Nina
Maaga akong gumising para samahang magbreakfast si Tita Grace. Tumawag siya sa akin kaninang madaling araw para sabihing wala siyang kasama at tanging ako lang ang kakilala niyang pwedeng mayaya.
Kaya no choice, kailangan ko siyang samahan dahil inutos ni Dad na pakitunguhan ko siya ng husto.
Dumating ako sa hotel at tumuloy sa restaurant kung saan din kami kumain kagabi. Nadatnan ko siyang nakaupo sa table malapit sa bintana.
"Good morning Tita." Bati ko sa kanya.
Napatingin siya sa akin. "Good morning Erica, have a seat." Nakangiti niyang sabi.
Napansin kong lumilinga-linga siya habang paupo ako.
"Hindi mo yata kasama si Reyden." Puna niya.
Nagsalubong ang kilay ko. Niyaya niya ba ako dahil nagbabakasakali siyang kasama ko si Reyden? Bakit hindi na lang niya sabihin kung gusto niyang si Reyden na lang ang kadate niya.
"Do you want me to call him?" Magalang ko pa ring tanong kahit medyo nakakaramdam ako ng inis. Naiinis ako dahil pakiramdam ko hindi naman ako ang gusto niyang makasama.
"No need. He might have other plans." Dismayado niyang sagot.
Nagsimula kaming kumain.
"Do you think Reyden can join us for dinner later?" Tanong niya.
Bakit puro na lang si Reyden ang bukambibig niya?
"I'll check Tita if he's available." Sagot ko.
Tumango-tango lang siya.
"Can you recommend a gift that he might like." Sabi niya.
Napalunok ako ng malalim. Something is really weird.
"Tita, would you mind if I ask why are you so interested in him?" Hindi ko na napigilan ang sarili kong tanungin siya.
Nakita kong napilitan siyang ngumiti sabay yuko ng bahagya. Kakaiba ang lamlam sa kanyang mga mata. Ibang emosyon ang nakita ko. Hindi ko mabasa ang expression sa kanyang mukha. Parang meron siyang gustong sabihin na hindi niya masabi.
Mukhang mali ang hinala kong isa siyang matandang babae na mahilig sa gwapo at batang mga lalaki. Kung nababasa niya lang siguro ang isip ko ay malamang pinagtatawanan na niya ako ngayon.
Hindi niya sinagot ang tanong ko at iniba na lang ang usapan. Hindi na rin ako nagtanong nang mapansin kong hindi na niya muling binanggit si Reyden.
Kinukutuban ako ng hindi maganda. Bakit ganito ang pakiramdam ko?
Tumuloy ako sa opisina pagkatapos ng breakfast.
"How is she?"' Bungad na tanong ni Dad pagkadating na pagkadating ko.
"She's fine Sir. Nothing is really unusual." Sagot ko.
Ngumiti si Dad. Napakaaliwalas ng kanyang ngiti. Ngayon ko lang nakita ang ganitong klaseng ngiti sa kanyang mukha. For the past five years na nakasama ko si Dad, masasabi kong kilalang kilala ko na siya. Kaya naman alam kong may kakaiba.
Umupo ako sa aking upuan habang seryosong nag-iisip.
Nawala ako sa katawan ni Celine pagkatapos ng birthday ko. Dumaan ang birthday ni Celine na nandito sa Pilipinas si Dad. Dapat nasa Amerika siya sa mga panahong iyon. Bakit hindi siya nagbakasyon?
Natigil ako sa pag-iisip nang tawagin ni Dad ang aking pangalan. Agad akong tumayo at lumapit sa kanya.
"Yes Sir?"
"I need you to bring this personally to Atty. Rondez." Sabi niya sabay abot ng isang nakaseal na brown envelope.
"Okay po Sir." Sagot ko.
Pagkakuha ko ng envelope ay agad akong nagpahatid sa law office. Pagkarating ko ay hinanap ko si Atty. Rondez na saktong nakaupo sa kanyang opisina.
Kumatok ako bago pumasok. Magiliw niya akong pinaupo sa silya sa kanyang harapan. Nagpakilala ako at iniabot sa kanya ang brown envelope.
"Thank you, Arturo called and he said ipapadala niya ang document sa'yo." Sabi niya sabay kuha sa dala ko.
"No problem po. Any message you want me to relay for Sir Art?" Tanong ko. Nagbabakasakaling meron siyang kakaibang sabihin.
"Tell him not to worry too much, he'll be single again by the end of the week." Sagot niya.
Napatitig ako sa kanya sabay lipat ng aking paningin sa brown envelope. Mukhang alam ko na kung anong document ang laman ng envelope.
Bahagya akong napangiti. Kaya siguro hindi lumipad pa-Amerika si Dad dahil inaayos niya ang annulment nila ni Mommy. Mabuti naman kung ganoon. Masaya ako para sa kanilang dalawa. Sa wakas makakalaya na sila sa isa't-isa.
Bumalik ako sa opisina at nadatnang naghihintay na si Ate Bel sa akin para maglunch. Naalala ko ang panaginip ko noong nakaraang araw.
"Ate Bel, may tao bang gustong manakit sa'yo?" Bigla kong natanong.
Napatingin siya sa akin. "Multo siguro meron pero tao wala akong naaalala." Biro niya.
Napanguso ako at hindi na muling nagtanong. Wala naman sigurong ibig sabihin ang panaginip na iyon.
Hinihintay kong tumawag si Ma'am Grace para magyayang magdinner pero hindi siya tumawag kaya naman nagkaroon ako ng pagkakataong makauwi ng maaga kasabay sila Ate Bel at Reyden.
Pagkababang pagkababa namin sa sasakyan ay nakarinig kami ng ingay mula sa loob ng mansyon. Nagkatinginan kaming tatlo. Sunod naming narinig ang takot na takot na tili ng isang katulong. Kinabahan kami at mabilis na pumasok sa mansyon.
Napamulagat ang aming mga mata nang makita si Tito Karding na galit na galit habang mahigpit na hawak ang kwelyo ni Dad. Napasigaw kami nang dumapo ang isang malakas na suntok na tumama sa panga ni Dad mula sa nagngangalit na kamao ni Tito Karding.
Bumagsak sa sahig si Dad. Tumulo ang dugo mula sa kanyang bibig.
"Pa!" Sigaw ni Reyden na mabilis na pumagitna para awatin si Tito.
Agad naming nilapitan si Dad para tulungang makatayo. Mukhang nahilo si Dad sa lakas ng suntok na iyon.
"Putangina mo Arturo! Walang hiya ka!" Nanlilisik ang mga matang sigaw ni Tito. Umuugong ang tunog ng kanyang sigaw sa loob ng mansyon.
"Pa, tama na!" Awat ni Reyden na pilit pinipigil ang nagwawalang si Tito Karding.
Malakas na hinatak ni Tito Karding si Reyden at hinawi niya ito palayo sa kanya.
"Pa, tama na!" Muling sigaw ni Reyden na pilit pa ring umaawat.
"Tumigil ka! Isa ka pa! Huwag mo kong matawag tawag na Pa dahil hindi kita anak!" Sigaw ni Tito sabay suntok kay Reyden.
Gulantang na napasalampak si Reyden sa sahig na hindi agad nakakilos dahil sa kanyang narinig.
Gumuhit ang galit sa mukha ni Dad nang makitang nasaktan si Reyden! Kumawala siya sa aming pagkakahawak at sinugod si Tito Karding. Binigwasan niya ito sa mukha dahilan para mapaatras si Tito.
"Don't you dare hurt my son!" Sigaw niya na lalong nagpamulagat sa aming mga mata.
Ano ba talaga ang nangyayari!
Nagpatuloy ang suntukan ng dalawa. Nanginginig ang mga tuhod kong lumapit sa kanila para subukang umawat. Mahigpit kong hinawakan ang braso ni Tito Karding.
"Tama na Tito, Sir Art!" Sigaw ko.
Wala talaga silang balak tumigil. Naramdaman kong hinatak ako ni Tito karding at initsa palayo. Ang lakas niya! Tumilapon ako paatras at tumama ang aking tagiliran sa hamba ng hagdanan.
Napaluhod ako sabay hawak sa aking tagiliran. Shit! Ang sakit! Bakit ba kasi masyado akong pakielamera? Sa liit ng katawan ko nagfefeeling pa akong kaya kong awatin ang dalawang lalaking malalaki ang katawan.
Hindi lang driver si Tito Karding, tumatayo rin siyang bodyguard ni Dad kaya matangkad at matipuno ang kanyang pangangatawan kahit may edad na siya.
Muling umawat si Reyden. Pumasok ang dalawang guard na tinawag ni Ate Bel para tumulong sa pag-awat sa dalawa. Napaghiwalay sila pero patuloy pa rin ang pagmumura at pagsigaw ni Tito.
Inilabas nila ang nagwawala pa ring si Tito Karding. Rinig na rinig pa rin namin ang kanyang sigaw mula sa labas ng mansyon.
-----------------------------
Reyden
"Pa, tama na! Tama na!" Paulit-ulit kong sigaw habang hinahatak namin siya palayo sa mansyon.
Hirap na hirap kaming tatlo na pigilan siya. Nagpupumiglas pa rin siya at nagwawala hanggang sa maipasok namin siya sa quarters. Sandali siyang tumigil para kumuha ng hangin. Mabilis na lumabas ang dalawang gwardiya.
Isinara ko ang pinto at humarang dito. Hindi ko hahayaang makalabas siyang muli. Humihingal ako sabay pahid sa dugong tumutulo mula sa aking labi.
Napatitig ako sa aking ama. Nanlilisik ang kanyang mga mata habang humihingal hingal siyang nakatayo sa gitna na sala.
Humugot ako ng malalim na hininga. Hindi pa rin ako naniniwala sa narinig ko kanina. Hindi iyon totoo. Hindi iyon pwedeng maging totoo.
"Pa!" Tawag ko sa kanya.
Tinitigan niya ako.
"Umalis ka riyan sa pinto kung ayaw mong sa'yo ko ibunton lahat ng galit ko!" Singhal niya.
Napatiimbagang ako. "So be it! Sa akin mo na lang ibunton!" Matapang kong hamon.
Napalunok ako nang mabilis siyang lumapit sa akin at nagpakawala ng suntok. Titig na titig ako sa kanyang mga mata. Rinig na rinig ko ang pagtama ng kanyang kamao sa kahoy na pinto sa gilid ng aking tenga. Hindi niya inalis ang kanyang braso.
"Kaya pala hindi ko maramdamang anak kita dahil hindi naman talaga!" Nanginginig niyang sigaw.
"Pa, ano bang sinasabi mo!?" Lakas loob kong tanong.
"Nagsisisi akong inalagaan ko ang anak ng mga traydor!" Singhal niyang muli sabay suntok na naman sa pinto.
Nakamulagat lang akong hindi kumikilos sa aking kinatatayuan. Hindi ko maintindihan ang mga nangyayari. Matagal ko nang nararamdamang mailap ang pakikitungo sa akin ni Papa. Matagal niya na bang alam na hindi niya ako anak?
Naalala ko noong bata pa ako, madali siyang mainis at mabwisit sa akin na humahantong sa pananakit. Sumali ako sa taekwondo team para mapagtakpan ang mga pasang natatamo ko mula sa kanya sa tuwing sasaktan niya ako. Sa tuwing tatanungin ako ng ibang tao kung bakit ako may pasa, ang isasagot ko ay dahil sa practice. Ni minsan wala akong pinagsabihan na sinasaktan niya ako.
Namuo ang luha sa aking mga mata.
Dumudugo na ang kanyang kamao sa patuloy na pagsuntok sa pintong malapit nang bumigay.
Nasasaktan ako ngayon pero mas masakit makita na nagkakaganito ang taong itinuring kong ama.
Hinawakan ko ang magkabilang braso niya at mahigpit ko siyang niyakap para patigilin sa kanyang pagwawala.
"Hindi ako naniniwala sa'yo Pa! Sinungaling ka! Alam kong mahal mo ako dahil kung wala ka talagang pakialam sa akin, ako na lang sana ang pinagsusuntok mo at hindi iyang pinto!" Sigaw ko.
Tuluyan nang tumulo ang aking mga luha.
Naramdaman kong medyo napatigil si Papa. Hingal na hingal siya. Marahan niya akong hinawi. Binitawan ko siya nang mapansing unti-unti na siyang kumakalma at nauubusan ng lakas.
Tumalikod siya sa akin at lumakad palayo. Paos siyang sumigaw sabay hawi sa lahat ng bagay na nasa ibabaw ng mesa. Nabasag ang mga pinggan at baso pagkahulog ng mga ito sa sahig.
Napahawak siya sa kanyang batok. Paakyat na siya ng hagdan nang bigla siyang tumumba.
"Pa!" Gulat kong sigaw.
Napatakbo ako palapit sa kanya. Wala na siyang malay!
-------- to be continued--------
Hope nagustuhn niyo ang chapter na ito.
Favor po sa lahat ng readers na hindi pa nakapagvote sa Book 1, pa-flood vote naman po! Salamat in advance. Luv u all!
😊 good night!