Chapter 11:

59 3 0
                                    

Magmula nung araw na iyon ay tila naging malamig na ang dati ay halos perpekto at anong tamis na relasyon nina Zidus at Rita. Nung una ay tila ayaw tanggapin ni Zidus ang masakit na katotohanan, pero habang patuloy na lumalamig ang kanilang relasyon ni Rita ay nababatid niyang tila mahal parin ng kanyang nobya ang dati nitong nobyo. Bagay na napakasakit para sa kanya, pero ayaw niyang tanggapin sa puso niya kung kaya patuloy parin siyang kumakapit sa pagmamahalan nila ni Rita na ngayon ay tila hindi na niya alam kung saan ba papunta. Ang masakit pa ay napapansin niya na tila ang lungkot-lungkot ni Rita mula nung magkita silang muli ng nobyo nito. Tila ba kahit na anong pagtatangka niya na pasayahin ito at ibalik dito ang nawalang mga ngiti ay hindi niya na magawa. Tila ba sa pakiwari niya ay nasaktan siguro ito ng labis ng dating nobyo kung kaya muli na namang bumalik ang sakit sa dibdib nito nung mula silang magkita. O baka marahil... Mahal na mahal parin talaga nito ang dating nobyo kaya gayon na lamang kasakit para dito ang muli nilang pagkikita.

Isang Sabado pagkalipas ng isang buwan mula nung Sabadong sana ay magpo-propose siya kay Rita ay muli siyang nagtungo sa Antipolo Cathedral kung saan naganap ang lahat. Ito ay upang sadyain ang naging dahilan ng lahat na walang iba kundi si Edwin. Sa pagdating niya sa naturang simbahan ay namataan niya si Edwin nagdadasal sa parteng harapan ng altar. Batid niyang tila taimtim masyado ang pagdarasal nito na para bang ito ay may kung anong pinakahihiling sa Diyos. Inisip niya pa nga na baka ang hinihiling na ito ni Edwin ay si Rita na pinakamamahal niya. Inantay niya munang matapos magdasal si Edwin bago niya ito lapitan at kausapin. Sakto namang paglapit niya kay Edwin ay papalabas na ito sa simbahan.

"Edwin, pare! Maari ba tayong mag-usap sandali sa labas?", bigla ay tawag at tanong ni Zidus kay Edwin.

Sandali ay napatitig si Edwin kay Zidus na para bang ito ay kinikilala. Nang tila makilala siya ay napangiti pa ito at napatango.

"Hindi ba ikaw ang kasama ni Rita nung nagkita kami may isang buwan na ang nakakaraan? Marahil ay ikaw ang bago niyang nobyo.", nakangiti pang sabi at bati ni Edwin kay Zidus.

Pero nanatiling seryoso si Zidus na parang walang panahong makipaghuntahan ng matagal kay Edwin.

"Maari ba tayong mag-usap sa labas, pare? Kahit sandali lang?", muli ay pagtatanong ni Zidus kay Edwin.

Parang nabatid naman ni Edwin ang talagang pakay sa kanya ni Zidus kaya walang sabi-sabi ay tumango siya at sumunod nang magsimulang maglakad ang huli palabas ng simbahan. Nang makarating sila sa may kaliblibang lugar ay tumigil sa paglalakad si Zidus. Tumigil din sa paglalakad si Edwin na parang naghihintay ng susunod na mangyayari. At ang sumunod na nangyari ay tila inasahan na niya. Bigla ay sinapak siya ng nangangalit na si Zidus. Bagsak siya sa pagsapak sa kanya ni Zidus at siya halos hindi makahinga habang siya ay nakalupasay sa lupa. Si Zidus naman bagamat bagsak na si Edwin ay nilapitan pa niya at pilit na pinapatayo.

"Ano tumayo ka diyan!! Hayop ka! Hindi mo alam kung paano mo sinaktan si Rita?! Hindi mo nakita kung paano siya nagdurusa sa araw-araw?! Hayop ka! Kulang pang basagin ko ang pagmumukha mo sa ginawa mo kay Rita! Ano tumayo ka diyan!! Lumaban ka!! Laban!!", ang galit na galit na sabi ni Zidus kay Edwin habang pilit itong pinatatayo.

