[8] Inay

22 5 0
                                    

//trigger warning//

tahimik ang paligid. at ang tanging tinig na namumutawi sa padinig ay ang pagkalam ng sikmura; mula roon sa mga batang paslit. panay ang kalabit sa inang nakaupo sa nag-iisang upuan sa tahanan. yumuyugyog ang mga balikat, nakatakip sa mata ang mga palad—"lumuluha ka ba ina?" mahinang tanong ng isa sa mga bata.

saka napamulat ang ginang. dahan-dahang inalis ang mga kamay sa mukha sabay libot ng tingin sa pitong anak. siyam ito noon, ngunit kinakailangang ipamigay ang dalawa. hindi na kakasiya sa maliit na barong-barong na yari sa kahoy at yerong ipinamigay lamang sa kanila, ang kanilang lumalaking pamilya. ang kanilang tahanan ay mistula ring napilayan mula noong ang haligi ay lumisan upang maging ama sa ibang pamilya.

muli ay tumunog ang tiyan ni totoy, 'yong ikalawa sa pinakabata. napabaling tuloy ang tingin ng ina sa kaniya. "gutom ka na?" anang ginang habang nagpapahid ng luha. mahinang tumango ang bata. ngumiti yaong ilaw ng tahanan.

nagsilapit sila sa munting mesa. may nakahanda roon, ngunit 'di tulad ng nakasanayan, marami ang pagkain ngayon sa hapagkainan. mukhang may piyesta sa loob ng bahay.

ano't may adobo at tinola sa mesa? hindi pa naman pasko, wala ring selebrasyon. saan kumuha si ina ng pera?

"kain na," nakangiting yaya ng nanay. nagsimula namang magsikain ang mga paslit. mayroon pang nag-aagawan sa karne ng adobo, magulo, ngunit masaya.

maya-maya ay lumapit si totoy sa ina. "inay, saan po kayo nakakuha ng pera pambili ng pagkain? hindi ko naman po kaarawan, bakit po ganito ang handa?" bahagyang natawa ang ginang sa inosenteng tanong ng bata. "may ibinenta si nanay, 'toy." ginulo pa nito ang buhok ng bata. " 'wag nang magtanong, kain na doon. minsan lang iyan." hindi na napakapagtanong si totoy, sinunod na lamang ang tinuran ng ina na kumain.

nakatingin ang ginang sa mga anak na masayang nagsasalo-salo, nang biglang tumunog ang telepono nitong makaluma. isang mensahe, mula sa taong kaniyang pinagbentahan.

bukas Esme, sa bahay ko. magsuot ka ng maganda para mapanindigan naman iyang makurba mong katawan. mas marami pa diyan ang pwede mong maipakain sa mga anak mo.

matapos mabasa ang mensahe ay muli na lamang napaluha ang ginang.

"ibinebenta ni ina ang sariling katawan upang mapakain kayo, mga anak," mahinang bulong ng ilaw ng tahanan sa sarili; mga mata'y nakapako sa mga supling.

&&

TAKIPSILIM Where stories live. Discover now