90: EPILOGUE

121 8 9
                                    

THIRD PERSON'S POV

Two years later...

"The End. HAHHAHAHAHA," histerikal na tumawa ang isang babae habang nagkukuwento sa mga kasamahan niya. Lahat sila nakaputi at nakasuot ng mahahabang mga bistida. Makikitang magkakaiba sila ng edad, at kataka-takang nagkakasundo sila.

"Ganon na 'yun? 'Yun na 'yun?" tanong ng isa na may pagkamaangas ang datingan.

Tumango ang babaeng nagkukuwento.

"More! I want more! More! More!" reklamo naman ng isa na tila bata kung kumilos. Pinapaikot-ikot niya ang lollipop na nasa bibig niya habang nagmamaktol at gusto pang makinig ng kuwento.

"Wala na eh. Wala na, wala na," paulit-ulit na sabi ng nagkukuwento. Kitang-kita ang lungkot sa mga mata niya kahit pa nakangiti ang mga labi niya.

Umirap ang isa pa na kasama nila na may pagkamaarte, dahil sa kadramahan niya. Apat sila. Apat silang magkakasama. Sila palagi ang magkakuwentuhan. At ngayon, siya ang nagkukuwento ng buhay niya.

"PATIENT-1941, JAN ASTRIA CUEVO," tawag sa kanya ng isang makisig na lalaki na nakaputing uniporme.

Lumingon ang naturang Astria rito, kuminang ang mga mata niya sa pagkakakita sa binata. "Andito na pala si Stygian. Sige na, bye-bye mga kaibigan!"

Kumaway siya sa mga kaibigan niya habang sinusundo siya ng lalaking nakaputi.

Nakangiwi ang lalaki habang si Astria naman ay pinupulupot ang nga kamay niya sa braso ng lalaki. Ngunit wala siyang magagawa, trabaho niya 'to. Napansin ni Astria ang pagkaasiwa ng lalaki kaya nilingon niya ito.

"Ayos ka lang ba, Stygian? Anong nangyayari?"

Umiling na lang ang lalaki saka pilit na ngumiti. Ayaw niya nang sumagot pa dahil ayaw niya nang kausapin pa ng matagal ang babaeng ito. Kailangan niya lang na maihatid ito sa kuwarto niya upang matapos na ang kanyang trabaho sa araw na ito.

Siya ang naunang pumasok sa pintuan saka sumunod ang babaeng nagngangalang Astria. Malinis ang kuwarto niya na halos walang gamit maliban sa higaan at isang upuan. Puting-puti ang paligid. Halos walang makikitang dumi, maliban na lang sa ilang bakas ng paa sa sahig.

Umupo ang babae sa higaan saka inginuso ang labi. Binuksan nito nang napakalawak ang mga braso na tila naghihintay ng isang yakap.

"Yakapin mo ako, Stygian."

Ngunit umiling lamang ang lalaki saka dali-daling lumabas ng kuwarto.

Napabuntong-hininga na lang siya. Naasiwa siya lagi kapag si Astria ang kasama dahil sa tinatawag nitong pangalan sa kanya. Hindi siya si Stygian.

Isa lamang siyang nurse sa lugar na iyon at wala nang iba pa.

Hindi siya si Stygian.

At hindi rin siya si Aegan.

SAMANTALA, mag-isa na naman sa kuwarto si Astria habang nakakurba ang katawan sa higaan niya.

Nandoon na naman ang mga boses sa utak niya na nagsasabing siya ang may kasalanan. Siya ang dapat sisihin. Siya lang. Wala nang iba kung hindi siya.

Dalawang taon niya nang nilalabanan ang mga ito habang nandirito siya sa ospital para sa mga may sakit sa utak. Sariwang sariwa pa sa memorya niya ang lahat. Magmula sa tawag na natanggap niya mula kay Stygian, hanggang sa alaala niya habang nakabulagta sa harapan niya ang walang buhay na katawan ni Sir Agandro.

Lahat iyon, sariwa pa.

Kahit kanino, kinukuwento niya ang mga iyon.

Sa mga kasamahan niya rito.

Sa mga trabahador.

Sa mga bisita.

Kahit kanino.

Ngunit walang naniniwala sa kanya.

Nakikinig lamang sila sa kuwento ng isang may sakit sa utak na si Astria.

Iniisip na maaaring gawa-gawa niya lamang ang lahat.

Iniisip na hindi iyon maaaring maging totoo dahil napakaimposible na mangyari.

'Paanong ang dalawang tao sa magkaibang panahon ay magkakausap?' ang nasa isip nila palagi.

Walang naniniwala.

Pero para kay Astria, totoo ang lahat.

Para kay Astria, totoo si Stygian.

Totoo si Aegan.

Totoo.

Para sa iyo, totoo ba sila?

Hindi natin alam kung ano ang totoo.

Kung tunay nga bang nangyari ang lahat ng iyon o...

O guni-guni lamang ni Astria ang lahat.

END

𝙎𝙏𝙔𝙂𝙄𝘼𝙉
𝒈𝒓𝒓𝒓𝒐𝒅𝒏𝒊𝒄𝒌

STYGIAN | completedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon