13

66 11 0
                                    

Chapter's Theme Song: How Deep Is Your Love by Bee Gees

Chapter 13

"Anong irarason natin?" tanong ko kay Eda. Ilang minuto na ang nagdaan matapos mawalan ng malay si Lola Rosaline. Ilang minuto na rin kaming nag-isip kung anong sasabihin namin sa oras na magising siya.

"Sabihin na lang natin ang totoo Juliet. Kilala naman natin si Lola Rosaline, mapagkakatiwalaan naman siya," sagot ni Eda. Pinahiga namin si Lola Rosaline sa ibabang bahagi ng double deck namin. Patuloy naman namin siyang binabantayan ni Eda. Sinigurado naming nakasara ang pinto at wala ng iba pang makakita sa kung ano mang mahika ang ginawa ni Eda sa loob ng apartment namin.

"Sigurado ka?" Bakas pareho sa amin ang pag-aalinlangan sa mukha pero tumango naman siya sa akin.

"Kung anong sabihin ni Lola Rosaline, kung anong maging reaksiyon niya, saka na lang natin isipin. Ngunit mahihirapan lang tayo kung magsisinungaling pa tayo sa kaniya," nag-aalalang paliwanag ni Eda. Tumango naman ako nang bahagya. Sa tingin ko, natural kay Eda ang pagiging honest ngunit dahil sa sitwasyon naming ito ay marahil nakagawa siya ng mga pagsisinungaling, para lang mapagtakpan ang katauhan namin.

"Sana lang ay maintindihan niya tayo," saad ko sa sarili ko habang hawak-hawak ang kamay ni Lola Rosaline.

Ilang saglit lang ay naramdaman ko ang paggalaw nito kaya't agad kaming naalerto ni Eda. Nagkatitigan pa kami ni Eda at nagtanguhan. Buo na ang disesyon namin, aaminin namin kay Lola Rosaline ang totoo.

"Kanina ko pa kayo naririnig, Juliet at Eda." Nabigla kami nang magsalita si Lola Rosaline. Mula sa pagkakapikit ay unti-unti siyang dumilit at ibinangon ang ulo niya.

"Lola Rosaline, i-intindihin niyo po kami."

"Magpapaliwanag po kami."

Sinenyasan kami ni Lola Rosaline na tumigil muna sa pagsasalita. Natahimik naman kami ni Eda. "Sabi ko nga't narinig ko kayo. Kanina pa ako gising." Bahagya siyang natawa saka inayos ang pagkakaupo. Tinignan niya kami pareho ni Eda sa mata. "Ano ba kayo?" mahinahong tanong nito. Walang bakas ng kahit anong panghuhusga sa mukha niya. Napabuntong hininga naman ako at tinignan si Eda bago sumagot.

"M-mula po kami sa hinaharap," panimula ko.

"Marimar, a-akala ko'y engkanto lang kayo. Tapos mula pa kayo sa hinaharap?" Nabigla siya dahil sa sinabi ko.

"Tao po ako. S-si Eda..." Tinitigan ko si Eda para siya na ang magpatuloy.

"Sabihin na lang po nating isa akong mahiwagang tao. Pareho po kaming mula ni Juliet sa hinaharap," pagpapatuloy ni Eda.

"Siya nga?" gulantang na tanong ni Lola. Tumango kami ni Eda. "Akala ko'y totoong taga-probinsiya lamang kayo dahil iba ang pananamit niyo at minsan, iba rin ang mga kilos niyo."

"N-naniniwala po ba kayo sa amin?" pag-aalangan kong tanong. Tinitigan niya naman ako nang mabuti.

"Juliet, sa lahat siguro ng tao ngayon dito sa Pilipinas o sa panahong ito, ako ang pinakamaniniwala sa inyong dalawa." Naglipat-lipat ang tingin niya sa amin ni Eda. "Magulo, magulo marahil iisipin pero mabubuti kayong tao. Narinig ko kayong nag-uusap kanina pa at nasabi ko sa sarili ko na tapat kayo, at hindi niyo kayang lokohin ang isang matandang katulad ko."

Napangiti kami ni Eda. Hindi nga kami nagkamaling maiintindihan ni Lola Rosaline ang sitwasyon namin. Lumapit kaming dalawa sa kaniya saka niyakap siya.

"Patawad po kung nagkunwari kami. Kailangan po naming protektahan ang katauhan namin." Humiwalay na kami ng yakap sa kaniya.

"Alam ko, naiintindihan ko. Kung ako man ay magmula sa ibang dimensyon, panahon, o lugar ay hindi ko rin aaminin ang katauhan ko. Mga may matatag na loob lamang ang kayang aminin kung sino sila, at isa kayo 'dun."

Till I Rewrite The Stars (Under Revision)Where stories live. Discover now