Legend of Divine God [Vol 5:...

By GinoongOso

932K 91.8K 12K

Tapos na ang kaguluhan sa Ancestral Continent. Pero, hindi ibig sabihin nito ay tapos na ang pakikipagsapalar... More

Legend of Divine God [Vol 5: Dark Continent]
Chapter I
Chapter II
Chapter III
Chapter IV
Chapter V
Chapter VI
Chapter VII
Chapter VIII
Chapter IX
Chapter X
Chapter XI
Chapter XII
Chapter XIII
Chapter XIV
Chapter XV
Chapter XVI
Chapter XVII
Chapter XVIII
Chapter XIX
Chapter XX
Chapter XXI
Chapter XXII
Chapter XXIII
Chapter XXIV
Chapter XXV
Chapter XXVI
Chapter XXVII
Chapter XXVIII
Chapter XXIX
Chapter XXX
Chapter XXXI
Chapter XXXII
Chapter XXXIII
Chapter XXXIV
Chapter XXXV
Chapter XXXVI
Chapter XXXVII
Chapter XXXVIII
Chapter XXXIX
Chapter XL
Chapter XLI
Chapter XLII
Chapter XLIII
Chapter XLIV
Chapter XLV
Chapter XLVI
Chapter XLVII
Chapter XLVIII
Chapter XLIX
Chapter L
Chapter LI
Chapter LII
Chapter LIII
Chapter LIV
Chapter LV
Chapter LVI
Chapter LVII
Chapter LVIII
Chapter LIX
Chapter LX
Chapter LXI
Chapter LXII
Chapter LXIII
Chapter LXIV
Chapter LXV
Chapter LXVII
Chapter LXVIII
Chapter LXIX
Chapter LXX
Chapter LXXI
Chapter LXXII
Chapter LXXIII
Chapter LXXIV
Chapter LXXV
Chapter LXXVI
Chapter LXXVII
Chapter LXXVIII
Chapter LXXIX
Chapter LXXX
Chapter LXXXI
Chapter LXXXII
Chapter LXXXIII
Chapter LXXXIV
Chapter LXXXV
Chapter LXXXVI
Chapter LXXXVII
Chapter LXXXVIII
Chapter LXXXIX
Chapter XC
Chapter XCI
Chapter XCII
Chapter XCIII
Chapter XCIV
Chapter XCV
Chapter XCVI
Chapter XCVII
Chapter XCVIII
Chapter XCIX
Chapter C
NOTE

Chapter LXVI

7.7K 983 172
By GinoongOso

Chapter LXVI: Scheming or Being Kind?

Kasalukuyang nilalabanan nina Finn Doria ang mga natitirang kawal sa ere. Hinabol sila ng mga ito at dahil ayaw nila na may sumusunod sa kanilang pag-alis sa mansyon, kinompronta na nila ang mga ito. Sunod-sunod na pagsabog at paghiyaw ang umaalingawngaw sa paligid. Paunti na nang paunti ang mga kawal, at ito ay dahil kay Hina na isang 5th Level Heaven Rank.

Si Hina lang ang may maayos na suot itim na balabal. Nasira na ang kay Finn Doria dahil sa harapan niyang pakikipaglaban sa mga kawal.

Sa kanilang anim, si Hina lang ay may pinaka kaunting sugat at galos. Siya lang din ang nananatiling maayos ang daloy ng enerhiya. Masigla pa siya at mahahalatang kayang-kaya niya pang lumaban.

Pagkatapos ng ilang minutong pakikipaglaban sa mga kawal, sa wakas ay bumaba na sa mahigit sampu ang mga kawal. Makikita ang takot sa mukha ng mga kawal na ito habang nakatingin sa anim nilang kalaban.

Mayroong agad na tumalikod at hindi na nagbalak na ipagpatuloy pa ang laban. Totoong papatayin sila ni Crome kapag bumalik sila nang hindi kasama sina Finn Doria, pero, wala rin namang pinagkaiba kung patuloy silang lalaban kina Finn Doria.

Ibinubuwis lang nila ang kanilang buhay para sa wala.

Mayroon pang pito ang sumunod sa isa, at apat nalang ang natitirang kawal na gusto pang lumaban kina Finn Doria.

