Chapter IV

1.3K 129 10
                                    



Napalingon ako sa pinto nang makarinig ako ng ilang mararahang kaatok. Saglit ko pang kinuskos ng towel ang basa kong buhok bago iyon isinabit sa may sabitan sa pader. Dalawang beses kasi akong maligo sa isang araw, isa sa umaga at isa pa kapag ganitong pagabi na.

"Hi Ms. Junica!" Masiglang mukha ni Kristine na malapad ang pagkakangiti ng mga labi ang sumalubong ng buksan ko ang pinto.

"Hi Kristine. Ikaw pala 'yan."

"Busy ka ba?" tanong niya.

"Hindi naman. Bakit? May kailangan ka ba?" may pag-aalinlangan na balik tanong ko. Mag-aalas-syete pa lang naman ng gabi pero plano ko sanang subukan na gumawa ng plot para sa nobela ko. At hindi ko 'yun magagawa kung may ibang tao dito sa kwarto ko.

"May dala kasi akong pagkain. Luto ni Mama kanina. Pasta with meatballs, special recipe niya 'to." At bago ko pa siya mapigilan ay bahagya na niyang naitulak ang pinto at tumuloy nang pumasok sa loob ng kwarto ko dala-dala ang pagkain na hawak niya. Inilibot niya paningin sa paligid. "Ang konti pala ng gamit mo 'no?"

Tuluyan na akong walang nagawa kaya isinarado ko na lamang ang pinto. Mukha kasing hindi siya aalis kaagad. "Hindi ko rin naman kasi kailangan magdala ng maraming gamit. Para hindi na rin ako mahirapan na magbitbit kapag aalis na ako," tugon ko. Lumapit ako sa laptop at isinarado iyon nang akmang lalapitan niya. Pinaka-ayoko sa lahat 'yung may naunang nagbabasa ng mga sinusulat kong draft.

"Sabagay, tama ka," aniya habang patuloy sa paglalakad at naglilibot pa rin ang mga tingin. Naglakad siya patungo sa may malaking estante na may nakalagay na mga picture frame. "Hala, kapatid mo 'to!? Ang cute naman!"

"Oo." Nagsalubong ang kilay ko bago pasimpleng bumuntong hininga. Lumapit ako sa kanya at kinuha na ang dala niyang pagkain. Iniisip ko na baka sakaling kapag naibigay na niya ang pakay niya, ay lumabas na siya ng kwarto ko. "Kunin ko na 'tong pagkain ha?"

"Ay oo nga pala. Sorry, nakalimutan ko na," natatawang sagot niya. Bumitaw naman ang kamay niya mula sa pagkakahawak ng paper bag na may laman na tupperwear. Tumalikod ako mula sa kanya upang mailapag ang pagkain sa sa lamesa na kunwa'y binubuksan ko na.

Naramdaman ko ang muli niyang paglalakad na tila enjoy na enjoy pa rin sa pagtingin ng mga gamit ko. "Mas okay na iinit 'yan. Mas masarap. Actually, hindi ko pa nga natitikman 'yan eh. Nag-volunteer lang kaagad ako kay mommy na dalhan muna kita. Kaya sana lang may natira pa do'n kasi baka pagbalik ko do'n, ubos na."

At dahil nakatalikod ako mula sa kanya at hindi ko na napigilan na kumunot ang noo ko. Fo real?! Magdadala siya ng pagkain dito sa kwarto ko tapos magpaparamdam siya na baka wala nang matira sa kanila na para sa kanya?! Mapait akong ngumiti pero hindi humarap sa kanya. Hindi ko na kasi mapigilan ang pagkainis sa mukha ko. "Gusto mo, paghatian na lang natin 'tong dala mo? Mukha namang marami eh."

Nagmamadali siyang lumapit sa akin kaya kaagad ko ring tinanggal ang pait mula sa pagkakangiti ko. "Talaga?! Okay lang!?"

"Oo naman. Sandali lang, kukuha lang ako lalagyan."

"Iinit mo muna 'yan sa microwave. Mas masarap kasi 'yan kapag medyo natutunaw 'yung keso sa ibabaw," biglang sabi niya.

"Uhm. Okay, sige," tumango-tangong sabi ko. Binibit ko na ang dala niyang pagkain. Nakita ko pa siyang umupo sa swivel chair na tila pinapakita sa akin na willing siyang maghintay. Pumasok na ako sa maliit na kusina at inilagay na sa loob ng microwave ang bukas na tupperware na may lamang pasta.

