Final Chapter

1.7K 130 74
                                    

07-26-2021

Matalino ang mga BALIW.
At ang gusto nila palagi ay sila ang mas nakalalamang.

Maraming salamat sa lahat ng sumubaybay sa nobelang ito.
Maraming salamat sa pagsama sa kwento namin ni Junica sa loob ng mahigit na kalahating taon.

Thank you, mi Labs and enjoy this
FINAL CHAPTER. :)

****
****
****
****
****
****
****
****
****
****

1 Year Later

"Malapit na raw po kayong tawagin sa stage," sabi ng secretary kong lumapit sa akin. Naks. May secretary na talaga ako sa mga ganitong event. Nakakatuwa naman.

Ngiti at tango lang ang sinagot ko sa kanya bago siya umalis sa harapan ko.

Mula sa backstage kung nasaan ako ngayon ay rinig na rinig ko ang hiyawan ng mga tao sa may audience area. Lahat sila ay sinisigaw ang pangalan ko.

Ilang saglit pa ay tinawag na ng emcee ang pangalan ko at may organizer ng event ang lumapit sa akin para alalayan ako na makapunta sa stage.

Napalunok ako nang makita ko ang dami ng tao na nasa may harap ng stage. 'Yung iba sa kanila ay may kanya-kanyang pang dalang poster o tarpaulin na mukha at pangalan ko ang nakalagay.

Ito na nga yata ang matagal ko nang pinapangarap na mangyari sa buhay ko. Ang sumikat ako at makilala ng napakaraming tao. Umupo na ako sa isang upuan na may kaharap na mahabang lamesa. Naandoon ang mga kopya ng librong sinulat ko.

"Kumusta naman ang pakiramdam na ngayon ay tatlong buwan ng best seller sa bookstore ang libro mo?" tanong sa akin ng emcee na nasa may tabi ko lang din.

Pinigilan ko ang malaking ngiti sa mga labi ko dahil ayokong makita nila na sobrang saya ko. Kailangan na kunwari ay hindi ako nagulat sa dami ng tao sa audience at kunwari rin ay hindi ako gano'n ka-excited para hindi ako magmukhang kawawa. Simplehan lang natin. "Uhm... Medyo masaya. Pero mas sasaya siguro ako kapag naging pelikula na ang nobela ko."

Nagsigawan ang mga tao sa harap ng stage. Nagpalakpakan sa simpleng sagot na binigay ko. Ganito pala talaga ang pakiramdam ng sikat na. Ang bilis makalaki ng ulo.

"Balita ko may mga movie production na raw na nakikipag-usap sa editor mo regarding sa movie adaptation ng nobela mo. Totoo ba 'yun?" muling tanong ng emcee.

"Oo, may ilan ng tumawag sa akin at sa editor ko pero ang sabi ko ay pag-iisipan ko muna. Siyempre kasi gusto ko na do'n ako sa movie production na alam kung mabibigyan ng magandang movie adaptation ng nobela ko. Hindi kaya madali ang magsulat!"

Muling nagsigawan ang mga audience. May iba pa na parang kinikilig habang hinihila ang damit ng katabi niya.

"Naku, mukhang maraming movie production ang interested talaga sa libro mo. Pero maiba ako, kumusta naman ang friendship ninyo ni Ms. Junica Alcantara? Nagkikita pa ba kayo? Dinadalaw mo pa ba siya sa ospital? Nagkaka-kumustahan pa rin ba kayo?"

Medyo umasim ang mukha ko sa mga tanong na 'yon pero hindi ko masyadong pinahalata. Kapag ganitong may booksigning event ako, pinaka-ayokong tinatanong nila sa akin ang kahit na anong tungkol kay Junica. Pakiramdam ko kasi kahit hindi kami magkasama, naaagaw niya pa rin ang spoitlight ko sa tuwing mababanggit ang pangalan niya.

Pero dahil alam ko na nasa isang mental hospital pa rin siya, hinding-hindi niya mababawi sa akin ang nobela na nagpasikat sa pangalan ko bilang isang vlogger at writer na matagal ko nang pangarap. Ako na ang sikat ngayon. Ako na ang umagaw ng trono niya. At ako na ang hinahanggaan ng mga taong dati ay sa kanya humahanga.

"Hindi ko naman talaga siya kaibigan eh. Kagaya ng palagi kong sinasabi sa mga interview, acquaintance lang kaming dalawa," pilit ang ngiti ko habang nagsasalita.

"Ibig sabihin, hindi kayo close kahit may mga picture kayo na magkasama at nakapost dati sa mga social media account mo?" lakas maka-showbiz ng tanong ni emcee sa akin. Medyo naiinis na tuloy ako. Booksigning ko 'to, bakit kailangan na magtanong ng tungkol sa ibang tao?!

"Dinelete ko na 'yon. Sa totoo lang, si Junica naman kasi ang dikit ng dikit at lapit ng lapit sa akin noon. Kaya napilitan na lang din akong i-post ang mga picture naming dalawa. Alam ninyo kasi, medyo FC talaga siya saka maarte lalo na sa personal. Tapos ayun nga, bigla-bigla na lang angsasalita ng mag-isa at tumatawa. Well, gano'n talaga siguro kapag may sakit sa pag-iisip ang isang tao." Nagkibit balikat pa ako habang pilit pa rin ang mga ngiti.

Sinabi ko lang 'yon kahit ang totoo, mula nang makilala ko noon si Junica, inggit na inggit na ako sa kanya. Gusto ko kasing maging kagaya niya talaga. Maging isang writer kagaya niya. Maging kasing sikat niya.

At mukhang nagawa ko naman ang lahat ng 'yon ngayon. Dahil ngayon, palagi nang nangunguna ang pangalan ko at ang libro ko sa mga bookstore.

May ilang pang naging tanong ang emcee hanggang sa tumayo na siya kasunod ang muling sigawan ng mga tao sa harapan ng stage. Kitang-kita ko sa mga mata nila kung gaano sila ka-excited na malapitan ako, mayakap at mapapirmahan ang mga libro o t-shirt na hawak nila.

Grabe, akala ko talaga sa tuwing pupunta ako sa mga ganitong event ay nananginip pa rin ako. Pero hindi na pala dahil totoo nang nangyayari ang lahat ng 'to. Mabuti na lang talaga at nagawa kong kunin ang sinusulat noon ni Junica sa kanyang laptop. Nagawa ko iyong kopyahin at ilagay sa flash drive ko. At nang dahil sa nobela na 'yon, naabot ko na ang pangarap ko na maging ganito kasikat at magkaro'n ng ganito karaming fans. Nagkatotoo na ang dati lang ay paulit-ulit kong pinagdadasal.

Na maging bida ako sa isang sikat na kwento.

"Okay, alam ko na excited na kayong lahat. Kaya sisimulan na natin ang booksigning event na 'to! Ilabas ninyo na ang mga papirpimahan ninyo kay Ms. Yana pati na ang mga dala ninyong libro."

Nakabibinging palakpakan at sigawan ang sumunod kong narinig. Kumaway ako sa mga fans ko at mas lalo silang nagtilian sa kilig. Totoo na talaga 'to at hindi na ako nananaginip pa.

Totoong sikat na sikat na ako. Sikat na ako at ang nobela ko na hindi naman talaga ako ang sumulat. Ang libro ko na malapit na ring maging isang pelikula at may title na...

The Woman and the Mad Town.






THE END

RecursionWhere stories live. Discover now