Pero natigilan bigla si Zidus sa planong paggulpi pa kay Edwin nang mapansin niyang tila hindi na talaga ito makahinga.

"Ano nangyayari sa iyo, ha?!", gulat na tanong ni Zidus kay Edwin.

Hinang-hina ay itinuro ni Edwin ang bulsa ng kanyang pantalon kay Zidus. Bagamat hindi alam ni Zidus kung ano ang ibig sabihin ni Edwin sa ginagawa nito ay sinunod niya ang tila gustong ipagawa sa kanya ng binata. Mula sa bulsa ng pantalon ay nakuha niya ang tila bote ng gamot. Marahan ay iniabot niya ito kay Edwin na agad namang kinuha ng huli. Mabilis ay binuksan ni Edwin ang bote at ito ay bahagya niyang itinaob. Dalawang kapsula ang lumabas mula sa bote at agad ay isinubo ito at nilunok ni Edwin kahit pa nga wala siyang panulak na tubig. Makaraan ang ilang minuto matapos maisubo at malunok ni Edwin ang dalawang kapsula ay bahagya siyang nakadama ng kaginhawaan. Parang labis namang nagulat at nagtaka si Zidus sa nasaksihan.

"Maysakit ka ba?!", gulat na tanong ni Zidus kay Edwin.

Tahimik lang na tumango si Edwin kay Zidus na tila ang ibig sabihin ay "OO".

"Ano ang sakit mo?!", mula ay gulat na tanong ni Zidus kay Edwin.

"Sakit sa puso... Isang malala at halos wala nang lunas na sakit sa puso...", mahina at halos walang siglang tugon ni Edwin kay Zidus.

Samantala, nang mga sandaling ito ay makikita si Rita na mag-isang nagmumukmok sa kanyang sillid. Sa gitna ng pagmumukmok ni Rita sa kanyang silid ay dumating dito ang Ate Dianne niya at napansin nito ang tila pagiging malungkot niya.

"O bakit parang Biyernes Santo ang mukha mo diyan? Nag-away ba kayo ni Zidus?", puna at tanong ni Dianne sa kapatid.

"Ate... Bakit ganon? Ang akala ko ay naka-get over na 'ko sa kanya! Pero nung isang linggo ay muli ko siyang nakita at... Muli ay nanumbalik na naman ang damdamin ko para sa kanya. Para bang katulad ng kung gaano ko siya kinamumuhian ay ganon ko rin siya... MINAMAHAL...! And I hate myself for feeling that! I hate myself!", ang naluluha nang si Rita habang nagkukuwento sa kanyang ate.

Nalulungkot naman at awang-awang inalo ni Dianne ang kapatid. Hinagod-hagod niya ang buhok nito at hinaplos-haplos niya ang likod nito.

"I wish I could help you with that, sis! Pero kung ako ang tatanungin mo ay si Zidus ang dapat mong mahalin at hindi na ang gagong Edwin na 'yan! E sino nga ba sa kanilang dalawa ang mas matimbang sa puso mo?", ang tila pagpapayo at tanong ni Dianne sa kapatid.

"Hindi ko alam, ate! Naguguluhan ako! Para bang naglalaban sa loob ko ang damdamin ko para sa kanila! Sabi ng isip ko ay si Zidus na halos perpekto sa lahat ng aspeto ang dapat kong mahalin dahil sa kanya ako mapapabuti.... Pero ang sigawa ng puso ko ay si Edwin ang dapat kong mahalin dahil sa kanya ako mas... LILIGAYA...! Naguguluhan ako, ate! Naguguluhan ako...", paluhang tugon at paliwanag ni Rita sa ate.

Awang-awa namang niyakap ng mahigpit ni Dianne ang luhaan at tila gulung-gulong kapatid.

A True LoveWhere stories live. Discover now