Chapter XXX

986 77 6
                                    


TONY'S P.O.V.

Tahimik ang kusina nang apartelle nang pumasok ako sa loob dala ang mga bayong ng pinamili kong gulay, prutas at mga sangkap sa pangluto. Medyo marami ito dahil balak daw magluto ni Tita Aileen ng kare-kare at dinuguan para sa gabi ng bisperas ng fiesta dito sa barrio. Hindi niya na ako inutusan pa na bumili ng sariwang karne dahil marami pa naman daw siyang stock dito sa apartelle.

Marami pa siyang nakaimbak na sariwang karne ng tao.

Inilagay ko na sa lamesa ang pinamili ko habang inililibot ang tingin sa buong kusina. Malinis at nasa ayos ang mga gamit na parang wala pang gumagalaw noon buhat nang makatapos kaming mag-almusal kanina. Inaasahan ko pa naman na makikita ko dito sa kusina si Tita Aileen dahil sa mga ganitong oras, nag-aayos na dapat siya ng mga lulutuin niya. Pero nasaan kaya siya? Saka bakit sobrang tahimik ngayon dito? Hindi ako sanay kaya medyo nagsisimula na akong kabahan. Bigla tuloy pumasok sa isip ko si Myra... napansin ko kasi ang kakaibang seryosong tingin sa kanya ni Tito Andrew.

Ano bang nangyari kaninang umaga bago ko maabutan sa labas ng apartelle si Junica? Nakita kaya ni Tito Andrew na kausap ni Myra ang manunulat naming guest? H'wag naman sana dahil sigurado akong mapapahamak siya kapag nangyari 'yun.

"Hi Tony..."

Bahagya akong napapitlag sa biglang pagsulpot ni Kristine sa may tabi ko. Ang hintuturo niya ay humaplos mula sa balikat ko pababa sa may braso ko. Nakasuot lang kasi ako ng sando kaya ang daliri niya ay dumidikit talaga sa balat ko. Tinanguan ko lang siya bago ako pasimpleng umiwas at humakbang palapit sa mga lalagyan ng gulay na lilipatan ko ng pinamili ko. Ginawa ko iyon upang makalayo sa kanya.

Lalaki ako at matagal ko nang alam na may pagtingin sa akin si Kristine. Pero bukod kasi sa hindi ko gusto ang hitsura niya ay hindi ko rin gusto ang ugali niya. Ang pagiging baliw niya at malikot ang kamay. Isa pa, masyado rin siyang bata para sa akin.

Humalumbaba naman si Kristine bago malagkit na nakatingin pa rin sa akin.

"Alam mo, gwapo ka na sana sa paningin ko kahit putol na 'yang dila mo. Kaya lang palagi kang suplado. Bakit ba palagi mo akong iniiwasan?" tanong ni Kristine. Kumuha siya ng mansanans mula sa lalagyan at inabot ang kutislyo na nasa tabi lang nito. Maraming kutsilyo dito sa apartelle, alam kong meron din siya no'n sa kwarto niya.

Nagsalubong naman ang kilay ko bago tumingin sa kanya at umiling. Ayokong pag-isipan niya ako nang hindi maganda, mahirap na dahil baka madamay ako sa listahan ng mga taong gusto niyang pahirapan at patayin.

"Para kang mansanas na 'to eh... Kahit gaano ko kagustong kainin, hindi pwede kasi naka-reserba na sa iba."

Makahulugan akong tumingin kay Kristine at nakakalokong ngiti lang ang sinalubong niya sa akin. Alam namin ni Myra na mahigpit na ipinagbabawal sa pamilya na 'to ang magkagustuhan kami sa isa't-isa dahil kaming tatlo daw nina Myra at Kristine ay magkakapatid. Isa rin 'yon sa mga dahilan kung bakit hindi ako nagkagusto kay Kristine, pero hindi ko na napigilan pa ang sarili ko na magkagusto kay Myra lalo na at nasa pareho kaming naiipit sa sitwasyon.

Matagal na rin naming gustong tumakas noon, pero hindi namin magawa dahil wala kaming alam na ibang pupuntahan. Sa tuwing nagpa-plano kami ni Myra ay para bang nakakaramdam si Tito Andrew. Magpaparinig siya sa amin at sasabihin na sino man ang maglakas loob na mang-iwan sa pamilyang ito, ay hindi na aabutin pa ng buhay sa pagsikat ng araw. Kaya marami sa mga plano namin ni Myra ang hindi natutuloy, dahil palagi kaming natatalo ng takot namin.

"Oh bakit ganyan ang tingin mo sa akin? May nasabi ba akong mali?"

Muli akong umiling pero nanumbalik ang kaba sa dibdib ko. Sa ilang taon na relasyon namin ni Myra ay naging maingat kaming dalawa. Hangga't maaari ay ayaw naming ipaalam kaninoman ang tungkol sa aming dsalawa. Alam kasi namin amng pwedeng mangyari... Ang patayin nila kami o kainin nila kami ng buhay.

RecursionTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon