CHAPTER XXIII

1K 96 7
                                    

Napabalikwas ako mula sa higaan. Muntik pa akong mahulog dahil sa malaking galaw na ginawa ko. Ang kumot na nakabalot sa katawan ko ay itinapon ko pababa ng kama bago binuksan ang lamp shade sa tabi ko. Wala na siya... Wala na ang babaeng mahaba ang buhok, duguan ang mukha at nakasuot ng isang school uniform. Teka. Ano bang nangyari sa bangunot ko?! Bukod sa bigla na lang siyang lumitaw sa ilalim ng kama ko ay wala na akong maalala pa. 'Yung pakiramdam na kalahati lang ng nangyari sa bangungot ko ang naalala ko. Gano'n na gano'n ang pakiramdam ko ngayon.

Tsk! Sino ba kasi ang babaeng 'yun?! Hindi ko na napigilan ang sarili ko na masubunutan ang sarili kong buhok. Sumasakit ang ulo ko dahil sa paulit-ulit na bangungot na 'yon. Lalo na sa babaeng hindi ko naman maaninag ang mukha. Bakit palagi na lang siyang nasa panaginip ko?! At madalas pa, namamalikmata rin ako ng dahil sa kanya.

Napapitlag ako sa biglang pagring ng cellphone ko. Hindi ko na pinag-aksayahan pa ng oras na tingnan ang pangalan ng caller at sinagot ko na 'yun. "Hello?"

"Hello ate?"

Nagsimulang mawala ang kaba ako at kahit paano ay gumaan na rin ang pakiramdam ko ng marinig ko ang boses ni Angel mula sa kabilang linya. "Angel, kumusta ka na?"

"Okay lang ako, ate. Nagising ba kita? Sorry ha?"

"Ayos lang, ano ka ba. Natutuwa nga ako at narinig ko ang boses mo." Tumayo na ako habang hawak ang cellphone ko. Naglakad ako sa may bintana at sumilip sa labas. Nagiging hobby ko na yata 'to. Ang sumilip-slip sa labas ng bintana kapag nagigising ako ng madaling araw..

"Ate, pwede ba akong pumunta d'yan?" tanong ni Angel. Medyo mahina ang boses niya, para siguro hindi marinig nina Mama na gising siya at tumawag siya sa akin.

"Siyempre pwede, pero ano namang gagawin mo dito?" balik tanong ko. Medyo madilim sa may kalsada. Kumukurap-kurap ulit ang ilaw ng poste na nakatapat sa kwarto ko.

"Dadalawin ka lang. Miss na kasi kita, ate. Gusto na kitang makita at mayakap ulit."

Lumapad ang ngiti sa mga labi ko. Isa ito sa pinakanami-miss ko sa kapatid ko. 'Yung paglalambing niya lalo na ang mga yakap niya. Sa bahay namin, siya lang talaga ang nakakapagpaalis ng init ng ulo ko at stress sa pagsusulat. Siya lang ang nag-iisang dahilan kung bakit nararamdaman ko na may nagmamahal sa akin.

Unti-unting nawala ang ngiti sa mga labi ko nang may maaninag akong anino mula sa katawan ng posteng kumukurap-kurap ang ilaw. Bahagya kong binaba ang kurtina ng bintana ko. Nando'n na naman siya. Si Ivan. Nagtatago na naman ito sa may poste na tila nagmamasid sa apartelle ng dis oras ng madaling araw.

"Ate, gising ka pa ba?" boses ni Angel na dahilan para isarado ko ng tuluyan ang kurtina. Ayoko ring mapansin ni Ivan na nakikita ko ang weird na ginagawa niyang pagmamasid dito sa bahay. 'Yung para bang may hinihintay siya na mangyari mula sa apartelle na ito.

"Oo, sorry... May ginawa lang ako." sagot ko.

"Okay lang ate. Pero sino 'yun Ivan?" Napalunok ako ng laway dahil sa pangalan na binanggit ni Angel. Paano niya nakilala si Ivan? "Binanggit mo kasi siya kanina ng pabulong. Boyfriend mo ba siya?"

Nakahinga na ako ng maluwag sa kasunod na sinabi ni Angel na tila sinagot ang tanong na nasa isip ko. Hindi ko siguro namalayan na nabanggit ko ang panagalan ni Ivan nang makita ko siya sa labas kanina. Bumalik na ako sa kama at humiga habang hawak ko pa rin ang cellphone ko. "Hindi ko siya boyfriend, pero pwede siyang ideal boyfriend. Uhm Angel... Kwentuhan mo naman ako. Kumusta ka sa school ninyo?"

Nagsimula nang magkwento si Angel ng mga nangyayari sa school at sa bahay. Marami pa siyang ikunwento at lahat 'yun ay nag-enjoy akong pakinggan. Hanggang sa makatulugan niya na nga na kausap ako.

*****

May kaba sa dibdib ko nang pumasok ako sa loob ng Museo de Caridad. Hindi ko alam kung bakit dito ako dinala ng mga paa ko paglabas ko ng apartelle. Napalingon pa ako sa connecting door ng appartelle at museo de caridad. Naka-podlock iyon at may tabing na manipis na kurtina ang pinto. Hanggang ngayon ay iniisip ko pa rin kung bangungot lang ba talaga ang lahat ng mga nakita ko mula sa kabilang pinto. Ang duguang sahig dito sa kinatatayuan ko, ang nakatumbang timba na may lamang pugot na mga ulo, pati na ang maingay ng pagkain ni Lola Harlie ng sariwang laman ng tao. Nakakakilabot na bangungot.

Nagpatuloy na ako sa paglalakad at paglibot sa paligid. Walang taong nakabantay kaya malaya kong napagmamasdan ang mga inukit na kahoy. Mga kahoy na may iba't-ibang hugis ng hayop, mukha ng tao at pati na ang mga parte ng katawan ng tao.

Napahinto ako sa paglalakad nang may makuha ang atensyon ko ng isang wood sculpture na malapit sa sulok. Nilapitan ko 'yun upang mas lalo kong mapagmasdan. Isang wood sculpture ng kanang kamay ng tao. Napakaganda ng pagkakaukit pati na rin ng pagkakakulay noon. Kung hindi ako nagkakamali, kamay iyon ng isang babae dahil sa manipis at mahahaba nitong mga daliri na tila naka-kumpas sa hangin. Parang totoong kamay talaga. Inikutan ko pa ang pwesto ng wood sculpture na iyon para mas mapagmasdan ko ng buo. Pero mali yata ako ng ginawa dahil kaagad din ako napahinto. May napansin kasi ako sa may pulsuhang parte ng kamay na kahoy. May nakaguhit do'n na parang tattoo. At nang mas titigan ko pa, naging pamilyar na sa akin kung saan ko nakita ang feather pen tattoo na iyon.

'Pangarap ko pong maging isang kagaya mo.'

Nakagat ko ang labi ko na maalala ang sinabing iyon ng isang estudyanteng nakilala ko sa Vida Feliz Café. Naalala ko pa ang higpit ng yakap niya sa akin. Hindi ako pwedeng magkamali. Alam ko na sa kanya ko nakita ang tattoo na 'to. Sa parehong pwesto ng kanang kamay niya.

"Maganda ba ang pagkakagawa ko sa kamay na 'yan?"

Muntik na ako mapasigaw sa biglang nagsalita sa may likuran ko. Si Tito Andrew. Pilit kong pinakalma ang sarilli ko bago ako sumagot. "O-Opo... Napakaganda po."

"'Yan ang pinakabagong gawa ko at isa rin sa pinaka-paborito ko. Marami nang nagkaka-interes sa kamay na 'yan, pero hindi ko pa rin binebenta. Masyado kasing na-attach sa akin. Maganda ang tattoo ng batang 'yan 'no?"

Namilog ang mga mata ko sa huling sinabi ni Tito Andrew kasunod ang paglunok ko ng laway.

Natawa naman si Tito Andrew nang mapansin ang kakaibang reaksyon ng mukha ko. "Ang ibig kong sabihin, ang ganda ng tattoo na naisip kong ilagay sa kamay na 'yan."

Pinilit ko rin ang sariling matawa at sakyan ang sinabi niya. "O-oo nga po. Ang ganda nga po ng naisip ninyo. Uhm. Sige po, aalis na rin po. Napadaan lang po talaga ako para sumilip ng pwede kong bilhin bago ako umuwi sa bahay namin." Hindi ko na siya hinintay pang makasagot at nagsimula na akong maglakad palayo mula sa kinatatayuan niya.

"Junica..."

Napahinto ako sa paglalakad pero hindi ko nilingon si Tito Andrew.

"Ang bibig, hindi kailangan magsalita sa lahat ng oras. Hindin nito kailangan sabihin ang lahat ng nakikita ng mga mata. Dahil ang bibig kapag nasobrahan sa mga sinasabi nito, maaari siyang maputulan ng dila."

Hindi ko alam kung anong itutugon ko sa sinabi niyang iyon kaya muli na lang ako nagpatuloy sa paglalakad. Nakasalubong ko naman ang bagong pasok na si Tony at kagaya ng dati, matalim na tingin ang pinukol niya sa akin. Matalim at nangungusap ang kanyang mga mata na nakahabol ang tingin sa akin hanggang sa makalabas na ako ng Museo de Caridad.

Athabang naglalakad ako palayo ay mas lalong bumibilis ang tibok ng puso ko. Angtattoo sa sculpture nakamay... Iyon ang tattoo sa kamay ni Carla!

RecursionWhere stories live. Discover now