"Alam mo, hindi pa rin ako makapaniwala na kasama kita ngayon sa iisang kwarto," naririnig kong sabi niya. "Imagine, dati-rati nakikita lang kita sa mga live video mo sa Facebook at IG. Tapos ngayon, kasama na kita. Dream come true talaga sa akin na makita ka ng personal Ms. Junica. Naalala ko 'yung first story na sinulat mo. 'Yung tungkol sa salamin. Hindi ba 'yun din ang unang nobela mo na naging pelikula?"

"Oo, pero kung hindi pa nag-ten million reads sa Wattpad ang story ko na 'yun, hindi rin 'yun kaagad na mapapansin," sagot ko. 'Yon ang kauna-unahang nobela na natapos kong isulat. 'Yon din ang dahilan kung bakit at paano ako naging isang sikat na writer. Nang maka-five million reads kasi 'yun ay saka ako na-offer-an ng isang publishing company na gawing physical book ang nobela ko. Nang maging ten million reads naman ay saka iyon naging isang pelikula. Ganito kasi sa industriya naming mga manunulat, kailangan sobrang husay mong magsulat, o sobrang sikat mo sa mga social media para mapansin ka ng mga publishing company at ma-offer-an ng isang contract. Hindi naman 'to nag-aapply sa pangkalahatan. Pero madalas na nangyayari lalo na sa panahon ngayon. Ang pagsusulat kasi para na ring pag-aartista. Mas tinitingnan ng iba ang hitsura at kasikatan mo kaysa sa kahusayan mo sa pagsusulat.

Inilagay ko na ang mga kubyertos sa ibabaw ng mga platong kinuha ko. Mabuti na lang at tatlong pares ng mga kubyertos, plato at baso ang dinala ko dito kahit wala naman akong inaasahan na bisita. Napapailing na dinala ko na ang mga iyon bago naglakad. Ilalagay ko na lamang muna ito sa lamesa para pagbalik ko sa kusina ay ang iniinit ko na lang na pagkain ang kukunin ko.

"A-anong ginagawa mo sa bag ko?" may pagtataka kong tanong nang maaabutan ko si Kristine na tila may kung anong hinahanap sa loob ng maleta ko na nasa tabi ng kama. Hindi ko pa kasi 'yun naaayos lahat.

"Ah ano... W-Wala. May nakita kasi akong daga kanina. P-parang ano... Ah... Parang pumasok yata dito kaya gusto ko lang i-check," bakas sa boses ni Kristine ang pagkataranta. Namutla rin siya bigla.

"Gano'n ba? Parang wala naman akong napansing daga o ipis mula nang dumating ako dito."

Naging malikot ang mga mata ni Kristine na halos hindi na makatingin sa akin ng maayos. Tuluyan ko na ring hindi napigilan ang pagkunot ng noo ko. Napansin ko ang pamumuo ng pawis sa noo niya kahit nakabukas naman ang aircon sa loob ng kwarto. Wala na akong maapuhap na salitang sasabihin at alam ko na gano'n din si Krsitine.

Ting!!!

Sabay kaming napapitlag at napalingon sa may kusina nang tumunog ang microwave oven. Tanda na tapos nang iinit ang pagkain na inilagay ko do'n.

"Ah... S-Sige, Ms. Junica, aalis na rin ako. Baka pagalitan pa ako ni mommy kasi kinukulit kita dito." Kaagad siyang tumayo at inilagay ang isang kamay sa bulsa ng kanyang short. Naglakad siya patungo sa may pinto. "Enjoy your pasta." Nginitian niya pa ako at kinawayan bago tuluyang lumabas.

Napapailing na inilagay ko ang mga hawak ko sa ibabaw ng lamesa bago nilapitan ang bukas kong maleta. Wala namang importanteng gamit do'n kaya hindi ako masyadong nag-aalala. Halos nailabas ko na rin ang mga gamit ko upang i-check kung may daga ba talagang pumasok, o kung may nawawala ba akong gamit. Napapailing na ibinalik ko na ang mga iyon sa loob. Muli ko na sanang isasarado ang maleta nang saglit akong mapahinto. Para kasing may kulang doon. Pero puro damit na lang naman ang laman nitong maleta ko, at sigurado ako na wala namang nawawala sa mga 'yon. Tumayo ako at bahagyang lumayo upang pagmasdan ng buo ang maleta ko.

Lalong kumunot ang noo ko. Alam ko na kung ano ang kulang sa gamit ko. Ang keychain na gitara sa zipper ng maleta ko. 

RecursionWhere stories live. Discover now