[14] Palimos Po

14 0 0
                                    

Kasisikat pa lamang ng araw ngunit mulat na si Nene.

Inabot ang lumang latang naroon lamang sa paanan niya habang natutulog. Kasabay ng pagkamot sa mga mata ay inilibot niya ang tingin sa paligid—payapa at tahimik— sapagkat kasisimula pa lamang ng araw. Wala rin doon ang kaniyang inay at itay. Hindi mawari kung saang dako naroroon.

Tumayo siya mula sa pagkakahiga sa lumang karton na pinalalawak niya't inilalapag sa sahig tuwing sasapit ang dilim. Nagsilbi iyong kama niya sa halip na ang dating malamig na semento, itinuring na niyang tahanan ang munting silong sa harap ng karinderya ni aling Berta, bagaman ay pinalalayas siya nito tuwing umaangat na ang araw.

Pinagpag niya ang blusang dati ay matingkad na rosas ang kulay ngunit ngayon ay nabura na't nagmistulang basahan. Ang kapares na pambaba ay hindi na makilala sa rami ng punit, marahil ay dahil sa ilang beses na pagkakadapa tuwing silang mga nasa kalye ay hinahabol ng mga parak.

Nakayapak siyang naglakad tungo sa tabi ng kalsada, roon sa parte kung saan marami ang daraang tao. Sa harap ng mga establisyementong unti-unti nang nagbubukas ay nagsimula na ring magtawag ng kostumer ang mga tindero ng kendi, yosi, tsitsirya at maging mga panali sa buhok, medyas at suklay.

Sandali pa siyang napatitig sa mga iyon at napasimangot, tinatangay ng hangin ang buhok niyang nagmistula nang pugad ng ibon. Naupo siya sa malamig na semento. Maliban sa maraming dumudurang tao ay mapanghi rin ang lugar na ito. masakit sa ilong subalit nakasanayan na ni Nene.

Tatanawin ang bawat dumaraan, magpapaawa at titiisin ang pagkalam ng tiyan. Hindi niya mawari kung anong oras na, ang alam lamang niya ay nangangalay na ang kaniyang mga paa sa matagal na pag-upo.

Tumayo si Nene, hawak-hawak ang lumang lata, kumakalansing ang dalawang pisong laman sa bawat hakbang na ginagawa niya. Lalapit siya sa mga naroon, minsa'y tatawirin pa ang kalsada at kakatok sa mga magagarang sasakyan gayundin sa mga dyip na dumaraan. Bumalik siya sa pwesto niyang mapanghi na may munting ngiti sa labi. Bagama't karamihan sa natanggap ay panay pag-iling at pagtanggi, mayroon naman siyang limang pisong nakuha. Maaari nang bumili ng tinapay pampawi ng gutom, diyan sa malapit na panaderya. Iyon pa lamang ang kaniyang agahan.

Nang magbalik si Nene sa munting sulok na iyon ng kalsada, ipinatong nito sa harap ang lata at niyakap ang mga binti kung saan nakapatong ang kaniyang ulo. 'Di maiwasang mapahikbi nang balikan ang ilan sa mga ala-ala.

Tanda niya pa no'ng naroon pa sila sa ilalim ng tulay na nakatira. Ni minsan ay hindi pa siya nakakanood ng telebisyon, nakikisilip lamang siya kina aling Marta kung may pagkakataon ngunit lagi namang nabubugaw paalis. Sampu silang magkakapatid—maglalabing-isa— sapagkat ang huling tanda niya ay buntis ang kanilang ina. Ang kanilang ama ay sa konstruksyon lamang nagtatrabaho, madalas pa ang pag-inom na akala mo'y limpak-limpak ang sweldo.

Hindi rin siya nakapag-aral. Sinubukan ngunit 'di natapos. Hanggang grade one lamang ang kinaya, higit pa nga ang mga araw na naglako siya ng kendi't sigarilyo kaysa roon sa mga araw na pumasok ito sa klase't natuto.

Kasi naman ay sermon ni Inay, na animo'y donya ng mansyong papag at yero, ang sasalubong kapag 'di naubos ang paninda. Si Itay niyang lasing pagkauwi galing trabaho, magwawala't mambubugbog. Ang takot nila ay mas tumindi nang minsan ay muntik silang pagsamantalahan nito.

Pinalayas sila sa kanilang tirahan. At doon sila nagkahiwa-hiwalay. mayroong mga kapatid si Nene na ipinaampon sa kung sino-sino, marami ang iniwan sa tabing kalsada't mga tindahan—at isa siya sa mga 'yon.

Hindi niya batid ang dahilan ng mga magulang. Panay ang away ng mga ito't madalas napagbubuntunan pa silang magkakapatid, subalit heto at nagkaisa yata sa pag-iwan sa mga supling.

"Asan na kayo Inay, Itay?"

Napapahid si nene ng luha gamit ang likod ng palad.

Nakakatawa, ni hindi na niya tanda ang huling araw na naligo siya at nagpalit ng damit. Sa tagal ng panahong inilagi niya sa kalasada ay tuluyan nang nasira ang kaniyang nag-iisang sapin sa paa, siyang dahilan kung bakit siya nakayapak ngayon.

"G-Gusto kong mag-aral, g-gusto kong magkaroon ng bahay. S-Sana hindi na ako laging gutom," mahinang bulong niya sa sarili sa pagitan ng impit na paghikbi.

Magtatanghali na't dumami pa ang tao. Pinahid niya muli ang luha at huminga nang malalim. Tumayo si Nene at binitbit ang lata, kumakalansing ang laman nitong tatlong piso sa bawat hakbang niya.

"A-Ate, palimos po. Kuya, p-palimos po."

Subalit panay pag-iling lamang ang kaniyang natanggap.

Sa gitna ng dagat ng taong may tiyak na destinasyon at patutunguhan, naroon siya ngunit hindi mawari kung saan pupulutin kinabukasan.

Tila ba siya ay naliligaw at napagtanto niyang, ni minsan, hindi niya naranasang mahalin.

"Ate, kuya, palimos po. Palimos po ng pag-ibig."

&&

TAKIPSILIM Where stories live. Discover now