“Handa kayong mamamatay para sa isang maharlika na walang pakialam sa inyo,” hayag ni Finn Doria.

Agad na sumugod ang binata sa dalawang 6th Level Legend Rank. Iwinasiwas niya ang kanyang espadang nababalutan pa rin ng skill na water blade.

Si Hina naman ay sumugod sa dalawa pang natitira at mabilis na pinaslang ang dalawang ito.

SWOOSH!!

Sinubukan ni Finn Doria na hatiin ang katawan ng isa sa kanyang kalaban, pero, ulo lang ang nahati niya dahil mayroon itong suot-suot na baluti. Napatay niya ang isa pero hindi siya tumigil. Sinugod niya ang isa pa na kasalukuyang pasugod din sa kanya.

WHOOSH!!

Rapid Three Slashes!

Sa tatlong atake na pinakawalan ni Finn Doria, mayroong isang tumama sa leeg kaya naman tumilapon ang pugot na ulo ng kawal. At sa sandaling iyon, ang lahat ng humahabol sa kanila ay naubos na.

Karamihan ay namatay habang ang ilan naman ay tumakas dahil sa takot na mamamatay.

Huminga ng malalim si Finn Doria at marahang nagsalita, “Sa wakas, natapos din.”

Inalis na ni Finn Doria ang enerhiyang bumabalot sa kanyang katawan. Itinago niya ang dalawa niyang espada at  agad niyang hinawakan ang kanyang interspatial ring. Kumuha siya ng recovery pill at agad na kinain ito.

Lumapit si Hina kay Finn Doria. Sinulyapan niya ang binata pero agad din itong bumaling sa direksyon kung saan sila nagmula.

“Ginoong Finn Doria. Kilala mo ba ang beastman na iyon?” tanong ni Hina.

“Medyo. Nakasama ko siya ng ilang buwan sa paglalakbay, pero, hindi kami gano’n kalapit sa isa’t isa,” tugon ni Finn Doria. Nakatingin din siya ngayon sa kanilang pinagmulan at mapapansin ang komplikadong ekspresyon sa kanyang mukha.

Sa totoo lang, gusto niyang bumalik para malaman kung kaya ni Crypt ang laban na ito. Pero, napagtanto niyang makakasagabal lang siya kung babalik pa siya upang tumulong o manood.

“Kung hindi dumating si Crypt, siguradong malalagay tayong lahat sa panganib,” malumanay na sabi ni Finn Doria. Inilabas ng binata ang medalyong may simbolo ng puting leon at marahang bumulong, “Pero, may kakaiba kay Crypt kanina. Kitang-kita ko ang muhi sa kanyang mga mata habang nakatingin siya kay Crome… mukhang magkakilala silang dalawa noon pa man..”

Bumaling si Hina kay Finn Doria, “Ginoong Finn Doria, sa tingin ko oras na para umalis tayo sa lugar na ito. Hindi na ligtas ang lugar na ito sa ‘yo at sa iyong mga kaibigan.”

Tumango si Finn Doria at itinagong muli ang medalyon. Humarap siya sa direksyon kung saan nila iniwan sina Erwan, Alejandro at Ninia. Nakahinga ng maluwag si Finn Doria at bahagya siyang ngumiti.

“Matutupad ko ang pangako ko sa batang iyon. Tara na, kailangan na nating lumayo sa lugar na ito,” hayag ni Finn Doria.

Tumango sina Oyo. Kanina pa sila tahimik at tila ba nahihiya. Ang natural na masiyahing si Eduardo ay tahimik ngayon. Hindi niya iniimikan o kinukulit si Finn Doria.

Hindi naman ito pinagtuunan ng gaanong pansin ng binata. Agad siyang lumipad patungo sa direksyon kung saan nila iniwan sina Erwan. Sumunod lang sa kanya sina Hina at ilang sandali pa nga, sa wakas ay nakarating na rin sila sa karwahe.

Agad na pumasok si Finn Doria sa loob ng karwahe. Nakita niya si Alejando na natutulog habang si Erwan naman ay karga-karga ang sanggol na si Ninia. Kumakanta-kanta pa ito na para bang pinapatulog ang sanggol.

