Chapter 10: Oras Na

0 0 0
                                    

Linggo ng umaga.

Halata kay Yaya Miling ang pagkabahala sa pakikipagtawagan sa landline. "Erlinda, nasaan ka na ba?"

"Nandito pa po sa ferry," wika ni Erlinda Sanchez, 30 anyos, ang babaeng binanggit niya kay Mama Rina noon na hahalili sa kaniya.

"Hay naku, ipagdasal mo na sana ay bilisan ng mga marinero ang paglalayag dahil kailangan ko nang magtungo sa Ninoy Aquino International Airport. Flight ko na papuntang France mamayang madaling-araw."

"Bale kalahati na po ang nabiyahe namin, sabi ng seaman."

"Pagtuntong mo sa Cebu City Port, huwag ka nang gumala pa. Sakay ka agad sa tricycle at sabihin mo sa driver na dalhin ka niya sa Golden Meadows Subdivision sa gawing Montelibano Residence. Nag-iisa lang naman ang Montelibano sa executive villa na iyon. Naintindihan mo ba?"

"Opo, auntie. Ano po ba ang eksaktong address ng bahay nila?"

Idinikta ni Yaya Miling ang kumpletong address namin, na isinulat naman ni Yaya Linda sa kapirasong papel. "Ang kasa-kasama ni Mam Rina na nag-aalaga sa kaniya ay si Mang Gaspar na hardinero. Kailangan niya kasi ng runner dahil mataas ang lagnat ni Mam Rina. Siya, tutuloy na ako. Mag-iingat ka."

"Opo. Ingat din po kayo, auntie." Pagkabulsa ng iPhone 5 sa kupas na pantalong maong, naglakad pabalik sa interior deck B si Yaya Linda.

Hindi pa man nakakarating sa papasukan, isang di-kilalang lalake ang, buhat sa ferry kitchen, lumantad sa likuran ng dalagang ina. Parang bugso ng hangin ang bilis ng kanyang pagbitag sa biktimang kanyang tinakpan ng panyong may chloroform sa ilong at bibig. Nang malanghap ng biktima ang kemikal, nawalan siya ng malay. Hindi hinayaan ng lalake na mabagsak si Yaya Linda sa sahig. Dali-dali niyang itinapon sa dagat ang biktima kasama ang mga dalahing damit at gamit.

***** ***** ***** ***** ***** ***** ***** ***** ***** *****

Linggo ng gabi.

Nagdala ng gamot at inumin ang hardinero sa silid-tulugan ni Mama Rina. "Ito na po ang ipinakiusap niyo sa akin, Mam Rina." Kusang inilapag ni Mang Gaspar ang tray na pinaglagyan ng mga yaon sa kanang mesa ng kama.

"Kuya Gaspar," malumanay na wika ng maysakit kong ina. "dumating na ba si Erlinda?"

"Parating pa raw po eh."

"Sabi kasi ni Yaya Miling, mga bandang hapon ay makakarating na siya rito. Kontakin mo nga siya."

"Sinubukan ko pong tawagan, Mam, pero out of coverage area po si Erlinda."

"Ganoon ba? Si Yaya Miling na lang ang tawagan mo."

Kumontak si Mang Gaspar gamit ang extension ng linya sa tabi ng kalalapag na tray. "Hello? Si Gaspar ito."

May nakatugon naman sa kabilang linya.

Inabangan niya ang pag-inom ng gamot ng amo niya.

Ininom ni Mama Rina ang isang blue caplet. Sinundan ng paglagok ng isang basong tubig.

"Ayos na. Nakainom na....Wala iyong Erlinda eh... Wala pa siya.... Sige lang gyud." Tinapos ang tawagan nilang dalawa.

Sa pagharap ni Edilberto Clemente sa mga kasamahan sa Charles Brigade, kinumpirma niya ang maayos na pagkaka-implement ng kanilang masamang balakin. "Everything is in order, Boss."

"Very good," masayang pabati ng Mastermind. "Very very good."

Kinumusta naman ni Mama Rina ang tawagan nina Mang Gaspar at ng in-expect niyang si Yaya Miling. "Ano ang sabi ni Yaya Miling?"

The Montelibano JournalTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon