang dalawa. Huwag lang sana nilang pairalin ang mga pride nila.

The Sweetest EscapeWhere stories live. Discover now