Malalim na ang gabi ay hindi pa aktwal na adventurer si Alejandro kaya naman nakararamdam pa rin ito ng antok. Pagod na pagod ang ekspresyon ng batang beastman kaya naman nakaramdam nanaman ng awa si Finn Doria.

Samantala, nang makita ni Erwan si Finn Doria, nanabik ang kanyang ekspresyon. Magsasalita pa sana siya pero napagtanto niyang may tulog na sanggol sa kanyang mga bisig.

Naiilang nalang siyang ngumiti, ibinuka niya ang kanyang bibig at mahinang nagsalita, “Boss.”

“Erwan, kailangan na nating magmadali. Aalis na tayo sa lugar na ito,” hayag ni Finn Doria.

“Saan tayo pupunta boss? Pero hindi ako makakapagmaneho… natutulog pa rin ang sanggol na ito boss..” mahinang tugon ni Erwan.

Huminga ng malalim si Finn Doria at agad na nagtungo sa kinaroroonan ni Alejandro. Binuhat niya sa likod niya ang batang beastman at marahang nagsalita, “Hindi tayo magka-karwahe, lilipad tayo dahil kailangan nating magmadali.”

Natigilan si Erwan. Biglang nalungkot ang kanyang mukha at agad na nagsalita, “Pero boss… hindi ko maaaring iwan ang karwahe ko rito. Ito nalang ang mayroon ako boss.”

Napatitig si Finn Doria kay Erwan. Hindi niya naman maaaring iwan si Erwan dito sa lungsod na ito. Masyadong delikado. Hindi niya alam kung ano ang mangyayari kay Erwan kapag iniwan niya ito.

“Iwan mo na ang karwaheng ito. Ibibili—”

“Pasensya na boss. Gusto kong sumama pero… hinding-hindi ko iiwan ang tanging bagay na masasabi kong akin. Pinaghirapan kong ma-ipundar ito kaya—"

Suminghal at sumimangot si Hina. May dinukot siyang interspatial ring sa kanyang bulsa at naiinis na nagsalita, “Kung ayaw mong iwan, isama mo.”

“Labas. Ipapasok ko na ang karwaheng ito sa interspatial ring para magtigil kana sa kakangawa riyan,” dagdag pang sabi ni Hina.

Nananabik na lumabas si Erwan. Si Finn Doria naman ay agad ding lumabas at nang makalabas na silang lahat, itinutok ni Hina ang bato ng singsing sa karwahe. Hinigop ng singsing ang karwahe at sa ilang segundo lang, tuluyan na itong naglaho.

Nagningning ang mga mata ni Erwan. Lumapit sa kanya si Hina at maingat na kinuha mula sa kanya ang sanggol. Ibinigay rin sa kanya ni Hina ang singsing na naglalaman ng karwahe.

“Mas mapoprotektahan ko ang sanggol na ito kaysa sa ‘yo,” hayag ni Hina at agad na tumalikod na.

Pilit na ngumiti si Erwan. Tiningnan niya ang iba nilang kasama at may napansin siya.

“Boss asan na si boss Samuel?” tanong ni Erwan.

Bumaling si Finn Doria kay Erwan at marahang tumugon, “Pinatay ko na siya.”

Nangibabaw ang katahimikan sa paligid. Nalungkot sina Oyo. Makikita sa kanilang mukha ang labis na pagka-dismaya at panghihinayang. Itinuring nilang kaibigan si Samuel, pero sa huli, ibinenta sila nito at maging si Finn Doria na kanilang tagapagligtas ay ipinahamak pa nito.

Pero, kahit na gano’n ang nangyari, hindi nila mapigilan ang malungkot para kay Samuel. Tatlong taon nila itong nakasama, at itinuturing nila si Samuel bilang kaibigan, kahit pa tinalikuran sila nito.

“Kailangan na talaga nating umalis sa lugar na ito,” basag ni Finn Doria sa katahimikan. Bumaling siya kina Eduardo at seryosong nagsalita, “Maaari bang buhatin ninyo muna si Erwan? Isa pa rin siyang Profound Rank kaya hindi siya makakasabay sa atin. Wala na tayong oras kaya kailangan nating lumipad.”

“H’wag na nating alalahanin ang batas ng lungsod na ito. Kung may pipigil sa atin, patayin.”

Agad na lumutang si Finn Doria at lumipad. Ang kanyang direksyon ay papunta sa pamilihan, kung saan niya unang nakita si Alejandro.

Noong ilipad ni Eduardo si Erwan, mapapansin sa mukha nito ang sobrang pananabik. Mas matanda nang hindi hamak si Erwan kina Eduardo pero sa kanilang lahat, siya ang pinakamahina.

“Ito pala ang pakiramdam nang lumilipad! Nananabik na akong makatapak sa Sky Rank!” nananabik na sabi ni Erwan habang mahigpit na hawak-hawak ang interspatial ring sa kanyang palad.

Hindi pinansin nina Finn Doria ang kaingayan ni Erwan. Nagpatuloy lang sila sa paglipad. Nakikita nila ang liwanag sa mga gusali, napakaganda ng lungsod, pero, ang pamamalakad dito ay napakasama.

Habang naglalakbay sila sa himpapawid, biglang nagising si Alejandro. Natakot siya noong una dahil nagising siya na nasa taas siya ng mga gusali. Pero, nang mapagtanto niyang buhat-buhat siya ni Finn Doria, naramdaman niyang ligtas siya mula rito.

Dahil sa matinding antok, muli siyang nakatulog. Nakapatong ngayon ang kanyang baba sa balikat ni Finn Doria.

“Ginoo... ililigtas na po ba natin si ina..?” inaantok na tanong ni Alejandro.

“Oo. Pupuntahan natin ang iyong ina at malapit na ulit kayong magkasama muli,” nakangiting tugon naman ni Finn Doria.

Napangiti si Alejandro. Hindi na siya nagsalita pa. Nakapikit pa rin siya dahil sa antok at dahil na rin nalulula siya sa kanyang nakikita.

Medyo binilisan ni Finn Doria ang kanyang paglipad. Mayroong enerhiyang nakapalibot sa kanila ngayon, at ito ay proteksyon para sa malakas na hangin.

Hindi nagtagal, ang grupo ni Finn Doria ay nakarating sa bahagi ng pamilihan kung saan natagpuan niya kanina si Alejandro. Medyo maayos na ang paligid. May ilan pang tinder ang nakabukas pero nang makita nila ang grupo nina Finn Doria na bumaba sa bahaging iyon ng pamilihan, nagsipagtago sila sa loob ng kanilang tindahan.

Ibinaba ni Finn Doria si Alejandro, at kahit na inaantok, pinilit ng batang beastman na panatilihin ang kanyang diwa.

“Ituro mo sa amin kung nasaan ang iyong ina, bata,” pabulong na sabi ni Finn Doria.

Tumango si Alejandro at agad na tumakbo. Bumaling si Finn Doria sa kanyang mga kasama at agad din siyang sumunod sa batang beastman.

Pumasok si Alejandro sa isang tindahan, at nang sina Finn Doria na sana ang papasok, narinig nila ang pagsigaw ni Alejandro. Narinig ng binata na mayroong lalaking sumisigaw at babaeng nagmamakaawa kaya naman agad na pumasok si Finn Doria sa loob ng tindahan.

At doon, nakita muli ni Finn Doria ang payat na negosyante habang kinukuwelyuhan nito si Alejandro. Nagpupumiglas ang batang beastman habang may isa namang babaeng beastman na nakaposas ang nagmamakaawa sa negosyante.

Napahinto ang payat na negosyante. Napatingin siya kay Finn Doria na kasalukuyang makahulugang nakangiti sa kanya.

“Ibaba mo ang batang iyan o ikaw ang pabababain ko sa impyerno?” nakangiting tanong ni Finn Doria.

Nanginig ang buong katawan ng negosyante. Namukhaan niya si Finn Doria, at sobrang takot ang kanyang naramdaman nang makita niya muli ito. Nabitawan niya si Alejandro at para siyang lantang gulay na napaupo sa sahig.

Napaihi pa siya sa kanyang pantalon habang nanginginig na bumubulong, “I..ikaw…”

Kagagaling niya lang mula sa pinsalang natamo niya dahil kay Finn Doria. Malaking pera ang nagastos niya para lang makabili ng mataas na uri ng gamot sa mga nabasag niyang buto sa mukha. At ngayon, tila ba binabangungot siya nang makita niyang muli ang adventurer na naglagay sa kanya sa malubhang kalagayaan.

“Alis,” malamig na sabi ni Finn Doria.

Nanlaki ang mga mata ng payat na negosyante. Hindi na siya nagsalita pa, agad siyang tumakbo palayo at muntik-muntikan pa siyang madapa dahil sa sobrang pagmamadali.

Nagulat ang babae sa paglitaw ni Finn Doria at sa pag-alis ng kanilang amo. Pero, itinuon niya ang kanyang atensyon sa kanyang anak at maluha-luha niyang tinawag ito.

“Alejandro anak… ayos ka lang ba..?” nag-aalalang tanong ng babaeng beastman. Gusto niyang lumapit at yakapin ang kanyang anak pero nakatali siya sa pader.

Agad namang lumapit si Finn Doria sa babae at mabilis na sinira ang mga posas at kadenang nakakabit sa katawan nito.

“Ginoo..” nagulat ang babae sa ginawa ni Finn Doria. Si Alejandro naman ay agad na lumapit sa kanyang ina at niyakap ito ng mahigpit.

“Ina… bumalik na ako… ililigtas tayo ng mabuting ginoo na ito mula sa negosyanteng iyon... magiging malaya na tayo ina..” naiiyak na sabi ni Alejandro habang sumisinghot-singhot pa.

Pumasok na rin si Hina at ang iba pa sa loob ng tindahan. Maingat na ibinigay ni Hina si Ninia sa babaeng beastman. Naluluha itong kinarga ng babaeng beastman at agad na nagsalita, “Salamat..! Salamat! Salamat sa pagtatanggol at pag-aalaga sa mga anak ko!”

Ngumiti si Finn Doria at marahang nagsalita, “Walang anuman. Hindi kayo dapat nakakaranas ng ganito...”

“Ako nga po pala si Finn Doria, isang Rogue Adventurer,” pakilala ni Finn Doria.

Natigilan ang babae. Tumingin siyang mabuti kay Finn Doria at marahang nagsalita, “A..ako naman si Sanya. At ito naman ang aking anak na sina Alejandro at Ninia.”

“Ikinagagalak ko kayong makilala,” tangong tugon ni Finn Doria.

Niyakap ni Sanya si Alejandro. Hindi na sila nagsalita pa, bagkus, sinulit muli ng mag-iina ang bawat sandali na magkakasama sila.

“Ano nang balak mo ngayon, Finn Doria?” tanong ni Hina sa binata. “Hindi lang isang Profound Rank ang kasama mo, mayroon pang pamilya ng beastman na hindi pa aktwal na mga adventurers.”

“Kaya mo ba silang isama at protektahan?”

Natigilan si Finn Doria. Napabaling siya kina Erwan, Oyo, Eduardo, Mina at Leila bago siya bumaling sa pamilya ni Alejandro. Napagtanto niyang mahihirapan siyang lumabas ng lungsod kasama ang mga ito, kahit pa kasama niya si Hina.

Masyadong delikado lalo na’t mayroon silang kasamang sanggol.

Natahimik si Finn Doria, nag-isip siya ng paraan.

“Dalhin mo sila sa Myriad World Mirror,” isang pamilyar na tinig ang biglang umalingawngaw sa isip ni Finn Doria.

Mula nang lisanin niya ang Ancestral Continent, ito na muli ang unang beses na kinausap siya ni Munting Black. Tama, si Munting Black ang kumakausap sa kanya sa kanyang isip.

“H’wag ka nang tumunganga pa riyan. Tumatakbo ang oras,” muling sabi ni Munting Black.

“Pero bakit…? Ikaw ba talaga ‘yan, Munting Black? Bakit bigla ka nalang naging mabait?” tanong ni Finn Doria sa gamit ang kanyang isip. “Nagbago na ba ang ikot ng mundo o mayroon ka na namang binabalak na masama..?”

Suminghal si Munting Black at muling nagsalita, “Nabanggit ko na sa ‘yo noon na darating ang araw na kakailanganin mong bumuo ng mga sundalong lalaban para sa ‘yo.”

“Hindi sapat ang pamilya lang ni Eon, kailangan mo pa ng mas maraming alagad. Hindi mo kayang iwanan ang mga iyan, kung gayon, ipasok mo sila sa mundong ito at hayaan mo silang magsanay at manatili rito,” malamig na paliwanag ni Munting Black.

“Pero—”

“Papiliin mo sila, Finn Silva. Hindi ako ang mahihirapan, ikaw,” putol ni Munting Black sa kanya.

Napaisip si Finn Doria. Ito na lang din ang naiisip niyang paraan, pero, hindi patas sa mga ito kung papasok sila sa Myriad World Mirror at hindi na sila makalalabas pa.

Sandaling nag-isip si Finn Doria. Lumuhod siya at pumantay kina Alejandro.

“Aling Sanya, gusto niyo po bang pumunta sa lugar na maaari kayong mamuhay ng magkakasama? Walang manghahamak at mananakit sa inyo roon pero..” nag-aalinlangan si Finn Doria. Huminga siya ng malalim at nagpatuloy, “Pero hindi ko masasabi kung makababalik pa kayo rito.”

Natigilan ang lahat ng naroroon. Seryosong napatitig si Hina kay Finn Doria. Naguguluhan siya at hindi niya maintindihan ang sinasabi nito.

Ilang sandali pang pag-iisip, tumango nang tumango si Sanya at tumugon, “Oo. Nakikiusap ako. Gusto kong mapunta kami sa lugar kung saan magkakasama kami. Maaari akong magsilbi sa ‘yo Ginoong Finn Doria kung kinakailangan basta kasama ko ang aking mga anak.”

Ngumiti si Finn Doria pero hindi na siya nagsalita. Tumingin naman siya ngayon kina Erwan.

“Kayo..? Gusto niyo bang mapunta sa mundong sinasabi ko? Makakapagsanay kayo roon kung gusto niyo. Isa iyong magandang mundo pero… iiwan niyo ang lahat ng mga taong malalapit sa inyo rito, kabilang na ang mga pamilya ninyo,” seryosong paliwanag ni Finn Doria.

“Boss ma-i-aalis mo ako boss sa lungsod na ito..? Wala na akong kinalakihang magulang kaya wala akong maiiwan sa lungsod na ito boss. Ang tanging mayroon lang ako ay ang aking napakagandang karwahe kaya… boss maaari ba akong sumama sa kanila?” nananabik na tugon ni  Erwan.

“Siyempre. Pupuwede mong patakbuhin doon ang iyong karwahe,” nakangiting sabi naman ng binata.

Bumaling si Finn Doria kina Oyo at hinintay ang sagot ng mga ito.

“Lumaki ako sa bahay-ampunan kaya wala na akong pamilya. Ayoko na ring manatili sa nakakasukang kontinenteng ito,” bahagyang ngiting sabi ni Oyo.

“Namatay ang mga magulang ko noong labing isang taong gulang ako kaya wala na rin akong maiiwang pamilyar rito,” tugon ni Eduardo.

“Wala na rin akong mga magulang… may kuya ako pero namatay siya dahil ipinagtanggol niya ako mula sa masasamang rogue adventurers,” nalulungkot na hayag ni Leila.

“Itinakwil na ako ng aking angkan… ayokong sumunod sa gusto nila kaya pinalayas nila ako. Isa pa, kung nasaan sina Oyo, doon din ako dahil sila nalang ang mayroon ako,” paliwanag ni Mina.

“Kung gano’n, ang desisyon ninyo ay ang pumunta sa lugar na sinasabi ko?” naniniguradong tanong ni Finn Doria.

Tumango ang apat bilang tugon. Ngumiti si Finn Doria at bumaling naman siya kay Hina.

“Ikaw?”

Natauhan si Hina.“Gusto ko sanang pumunta sa lugar na sinasabi mo, pero, mayroon pa akong pamilya at guild na kailangang paglingkuran.”

“Naiintindihan ko. Kung gano’n ito na marahil ang oras para magkanya-kanya tayo ng landas na tatahakin. Patungo ako sa Beastman Kingdom… habang ikaw ay may guild na paglilingkuran,” nakangiting sambit ni Finn Doria. “Pero, h’wag kang mag-alala, sa sunod nating pagkikita, maibibigay ko na sa ‘yo ang ipinangako ko.”

“At ako naman ang bahala sa mga sikreto mo, sa lahat ng sikreto mo,” bahagyang ngiting sabi ni Hina. “Hinihiling ko ang iyong kaligtasan, Ginoong Finn Doria. Hihintayin ko ang muli nating pagkikita.”

“Ako ri—”

“H’wag mong hahayaan na makuha ng iba ang iyong mga ‘kayamanan’,” putol ni Hina kay Finn Doria.

Pilit na ngumiti ang binata at umiling, “Dapat ay alam kong sa mga Heaven Armaments ka nag-aalala.”

“Pero, hindi mo na kailangang alalahanin pa ang mga iyon. Sisiguraduhin kong hindi mabubuksan ng kung sino man ang mahahalagang interspatial rings ko,” nagmamalaking hayag ni Finn Doria. “H’wag mong kalimutan na isa akong Formation Master, Binibining Hina.”

Pagkatapos sabihin iyon ni Finn Doria, sandali siyang pinagmasdan ni Hina. At matapos nito, tumalikod na rin ito at dahan-dahang naglakad palabas ng tindahan.

Pinagmasdan ni Finn Doria ang unti-unting paglayo ni Hina, at nang tuluyan na itong nawala, bumaling na ang binata kina Erwan.

Itinuon ng binata ang kanyang atensyon sa pagbubukas ng Myriad World Mirror. Humiwalay sa kanyang katawan ang marka ng salamin at unti-unti itong lumaki sa harapan ng binata.

Hinayaan ni Finn Doria na makita ito nina Erwan, at ilang saglit pa, nang tuluyan na itong nagbukas, nagsalita muli si Finn Doria.

“Pumasok na kayo sa lagusan na iyan. Dadalhin kayo ng lagusan na iyan sa mundong sinasabi ko,” marahang sabi ni Finn Doria.

Natauhan sina Erwan. Tumayo na si Sanya mula sa kanyang pagkakaupo sa sahig. Naunang pumasok si Erwan sa lagusan. Sumunod naman sina Oyo habang panghuli naman ang pamilya ni Sanya.

Nagpaiwan si Alejandro. Niyakap niya ang bewang ni Finn Doria at nakangiting nagsalita, “Maraming salamat sa lahat, kuya!”

Pagkatapos nito, tumakbo na si Alejandro papasok sa lagusan. Nang makapasok siya, agad na isinara ni Finn Doria ang lagusan. Malalim siyang napapaisip ngayon dahil sa biglaang pagiging mabait ni Munting Black.

Samantala, habang si Finn Doria ay abala sa pag-iisip, sa loob ng Myriad World Mirror, nakanganga ngayon si Erwan habang nakatingin sa dalawang batang lalaki sa kanilang harapan.

Ang isang batang matamis na nakangiti sa kanila at komportable sila sa presensya nito. Pero, kinikilabutan sila sa isang bata na makahulugan ang tingin sa kanila. Pakiramdam nila ay may masamang binabalak sa kanila ang binatang may malalim na berdeng buhok.

“Maligayang pagdating sa mundo ni Master Finn Doria! Ako, si Eon ang inyong magiging instruktor kung paano kayo magiging walang awang mga adventurers!”

--

Continue Reading

You'll Also Like

4.1K 465 6
NOTE: 'On Hold' does not mean I would stop updating this. I mean i will, for the mean time, but not forever. Just give me more time guys, I'll be bac...
1.3K 220 20
Sa kalagitnaan na paglalakbay ni Ziwin hindi niya sinadya matuklasan ang daan patungo sa mga Assassin. Sa kaniyang pag pasok sa Assassin ay nag simu...
285K 39.6K 42
Pagkatapos ng isang taong pagsasanay sa Spring of Dreams, sa wakas ay nagbalik na si Finn sa Dark Continent upang maghiganti kay Puppet King Hugo at...
468K 92.1K 102
Armado ng mahahalagang impormasyon at bagay na makatutulong sa kanilang paglalakbay, ipinagpapatuloy ni Finn at ng buong New Order ang kanilang pakik...