1. THE HEIR

1.4K 45 2
                                    

HINDI PA rin makapaniwala si Nagato Yagami o Atong habang nakatitig sa kabaong ni Bonsai, ang asawa ni Ira—kaibigan at co-owner niya sa Hades’ Lair. Naaksidente ang mga ito apat na araw ng nakararaan. Matapos ikasal si Gerald—ang isa pa nilang kaibigan at co-owner din ng Hades’ Lair—ay binangga ang sasakyan ng mga ito habang paalis sa parking lot ng hotel kung saan idinaos ang reception ng kasal.

Na-comatose ang kaibigan niya samantang DOA si Bonsai. Ang anim na buwan pa lang na anak ng mga ito ay himalang maituturing na nakaligtas dahil sa airbag at sa pagprotekta ni Bonsai. Sa ngayon, nakaburol na ang babae sa chapel habang si Ira naman ay nasa ospital pa rin.

Pinagtulong-tulungan nila ni Gerald at ng pamilya nina Ira at Bonsai ang burol ng babae. Hindi na muna tumuloy ang mga ito para sa honeymoon dahil sa nangyari. Natawagan na rin nila ang lahat ng taong nakakilala kay Bonsai para sabihan. Sa ngayon, dumating na ang ilan maliban kay…

“B-Bonsai… Oh, my God…”

Biglang tumigas ang likuran ni Atong nang marinig ang boses ng babaeng matagal ng laman ng isip. Pinigilan niya ang sariling lingunin ito. Tono pa lang, alam na niyang nanginginig at naiiyak na. Ayaw na ayaw niya itong makitang ganoon. Masakit iyon sa kalooban niya.

Lumapit ito at tumayo sa kanan niya. Nakikita niya sa peripheral vision na tumingin ito sa kabaong. Nagtiim ang bagang niya ng marinig ang impit na hikbing nauwi sa malakas na iyak. Doon na niya ito hindi kinayang tiisin. Napahinga siya ng malalim at napatingin dito. Agad kumabog ang dibdib niya ng makita ang babaeng lihim na minahal: si Penelope Gengania.

Kahit luhaan at bakas ang matinding pagdadalamahati, hindi pa rin maitatagong gumanda itong lalo sa pagdaan ng panahon. Tuluyan nang nawala ang kinse anyos na babaeng naghahabol sa kanya.

Ang dating hanggang balikat nitong alon-alon na buhok at itim na itim na madalas nilalagyan ng magkabilang clip ay abot hanggang gitnang likuran na. Nakalugay iyon. Ahit na ang kilay na dating may kakapalan. Tumangos pa ang ilong, lalong pumula ang labi at naging prominente ang hugis pusong mukha.

Iba na rin ang paraan ng pananamit nito. Dati, mahilig itong magsuot ng long sleeves polo at maong na pantalon. Ngayon, nakasuot na ito ng sleeveless na itim at shorts na hanggang gitnang hita. Litaw ang magandang hubog at makikinis na hita at binti.

Taob ang mga litratong ipinapadala sa kanya ni Dai—ang half-Canadian, half-Japanese na taong inupahan niya para magmatyag kay Penelope. Para siyang tanga na matapos basted-in si Penelope, hindi pa rin siya tumitigil alamin ang kalagayan nito.

Kaya alam niya na maraming nagkakagusto at nanliligaw dito sa Canada. Hindi niya masisisi ang mga iyon dahil good catch ito. Maganda, may pinag-aralan, mabait at hindi judgemental. Kaya nga nahulog ang loob niya rito. Kahit alam nito ang tungkol sa kanyang ama ay balewala lang dito.

Pero dahil sa background na iyon, napilitan siyang talikuran ito. Bilang nagiisang anak ni Ike Yagami—ang leader ng kilalang yakuza sa Japan—ay delikado ang kanyang buhay. Maraming nagkaka-interes na pamunuan ang grupo nila at marami rin gustong pabagsakin iyon.

Theirs was a high-level yakuza clan. Front nila ang Yagami Auditing Firm—ang kompanyang pagaari nila. Ang istilo ng ama niya ay magtatanim ito ng corporate spy para magkaroon sila ng access sa isang kumpanya. Kapag alam na nila ang ilang information doon ay maghahanap ito o gagawa ng butas na puwede gamiting pang-blackmail sa isa sa mga board of directors.

Kung hindi iyon uubra ay gagamit ito ng dahas hanggang sa mailipat ang ilang shares dito. Kapag nagtagumpay ito ay ipapapatay na nito ang taong iyon para hindi na makapagsumbong. Doon na magsisimula ang lahat. Unti-unti na nitong papasukin hanggang sa ito ang maging major shareholder. Laging ganoon ang estratehiya ng ama niya kaya dumami ang mga kumpanyang napasakamay nito.

Hindi niya masisisi ang ama kung bakit naging ganid ito sa kapangyarihan at kayamanan. Naikuwento ni Hiro Iwao sa kanya—isang distant cousin—na nasaksihan ng ama niya ang kalupitan ng ibang yakuza sa ama nito, sa lolo niya. Bumagsak daw ang dating grupo ng lolo nila dahil nautakan ng ibang grupo, kinamkam ng mga iyon ang mga ari-arian ng mga Yagami hanggang sa walang matira. Hindi pa nakontento ang mga iyon, nilumpo pa ang lolo niya.

HADES LAIR TRILOGY BOOK 3: THE FALL OF NAGATO (SOON TO PUBLISHED UNDER PHR)Où les histoires vivent. Découvrez maintenant