Chapter XII

1.1K 105 10
                                    


JUNICA

May ilang butil ng pawis sa noo ko nang huminto ako sa pagdya-jogging. Kumunot ang noo ko nang makita kong naglalakad ang isang pamilyar na babae na naka-school uniform katabi ang isa pang lalaki na medyo payat. Pareho silang may jacket na pang-itaas. Bahagya akong napangiti.

"Si Carla yata 'yun." At nang mag-side view sila mula sa kinatatayuan ko ay napatunayan kong si Carla nga ang nakita ko. Bumalik na pala siya. Kahit paano ay nakahinga na ako ng maluwag. Saglit ko pa silang pinagmasdan na dalawa sa masaya nilang pagku-kwentuhan habang naglalakad, bago ako nagdesisyon na lumapit sa kanila upang bumati. "Carla!"

"Ms. Junica!" masayang tugon ni Carla nang sabay silang lumingon sa akin ng kasama niya. Tuluyan nang nawala ang agam-agam ko nang makita ko ang sigla sa mukha niya nang makilala ako.

"Kumusta ka na? Buti nakabalik ka na? Nakita ko kasi ang mga naka-tag na post sa 'yo. Medyo nag-alala ako," sabi ko na sinulyapan at nginitian rin ang kasama niya. Siya 'yung lalaking nabanggit sa mga tagged post kay Carla na huling kasama nito, si Erwin.

"Ayos lang po ako. Medyo nagkatampuhan lang po kasi kami ng mga magulang ko kaya nagpalipas lang ako ng sama ng loob. Uhmm... Si Erwin nga po pala ang boy friend ko," pakilala niya sa akin. Nginitian naman ako ni Erwin. "Uhmm. Ms. Junica, pwede po ulit magpa-picture kasama kayo at si Erwin?"

"'Yun lang pala. Walang problema. Kahit ako pa ang mag-picture." Nakangiting sabi ko. Natutuwa talaga ako na nakabalik na siya. Mas natutuwa ako na malaman na hindi totoo ang mga nabubuong pangyayari sa isip ko. Imahinasyon ko lang ang lahat.

"Uhmm, okay lang po ba na sa cellphone ninyo na lang po tayo mag-picture?" tanong ni Erwin.

Medyo nagtaka ako pero inabot ko na rin ang cellphone ko mula sa may likuran ng suot kong makapal na leggings. "Sige. Wala ba kayong dalang cellphone ngayon?"

"Hindi po. Wala po kasi kaming... mga kamay. Pinutol ni Lola Harlie," ani Carla.

Napaatras ako nang mula sa bulsa ng kanilang suot na jacket ay nilabas nila ang kanilang braso na duguan at... wala ng mga kamay. Ngunit mas nahindik ako nang ibalik ko sa mukha nila ang mga tingin ko. Duguan ang mga iyon abot hanggang leeg. May malalim at malaking taga sa mukha si Carla, at si Erwin naman ay putok na ang isang mata at maga ang mga labi.

'Tulungan mo ako...'

Nabaling ang tingin ko sa babaeng biglang lumitaw sa may likuran nila. Nakasuot ito ng isang school uniform, magulo ang mahaba at makapal na buhok nitong tumatakip sa sariling mukha, sira ang blusa na pang-itaas at wala ng panloob. Maputik ang mga paa nito at ang palda ay punit-punit na rin habang walang tigil ang pag-agos ng dugo sa mga hita at binti na nito.

'Tulungan mo kami, Ms. Junica.'

Muli akong napaatras nang humakbang palapit sina Carla at Erwin sa akin. Lumuluha sila ng dugo habang nakataas ang mga duguang braso na wala ng mga kamay na tila nais akong abutin.

Nangatal na ang mga labi ko at nanlalambot ang mga binting pilit kong inihahakbang paatras. Mariin ako umiling kasunod ang pagpikit ng mga mata ko. "H-Hindi... Hindi kayo totoo..."

'Tulungan mo ako...'

'Tulungan mo kami, Ms. Junica.'

"Hindi kayo totoo!" umiiyak na sigaw ko. May naramdaman akong pares ng mga kamay na mahigpit na humawak sa magkabilang braso ko. Hindi! Hindi sila totoo. Hindi nila ako kayang saktan. Dahil nasa imahinasyon ko lang sila!

RecursionWhere stories live. Discover now