72: THE RETURN

398 25 7
                                    

Nakatayo kami sa dulo ng mataas na building kung saan makikita ang abalang lungsod sa ibaba. Kahit nasa pinakamataas na kami, rinig ko pa rin ang ingay ng lungsod. At parang Christmas Lights sa gabi ang itsura ng mga katabi naming buildings dahil sa liwanag nang mga ilaw na tumatagos sa mga bintana nila.

Malayo ang tingin ni Lady Margareth na parang may pilit siyang ginugunita. "Nagpakita sa akin ang lumikha sa panaginip ko, matagal na panahon na ang nagdaan."

"Isa po ba 'yun sa kakayahan ng sisidlan? Ang makita ang D'yos?" Tanong ko kay Lady Margareth. "Sabi ng iba, nakakatakot daw ang D'yos kapag nagsasalita 'to. Parang dagundong ng kulog at kidlat daw ang boses niya, at mapapayuko ka talaga sa takot. May iba namang nagsabi na hindi mo siya makikita dahil sobrang liwanag niya na kapag nagpumilit kang tingnan siya, maaari kang mabulag." Sabi ko kay Lady Margareth habang nakatingin na rin ako sa malayo.

"Natatakot ka ba sa kanya?" tanong niya sa akin.

Umiling ako. "Ang totoo, gusto ko pa nga siyang makita. Kasi marami akong gustong itanong sa kanya." Araw-araw marami akong tanong na pakiramdam ko walang eksaktong sagot. Siguro ang D'yos ang makakasagot sa lahat ng katanungan ko.

Nakarinig ako ng tawa at nang lumingon ako kay Lady Margareth hawak na niya ang tiyan niya. "May nakakatawa po ba sa sinabi ko?" takang tanong ko.

Habang natatawa ay nagsasalita siya. "Jomelyn, kapag nasa Winter Town ka na, baka puwedeng bukod sa pangalan mo, eh pati na rin 'yung pananalita mo ay puwede mo rin bang baguhin?"

Sa tono ng pananalita ni Lady Margareth, hindi siya nag-uutos, kundi nakikiusap siya. Magaspang kasi talaga ako magsalita kahit pa sa nakakatanda sa akin. Ito na nakalakihan ko, at hindi rin naman ako natutukan ng magulang ko habang lumalaki ako kaya walang nagtatama sa akin hanggang sa nakasanayan ko na. "Nababastusan na po ba kayo?"

Umiling si Lady Margareth. "Gusto ko lang malaman mo na hindi ko hinuhusgahan ang tao base sa pisikal na anyo, at kung paano siya magsalita. Iba-iba tayo ng kinalakihan, at pinagdaanan. Malaking parte ng paghubog sa atin ang environment na ating ginagalawan..." habang nagsasalita si Lady Margareth, ipinatong niya ang kamay niya sa balikat ko. "Alam kong malakas, matapang at mabuti kang tao, Jomelyn."

Mabuti? Ako? Paano ba malalaman kung talagang mabuti ang isang tao? "Ikaw lang nagsabi sa akin ng ganyan, taliwas po kasi ang sinasabi ng ibang tao."

"Normal na magkamali ang tao... pero hindi ang apat na elemento. Nakikita natin ang panlabas ng bawat isa, habang ang apat na elemento naman ay nakikita ito..." Itinuro ni Lady Margareth ang puso niya. "Kaya nating dayain ang kilos, pananalita, at ang motibo natin pero hinding-hindi natin madadaya ang totoong nilalaman ng puso natin."

Hindi na ako pumalag. Higit sa lahat siya ang nakakaalam tungkol sa apat na elemento. Ilang minutong katahimikan ang dumaan, ninanamnam namin ang polluted na hangin na dumadampi sa aming mga katawan. Hanggang sa ako na rin ang bumasag ng katahimikan. "Sabi niyo nagpakita sa inyo ang Lumikha sa panaginip? Bakit po siya nagpakita? Ano pong itsura niya?" sunod-sunod kong tanong.

"Malabo ang imahe niya sa akin, pero malinaw kong nakikita ang paligid namin. Napapalibutan kami ng mga bilog na enerhiya. Sa iba tinatawag silang blue light, at hindi sila magkakasingtulad ng kinang... Ang sabi niya, iyon ang mga kaluluwa na naghihintay na muling ipanganak. Naglakad siya at nagtungo sa isang blue light na puting-puti, at namumukod tangi ang kinang. Tinanong ko siya kung bakit kakaiba ang kinang ng blue light na 'yon. Ang sabi niya, matanda na ang kaluluwang 'yon, makailang beses na siyang ipinanganak, marami na siyang pinagdaanan, ngunit hindi pa siya maaring manatili sa Kanya, kailangan pa siyang ibalik sa mundo para sa isang natatanging misyon na konektado sa akin." Tumingin sa akin si Lady Margareth. "Alam mo ba kung bakit Elyon ang ipinalit ko sa pangalan mo?" tanong niya sa akin. Nanahimik lang ako pero nakatitig ako sa mga mata niya. "Dahil naalala ko ang Lumikha at naalala ko ang blue light na lumulutang sa ibabaw ng kamay niya. Elyon means 'God Most High'..."

The Cold Mask And The Four Elements (Book 1)Where stories live. Discover now