Simula

1.7K 94 94
                                    

simula

we were meant to be. supposed to be. but we lost it.


⚜⚜⚜


              Ang buhay ay parang gulong. Minsan nasa itaas, minsan nasa ibaba. Kadalasan, kapag narating na nila ang itaas, hindi na nila nanaisin pang bumaba. Sino nga ba ang gustong makaranas pa ulit ng kabiguan?

Pero ang hindi nila alam, para makaabante sila at malayo ang kanilang marating, mararanasan talaga nilang mapunta sa ilalim ng hindi lang isa . . . kungdi maraming beses.

At kapag ikaw ay nasa tuktok na, huwag na huwag kang lumimot sa pinanggalingan mo. Kapag nasa ibaba ka naman, kunin mo ang lahat ng pwede mong matutunan at gamitin mo iyon para marating mo ang tuktok.

Hinding hindi ko malilimutan ang itinurong iyon sa akin ni Ina noong siya ay nabubuhay pa.

"Ate Alondra!"

Dahan-dahan kong ibinaba ang bitbit kong tiklis ng ubas nang marinig ang maliit na boses na iyon. Marahan kong pinunasan ang aking pawis sa noo, saka pinahid ang kamay sa dati nang maruming damit. Nakangiti kong sinalubong ang batang si Vito na mabilis namang humagkan sa aking baywang.

"Kumusta ang pag-aaral, Vito?" untag ko sa bata habang hinahaplos ang kaniyang maalon at malambot na buhok.

Tumunghay ito sa akin. "Ayos lang naman po Ate, kaso naiinis ako sa kaklase ko! Palagi niya po akong inaasar na bakla, e lalaking-lalaki naman ako!" nakangusong sumbong nito.

Natatawa akong lumuhod sa tapat niya upang pantayan siya. Kumpara sa ibang pitong taong gulang na batang nakita ko, may kaliitan siya. Pero hindi naman iyon malaking bagay dahil alam kong lalaki pa si Vito sa mga susunod na taon.

Nanggigigil kong kinurot ang matatabang pisngi nito. Napaka-cute kasi na bata! Bumagay ang kaniyang mapupungay na mga mata sa katabaan ng pisngi niya. Nagreklamo naman siya sa sakit at pilit na kinakalas ang kamay ko sa kaniyang mukha. Mahina akong napatawa.

Sigurado akong magiging habulin ito ng mga babae paglaki.

"Hindi mo naman siya sinuntok, hindi ba?"

"Paano ko siya masusuntok Ate? E, babae iyon."

"Mabuti naman, at kahit na lalaki iyong mang-alaska sa 'yo, hindi mo dapat gagantihan, ha?"

Nakabusangot itong tumango. Mukhang napipilitan lang sumang-ayon sa akin. Nginitian ko lamang siya at saka ginulo ang buhok.

"Alondra! Vito!"

Napalingon ako sa aking likod nang tawagin kami ng isang boses. Doon, nakita ko ang isang matandang babae. May kaliitan at sunog ang kaniyang balat gawa ng matagal na pagtatrabaho sa ilalim ng sikat ng araw. Kumaway ako sa matanda habang papalapit ito sa amin.

"Inay!" mabilis pa sa alas cuatro na tumakbo papunta sa kaniyang ina si Vito at kagaya kanina ay hinagkan niya rin ang baywang ni Nanay Celia at saka kami parehas na nagmano kay Nanay.

"Ibigay mo na iyang tiklis kay Rodolfo, Alondra at mag-ayos ka ng iyong sarili," bilin niya sa akin. Binalingan niya naman ang maliit na si Vito. "At ikaw namang bata ka, umuwi ka na't nagpalit ng damit!" Ngumuso ng pagkahaba-haba si Vito. Tahimik akong nanggigil sa ka-cute-tan nito.

Nilingon ko naman si Nanay Celia nang may pagtataka. "Bakit naman po 'Nay Celia? Ano pong mayro'n at kailangang mag-ayos?"

"Darating na raw kasi ang Asendero at nais niya raw makilala ang kaniyang mga trabahador ayon sa mayordoma."

Heart of Thirst | HEC #1Onde histórias criam vida. Descubra agora