Chapter XLIV

991 82 10
                                    



SP02 RICKY'S P.O.V.

Malamig na ang kaharap kong kape pero wala pa sa kalahati ang naiinom ko dito. Ginawa ko yatang pampalipas oras ang pagtitig sa kape hanggang sa maramdaman kong wala na ang init noon.

Kahapon ng umaga ay na-interview ko si Yana at nalaman ko ang isa pang version ng istorya niya. Bumalik ako sa Barrio San Vicente at sinubukan kong magtanong-tanong sa mga tao doon kung kilala o nakikita ba nila si Junica na namamasyal. Nakausap ko ang isang lalaking may-ari ng maliit na karinderyang may tinda ring lugaw.

Wala siya sa mga listahan ng iinterview-hin ko pero nang malaman niya na tungkol kay Junica ang pakay ko sa lugar nila, nagsimula na siyang magkwento. Sinabi niya na hinding-hindi niya raw makakalimutan ang babaeng iyon.

Pero mas hindi ko yata makakalimutan ang kwento niya lalo na ang pinanood niya sa akin na video. Pati na rin ang video na pinakita sa akin ng dalwang babaeng estudyante na nakausap ko. Kumuha na rin ako ng kopya ng mga video na 'yon para mas lalo kong mapag-aralan.

"Sir."

Napataas ang tingin ko sa isang lalaking nakasuot ng kapareho kong uniform.

"Gising na po ang isang biktima at handa na raw po siyang magpa-interview sa atin."

"Sige, bumalik ka na do'n at susunod na rin ako. Uubusin ko lang 'tong kape ko," tugon ko. Muli akong naiwan na nag-iisa sa lamesa ko kasama ang malamig kong kape.

Hindi ko na 'yon inubos at iniwan na lang doon bago naglakad papunta sa kwarto ng isa sa mga naging biktima ng panggugulo ni Junica. Ang anak ng may ari ng Vida Feliz Café na si Kristine.

Nasa labas ng kwarto ang pulis na kasama ko sa kasong ito. Tinanguan niya ako bago ako tumuloy na pumasok sa loob. Naabutan kong nakaupo sa may gilid ng kama si Kristine.

Maliit na dalagita lang siya, medyo mataba, kulot ang buhok at mukhang madalas na ma-bully sa school. Kaya siguro siya pinag-home schooling na lang ng mga magulang niya.

Nakaupo naman sa may sofa ang mga magulang niya. Si Aileen na may benda sa noo, at si Andrew na nakasuot ng maluwag na pang-itaas kaya kita ko ang benda niya sa may dibdib kung saan siya sinaksak ni Junica.

Tinanguan ko silang dalawa bago ako humarap kay Kristine. Nakausap at na-interview ko na kasi sila kaya si Kristine na lang talaga ang pakay ko ngayon.

"Kayo po ba ang mag-iinterview sa akin?" Si Kristine na ang bumasag sa katahimikan sa loob ng maliit na kwarto kung saan kaming apat lang ang tao.

"Oo, ako nga. Ako si SP02 Ricky Jalandoon, ang may hawak sa kaso na 'to." Ilang beses na ba akong nagpakilala sa araw na 'to? Nakakasawa at nakakaumay na pero wala naman akong ibang pagpipilian dahil parte ito ng trabaho namin.

Umupo na ako sa isang monoblock na upuan para mapaharap kay Kristine. Ini-on ko ang voice recording ng cellphone ko kasunod ang paglabas ng maliit kong notebook at ballpen. "Ikwento mo sa akin ngayon kung paano mo nakilala si Ms. Junica."

"Matagal ko nap o siyang kilala, sa social medi nga lang po at sa mga librong sinusulat niya. Alam ninyo po, akala ko talaga mabuting tao si Junica. Kahit napansin ko na medyo weird siya, gusto ko pa rin siyang maging kaibigan," ani Kristine.

May benda siya sa may ulo niya at meron din sa may pisngi niya. Mukhang siya ang pinaka-nabugbog sa kanilang tatlo. Si Lola Harlie kasi ay kasalukuyang nagpapahinga sa isang kwarto noong mangyari ang gulo. Mabuti na rin iyon dahil kung nakasama sa gulo ang matanda, baka hindi na ito nakaligtas pa.

"Fan ka rin ba niya?" tanong ko.

Gumuhit ang ngiti sa mga labi niya. Isang malungkot na ngiti. "Sobra po! Kumpleto nga po ako ng mga libro niya. Sobrang gusto ko po kasi talaga 'yung mga sinusulat niya. Kaya nga tuwang-tuwa talaga ako nang sabihin sa akin nina Mommy na magiging guest siya ng apartelle namin. Alam ko na weird ang mga writer pero hindi ko alam na kakaiba talaga siya."

Eto na naman ang paulit-ulit kong naririnig tungkol kay Junica. Na weird daw ito at kakaiba sa lahat. "Anong ibig mong sabihin na kakaiba siya?"

"Nasa 2nd floor po kasi ang kwarto ko, at mula doon ay nakikita ko kapag umuuwi siya galing sa pagdya-jogging niya. Palagi ko siyang sinisilip sa may bintana at madalas kong nakikita na para siyang nagsasalita ng mag-isa. Para bang may kasama o kausap siya kahit wala naman akong ibang nakikita na kasunod niya. Hindi lang po 'yun isang beses na nangyari, Sir. Maraming beses po kaya pinaiwas na rin ako sa kanya nina Mommy. Pero matigas po kasi talaga ang ulo ko at gusto ko talagang mapalapit kay Ms. Junica. 'Yun pala, 'yun pa ang magiging dahilan para mapahamak kaming lahat sa bahay." Lumungkot na rin ang boses ni Kristine.

"Sinabi ko naman kasi sa 'yo na layuan mo na ang babaeng 'yon, hindi ka nakinig sa akin," inis na sabi ni Andrew.

"Palagi ko talagang pinapaalalahanan ang anak ko na lumayo sa guest namin dahil may kakaiba akong nararamdaman sa kanya na hindi ko gusto. Lalo na nang makita ko kung gaano kalikot ang kamay niya," dagdag ni Aileen. Kinuwento na niya sa akin na may ilang gamit sa apartelle nila ang nawawala mula nang maging guest nila si Junica. Hanggang sa makita niya nga raw mismo na nilalagay ni Junica sa bag nito ang isang nakadisplay na painting sa may lobby ng apartelle.

"Ang sabi mo Kristine, madalas mo siyang nakikita na parang may kausap pero wala namang ibang tao. May katibayan ka ba sa mga sinasabi mo na 'yan?" To see is to believe talaga ako. Ayokong maniwala sa mga sabi-sabi lang o walang sapat na katibayan.

Tumingin muna si Kristine sa mga magulang niya. Lumingon din ako sa kanila at nakita kong tumango sila na para bang pinapahintulutan si Kristine sa mga susunod nitong gagawin. Inabot na ni Kristine ang cellphone na nasa ibabaw ng katabi niyang drawer.

"Alam ko po na hindi magandang ini-stalk natin ang isang tao pero sobrang idol ko po kasi talaga si Ms. Junica. Kaya sa tuwing may pagkakataon ako, kinukuhanan ko talaga siya ng video." Inabot na niya sa akin cellphone niya kung saan naka-ready ng iplay ang isang video. "No'ng umaga na bago mangyari ang gulo sa museo namin, tinawagan ko po si Ms. Junica at sinabi ko na ibibigay ko na na sa kanya ang kailangan niya. Tapos hindi ko mainitindihan ang mga sumundo niyang sinabi. May binanggit siyang pangalan na hindi ko naman kilala," patuloy na kwento ni Kristine.

"Angel ba ang pangalan na binaggit niya?" tanong ko habang hawak ko pa rin ang cellphone niya kung saan nagpe-play ang isang video.

"Opo, Angel nga po. Hindi ko alam kung bakit bigla na lang niyang binaggit ang pangalan na 'yon. Tapos no'ng dumating nga po siya sa museo namin, nakakatakot na ang hitsura niya. Nakakatakot na siyang magsalita at tumingin lalo na po nang magwala na siya. Pilit niyang hinahanap sa amin ang kapatid niya at iyon ang mas lalo kong hindi maintindihan. Paulit-ulit niyang sinasabi na ilabas namin ang kapatid niya kahit wala namn ito sa amin. Nasaan po ba ang kapatid niya, Sir? Bakit sa amin siya hinahanap ni Ms. Junica?"

Napabuntong-hininga na lang ako sa tanong ni Kristine dahil hindi ko alam kung paano iyon sasagutin.

Sa totoo lang, ayoko sanang maniwala sa mga naririnig ko na baliw lang ang suspect namin na si Junica. Alam ko na may mas malalim na dahilan kung bakit nangyayari ang lahat ng ito.

Pero bakit halos lahat ng nakakausap kong testitigo at nakikita kong katibayan ay idinidiin lang na baliw talaga si Junica?

Dapat ko na nga sigurong tingnan ang isa pang anggulo ng kaso na 'to, na hindi lahat ng baliw ay isang biktima lang. Dahil ang isang tao kapag nabaliw, kaya niyang pumatay at kumain ng kapwa niya tao.

****

****

****

****

****

****

****

Minsan, kung sino pa ang BALIW.

Sila pa ang mas magaling magsulat at gumawa ng kwento.



Marami pang revelation ang naghihintay sa atin, mi Labs.

Kapit lang at malapit na rin tayo sa katapusan. :)

RecursionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon