Kabanata III

432 55 32
                                    

kabanata iii

your eyes and smile make me shy.


⚜⚜⚜


              Tagaktak ang pawis ko habang matiyagang naghihintay sa mahabang pila. Nangangawit na ang aking mga binti sa tagal kong nakatayo ngunit kinimkim ko na lamang sa sarili ang reklamo.

Nagsisisi tuloy akong hindi ako nakapagdala ng pamaypay, hindi ko naman kasi sukat akalain na napakainit pala sa silid na ito. Tanging tatatlong bentilador lamang ang nagpapanatili ng sirkulasyon ng hangin sa silid. Ni kahit panyo ay nakalimutan kong dalhin dahil sa kasabikang makita ang papasuking Colegio.

Napadako ang tingin ko sa labas, tanaw ko mula sa aking kinatatayuan sila Baste at Marikit. Nakangiti silang dalawa sa isa't isa at tila masaya sa pinag-uusapan. Nakasimangot akong tumitig sa kanila. Mukhang hindi naiinip si Baste sa panghihintay sa akin dahil masaya siya habang kausap si Marikit, hindi gaya ko na bagot na nga ay naiinitan pa.

Pinagmasdan ko si Baste. Napakakisig nito sa suot na medyo naninilaw na kamisa. May pagkahapit ito sa kaniya kaya hindi maiwasang bumakat ng kaniyang matipunong kalamnan sa dibdib at braso. Naglakbay ang paningin ko paibaba. Nakasuot siya ng isang luma at nangungupas na maong at itim na bota.

Bahagya akong napatalon sa gulat nang mapagawi sa akin ang tingin ni Baste, mabilis pa sa takbo ng manok akong napaiwas sa kanila ng tingin. Pinunasan ko na lang ang pawis sa aking noo gamit ang sariling kamay at saka umabante nang gumalaw ang pila.

Hindi na ako muling lumingon sa kanila, natatakot na muli akong mahuli ni Baste. Kinakabahan ako sa tuwing napapatingin siya sa akin, biglang umuurong ang dila ko kapag tinititigan ako ng malakape niyang mga mata.

Pero si Baste lang naman siya. Isang trabahador namin. Magsasaka. Kaya bakit naman ako matatakot sa kaniya? Hindi ba dapat . . . siya ang matakot sa akin dahil ako ang amo niya?

Pinagkibit-balikat ko ang naisip.

Kahit na malayo ang agwat ng aming antas sa pamumuhay, hindi ko maipagkakaila na mayroong kakaiba sa kaniya na nagpapahiwatig na hindi lang siya basta-bastang maralita. Tila ba para sa akin ay nababalot ng misteryo at hiwaga ang pagkatao ni Baste.

"Binibini, baka gusto ni'yo pong umabante?"

Napapitlag ako sa boses na bumulong mula sa aking kaliwang tainga. Napahawak ako roon saka tumingin nang may nanlalaking mata sa lapastangang bumulong sa tainga ko nang ganoon kalapit. Sino ba ito para gawin iyon sa akin? Sa sobrang lapit ng labi niya halos dumampi na sa tainga ko ang mga iyon!

"Pasensya na, Binibini. Nagulat yata kita."

Nakangiti sa akin ang isang dayuhang lalaki. Nakasisiguro akong hindi siya purong Pilipino dahil sa kulay ng balat nitong tila gatas at sa matang kakulay ng napakalawak na karagatan. Kulay lupa naman ang buhok nitong may pagkakulot at kakaiba ang tangos ng ilong nito. Pero kahit na gano'n, mas tuwid siyang nakapagsalita ng Filipino kaysa sa akin!

Nanatili akong gulat sa harap niya't nakahawak sa aking kaliwang tainga.

Ngumuso ito na siyang pinagtaka ko. "Baka gusto mo nang umabante, magandang Binibini," ngumiti ito.

Napaayos ako ng tayo at namumulang tumalikod sa kaniya para umabante. Sa gulat at mangha sa estrangherong iyon ay nakalimutan ko siyang pagsabihan sa walang pakundangan niyang pagbulong nang napakalapit sa aking tainga!

Heart of Thirst | HEC #1Donde viven las historias. Descúbrelo ahora