Chapter 6:

76 2 0
                                    

Tila naging napakalungkot ni Rita mula nung maghiwalay sila ng nobyong si Edwin. Madalas ay nagkukulong siya sa kuwarto at nagmumukmok. Minsan nga ay nakahiga lang siya buong maghapon at walang tigil sa pagluha ang mga mata niya na tila ba ang lungkot-lungkot talaga ng nadarama niya. May mga pagkakataon na habang nasa kuwarto siya ay lihim siyang umaasa na bigla na lamang darating dito ang nobyo at hihinga ng tawad sa kanya katulad ng palagi nitong ginagawa. Alam niyang isang malaking katangahan at kahangalan, pero kung mangyayari iyon ay agad niyang patatawarin ang nobyo at agad niya itong hahagkan pabalik sa piling niya. Tila ba sa pakiwari niya ay mahal na mahal na niya talaga ang nobyo na kahit na ilang beses pa siyang magpakatanga at magpaka-martir ay ayos lang.

Sa mga panahong ito ng buhay ni Rita ay binalak siyang aliwin at pasayahan ng kikay at kuwela niyang ate na si Dianne. Madalas ay kunwari siyang aayain ni Dianne na samahan itong kumain sa labas, pero pagdating nila sa restaurant ay may ipapa-blindate lang pala sa kanya ang pilya niyang ate. Minsan ay nagagalit siya at napipikon sa ginagawang ito sa kanya ng kanyang ate, pero minsan ay iniintindi niya na lang ang mga trip nito dahil batid niyang ang tanging nais lang naman talaga nito ay ang mapasaya siya at ang maka-moveon sa napakasakit na break up na pinagdaanan niya.

Isang Sabado ay muli na naman siyang inaya ng Ate Dianne niya na kumain sa labas na sa tinagal-tagal ng panahon ng panggudtaym sa kanya ng ate niya ay batid na niyang ang ibig sabihin nito ay may ipapa-blindate na naman sa kanya ang bruhilda niyang ate.

"Ano ba, Ate Dianne?! Wala ako sa mood ngayon na sakyan ang mga kahibangan mo!  Kaya puwede! Puwede lang ha! Pass muna ako ngayon! Okay?! Please!", reklamo at pakiusap ni Rita sa ate na siya ay tigilan na nito.

"Oki-doki! Pero kapag nagbago ang isip mo at gusto mo nang sumama ay i-text mo lang ako. Okay?", si Dianne na tila suko na sa pagmamatigas ng kapatid.

"Okay, Ate! Okay po!", si Rita na tila nakahinga ng maluwag sa kakulitan ng ate.

Samantala, sa isang condominium sa may Kapitolyo, Pasig ay naninirahan ang isang taong masasabing napakamakasarili at walang ibang kayang mahalin kundi ang kanyang sarili. Ang lalaking ito ay nagngangalang Benzilidus Policarpio. Isang guwapong-guwapong image model si Benzilidus na tila ba labis-labis ang pagmamahal at pagsamba sa sarili. Para sa kanya ay walang ibang mas magaling kundi siya lamang. Ni minsan ay hindi pa siya nagmahal ng kahit na sinong babae sa takot na baka hindi siya mahalin ng mga ito ng katulad ng pagmamahal niya sa kanyang sarili. Di tulad ng ibang lalaki ay may pagka-effiminate si Benzilidus. Napakabanidoso niya at napakamaalaga sa sarili na tila ba daig pa niya ang isang babae kung mag-ayos. Kaya tuloy madalas ay napagkakamalan siyang isang bakla na marahil ay lalaki ang hanap kung kaya ayaw tumingin sa mga babae.

Dahil sa tila masamang tingin ng karamihan kay Benzilidus kung kaya siya ay madalas na ireto sa kung kani-kaninong babae ng kanyang mga katrabaho at kaibigan. Madalas ay inaaya siya kunwari ng mga ito sa konting salo-salo, pero pagdating niya sa lugar ng tagpuan ay may babae ng gustong ipa-date sa kanya ang mga kaibigan. Bagay na pinagbibigyan naman niya, pero hanggang sa gabi lang na iyon. Tila ba sakit na ni Benzilidus ang hindi magseryoso sa kahit na sino pang babae. Katwiran niya ay baka mapabayaan niya ang sarili niya at ang trabaho niya kapag siya ay nagnobya na sa paningin niya ay magiging karagdagang responsibilidad niya. Kaya naman sa edad niyang 35 anyos ay binatang-binata parin siya at kung titignan ang direksiyong tinatahak niya ay tila sa pagmatandang binata siya mauuwi.

Isang Sabado ay bigla na lamang bumisita sa tinutuluyan niyang condo unit ang kaibigan niyang si David. Nakangiti pa ito nang siya ay ayaing kumain sandali sa isang restaurant sa Greenhills.

"Alam ko na ang trip mong 'yan, parekoy! Sino na naman ba 'yang babaeng ipapa-date mo sa akin? Sinabi ko naman sa iyo. Wala sa prayoridad ko ngayon ang magsiyota. Pampasira lang 'yan sa mga pangarap ko.", si Benzilidus na tila hindi gusto ang ginagawang pagrereto-reto sa kanya ng kaibigan sa kung kani-kaninong babae.

A True LoveWhere stories live. Discover now