49. BROKEN HEART

336 24 1
                                    

"N-Nasaan si Atong?" pigil hiningang tanong ni Penelope kay Riu. Kalalabas lang niya galing silid. Mabigat pa ang ulo niya dahil hindi siya nakatulog. Iniisip din niya ang mga nangyari sa kanila at nauuwi iyon sa pagiyak niya.

Dahil aaminin niyang mabigat din iyon sa kalooban niya. Pero alam din naman niya na kahit mahal nila ni Atong ang isa't isa, hindi pa rin mabubura noon ang mga nangyari. Marami na ring nagbago sa kanila lalo na rito. At alam niyang panahon ang kailangan nilang pareho para makausad sa mga nangyari.

Huminga ng malalim si Riu bago nagsalita. "Bumalik na siya sa Japan kaninang madaling araw. Mahigpit ang bilin niyang ihatid ka sa inyo." malamig nitong sagot.

Napatango siya at namasa ang mga mata. Huminga din siya ng malalim para pagaangin ang dibdib na namimigat. Hayun. Tapos na talaga sila ni Atong. Umalis na ito. Iniwanan na siya at ang sakit-sakit ng kalooban niya...

"O-Okay. M-Mageempake rin ako," anas niya saka tumalima. Pigil na pigil niya ang damdamin habang nageempake hanggang sa naiyak na lang siya.

Ilang minuto niyang kinalma ang sarili bago tuluyang matapos ang pageempake. Nang matapos ay tinulungan siya ni Riu. Pagsakay niya sa SUV ay nagpahatid siya sa Baguio kung nasaan ang pamilya niya. Gusto niyang makasama ang mga iyon bago siya magsimula sa buhay niya. Hindi naman na siya makakabalik sa Quezon dahil AWOL na siya.

Muli, nakaramdam siya ng hapdi sa puso. God, she was thinking of moving on. Parang hindi na niya kaya iyon. Napahinga siya ng malalim at sa huli, kinumbinsi niya ang sariling patigasin ang dibdib. Kailangang kayanin niya iyon para makalimot.

"Thank you," anas niya makalipas ang maraming oras ng biyahe nila. Natigilan siya ng pigilan ni Riu bago siya bumaba.

"My boss... he's a good man. Anuman ang mga nagawa niya at naging pagbabago niya, sana ay dumating ang araw na maintindihan mo siya. Alam kong wala akong karapatang magsalita. Isa lang akong taong dapat lang na nanonood sa lahat pero gagawin ko ito para na rin sa kanya. Nakita ko kung papaano siya nagmahal, sumaya, nahirapan, nasaktan, nagalit, nagbago at nasaktan ulit. Nakita ko lahat ng iyong bumago sa kanya. Sana, kahit hindi mo nakita ang ilan doon, maintindihan mo pa rin siya. Sana, makausad kayo at dumating pa rin ang araw na magtagpo kayo," komento nito.

Malungkot siyang ngumiti. Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam niya na si Riu ang nakakasama ni Atong. Alam niya na hindi masamang tao ito at nanatili ito sa tabi ni Atong sa kahit anumang pagdaanan.

"Thank you, Riu. You're a good man too. At alam kong alam mo na panahon ang kailangan namin ni Atong para dito," aniya.

Napatango na ito. Ganoon din siya. Huminga muna siya ng malalim bago tuluyang nagpaalam. Tinulungan siya nitong ibaba ang mga gamit hanggang sa tuluyan na rin siya nitong iniwanan.

Habang tanaw ang SUV na papalayo ay nangilid ang luha niya at napabuntong hininga na lang siya. Hungkag na hungkag pa rin ang pakiramdam niya. Umaasa na lang siya na darating ang araw na lilipas iyon. Sana lang ay mangyari agad dahil hindi iyon maganda sa pakiramdam...

Muli, napabuntong hininga na lang siya.

HADES LAIR TRILOGY BOOK 3: THE FALL OF NAGATO (SOON TO PUBLISHED UNDER PHR)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon