40. PAY BACK TIME

488 30 7
                                    

“MISS GENGANIA, kailangan mong sumama sa akin,” anang hindi kilalang lalaki kay Penelope. Natigilan siya sa paglalakad at napahawak sa shoulder bag na nakasabit sa balikat niya. Pauwi na siya sa boarding house mula sa duty sa ospital. Dalawang linggo pa lang siyang nagta-trabaho doon at awa ng diyos ay naging tahimik ang buhay niya.

Ang buong akala niya ay hindi na siya matutunton ng kahit na sinong grupo pero mukhang nagkamali siya. Kinabahan siya sa lalaki. Nakaitim na suit ito. Poker face. Sa pagkakatanda niya, ganitong klaseng tao ang tauhan ni Ike Yagami.

Bigla siyang kinabahan. Nangatog siya sa takot at naging malikot ang mga mata. Lihim niyang inobserbahan ang paligid. Walang siyang nakitang ibang tao. May mga nakaparadang sasakyan sa labas ng Zachary Medical Hospital pero hindi niya alam kung may tao sa loob noon.

Sa loob ng pitong buwan ay wala siyang ibang ginawa kundi ang itago ang pamilya. Hiyang-hiya at awang-awa siya sa sinapit nila. Nagkaroon ng nervous breakdown ang nanay niya sa sobrang takot. Ipinadoktor pa niya ito sa psychiatrist. Ang ama at kapatid din niya ay matagal ding naratay sa ospital. Inabot sila ng tatlong buwan. Pinakamalala ang sinapit ni Peter dahil naoperahan ang tuhod nito. Sa ngayon ay hirap itong maglakad at sumasailalim pa sa isang therapy.

At nangako siya sa pamilya na hinding-hindi na mauulit ang lahat. Nalulungkot man siya sa sinapit nila ni Atong, sa huli ay iniisip na lang niya na hindi talaga sila para sa isa’t isa. Hindi niya kayang isugal ang buhay ng pamilya niya at ang  buhay ni Atong. Hindi niya isusugal iyon para lang sumaya siya.

Hanggang ngayon, may hatid pa rin takot sa kanya ang lahat. Kahit gumaling na ang nanay at tatay niya, ayaw pa rin niyang palabasin ng bahay ang mga ito.Hindi baleng siya na lang ang lumabas at magtrabaho. Kailangan niya iyon dahil madedemanda siya kapag hindi niya iyon ginawa.

Dahil sa nangyari at biglaang pagsasara ng Pen’s Marketing ay nabaon siya sa utang. Ang mga in-issue niya na postdated cheques sa mga suppliers ay kailangan niyang pondohan. Madedemanda siya kapag nagsitalbugan ang mga iyon. Nasimot din kasi ang mga account niya dahil sa pagkakaospital ni Peter. Patong-patong ang kamalasan niya. Ang mga items na naiwan kay Charity ay hindi rin nito basta-basta maibenta. Maging ito ay takot ding lumabas dahil sa mga lalaking nanloob noon dito. Kahit papaano ay nagpapasalamat siya dahil hindi ito sinaktan. Talagang ang purpose lang ay takutin siya. At epektibo iyon dahil totoong takot siya at alam niyang isang pagkakamali lang ay uulitin na naman ni Ike ang lahat.

“S-Sino ka? Anong kailangan mo?” kinakabahang tanong niya dahil sa mga naalala. Tauhan kaya ito ni Ike? Kung tauhan ito ng matanda, bakit gusto siya nitong makausap? Ginawa na niya ang gusto nito. Hindi pa ba ito kuntento?

“Mayroong lang gustong kumausap sa’yo. Tara na,” anito saka siya hinawakan sa braso. At dahil may trauma pa rin siya sa nangyari, agad siyang pumiksi at tumakbo. Lalo siyang natakot ng sumigaw ito sa inis.

Hinabol siya nito hanggang sa naabutan. Napasigaw siya sa takot at nanlaki ang mga mata niya ng takpan nito ang bibig niya para hindi siya makapageskandalo.

“Let her go.”

Napasinghap siya ng marinig si Riu. Agad siyang napalingon dito at nanlaki ang mga mata niya ng makita itong naglalakad palapit sa kanila. Kagaya noon, malamig pa rin ang awra nito. Dahan-dahan naman siyang pinakawalan ng lalaki at ipinasa siya kay Riu.

“Nasa SUV si Mr. Nagato Yagami. Gusto kang makausap.” malamig nitong imporma. Lalong kumabog ang dibdib niya. Nandoon lang si Atong! Ah, lalo siyang kinabahan!

HADES LAIR TRILOGY BOOK 3: THE FALL OF NAGATO (SOON TO PUBLISHED UNDER PHR)Where stories live. Discover now