Kabanata XI

243 26 5
                                    

kabanata xi

happiness is an unplanned first kiss.


⚜⚜⚜


              Abot-abot ang tahip ng aking puso sa inamin ni Baste. Magkahalong hiya, kaba, saya, at pangamba ang aking naramdaman.

Ilang minuto naman na ang nagdaan nang sabihin niya iyon sa akin. Natulala ako sa ilang unang segundo, pilit na pinoproseso ang kaniyang sinabi. Tinitimbang kung nagsasabi nga ba siya ng totoo. Pero nang makita ko kung gaano kaseryoso ang kaniyang mga mata ay napalunok ako't unti-unting tinambol ang puso.

Sinulyapan ko si Baste na nakaupo sa ilalim ng puno ng mangga. Halos kamuntikan na akong mahulog sa batis nang makitang mataman itong nakatingin sa akin, tila isang agila na pinapanood ang bawat galaw at kilos ko. Nakita ko pa na napabalikwas siya sa pagkakaupo nang makita akong nawalan ng balanse. Namula ang pisngi ko sa hiya at tinalikuran na lamang siya.

Sa kabila ng nakaiilang na katahimikan matapos niyang aminin na nagseselos nga siya ay simamahan niya pa rin akong magpunta sa batis gaya ng ipinangako niya. Wala nga lang nagsalita sa amin habang tinatahak namin ang daan patungo rito, hanggang sa mapagpasyahan niyang maupo na lamang sa ilalim ng puno.

Tahimik lang akong tumango sa kaniya noon. Hindi mawari kung bakit ako ang nakararamdam ng hiya gayong siya naman ang umamin sa nararamdaman.

Mabagal akong lumusong sa rumaragasang tubig ng batis. Nanginig ang aking katawan nang maramdaman ang lamig at ginhawang hatid no'n. Kung hindi sumama sa akin si Baste ay balak ko sanang maligo nang nakahubo. Kaso ay nariyan siya kaya wala akong mapagpipilian kundi ang maligo nang may saplot na naman. Mas masarap siguro kung wala. Mas dama ko ang lamig ng tubig.

Nagdala na rin ako ng esktrang bestida para pamalit. Nakahihiya naman kay Baste kung ang kaniyang malinis na camiso na naman ang gagamitin ko. At . . . hindi ko na yata kakayaning magsuot ng damit ng isang lalaki . . . gayong wala naman kaming anumang romantikong kaugnayan. Ramdam ko ang pag-init ng mukha ko sa kaisipang ako at si Baste ay . . .

Pinilig ko ang ulo at iwinaglit ang makamundong pag-iisip. Ano ka ba, Pristine! Ano ba itong mga iniisip mo? Kababae mong tao at ganito ang iyong iniisip?! Kailan ka pa nagnanasang magkaroon ng kasintahan? Palihim kong sermon sa aking sarili.

Mas inilubog ko na lang ang sarili sa batis. Umaasang sa pag-ahon ko ay wala na ang makamundong pagnanasang nararamdaman kay Baste. Kaya ko namang tumagal ng ilang minuto sa ilalim ng tubig. Hindi talaga ako marunong lumangoy pero wala naman itong pinagkaiba sa pagpipigil ko ng hininga sa tuwing malapit sa akin si Baste.

Hindi ko alam kung ilang segundo o umabot na ba sa minuto akong nakalubog sa batis. Nakarinig na lang ako ng pagtilamsik ng tubig na tila may mabigat na bagay na lumusong. Napadilat ako ng mata nang maramdaman ang pag-angat ko, tila may humihila sa akin paitaas.

Nanlaki ang aking mga mata nang makita ang mukha ni Baste sa aking tapat. Nakapalobo ang bibig nito at may iilang bula ang kumakawala. Dala ng pagkabigla ay naibuka ko ang aking bibig dahilan para pumasok ang tubig doon. Naubusan ako ng hangin at unti-unting naluhod.

Ramdam ko ang pagkataranta ni Baste sa paaran ng paghawak niya sa akin at nang makita ang hirap ko sa paghinga ay buong lakas niya akong inahon sa tubig at hiniga sa lupa.

Nanlalabo ang mga mata ko nang maialis niya ako sa batis. Para akong isdang naghihingalo sa paraan ko ng pagsinghap at pag-ubo. Desperadang makahinga. Kahit na nanlalabo pa rin ang paningin dala ng namumuong pinaghalong luha at tubig ng batis na naaninag ko si Baste na hindi marawi kung ano ang gagawin.

Heart of Thirst | HEC #1Where stories live. Discover now