Kabanata VIII

308 35 10
                                    

kabanata viii

i sorta, kinda, maybe, might, slightly, possibly like you.


⚜⚜⚜


              Tahimik naming binabagtas ni Manong Simon ang daan patungo sa Colegio. Bahagyang nililipad ng hangin ang mga takas sa aking nakatirintas na buhok. Si Manang Felicidad ang gumawa noon, aniya pa'y nangungulila siya sa anak na babaeng nasa kanilang probinsya kaya ganoon na lang ang tuwa niya nang magpatali ako. Mahilig kasi sa tirintas ang kaniyang anak.

Malalim akong napahugot at napabuga nang hininga. Hindi ko na nga alam kung pang-ilan ko na iyon para sa araw na ito. Masuwerte akong nakatalikod sa akin ni Manong kung kaya't hindi niya nakikita ang kanina ko pang pagbubuntong-hininga. Ako lamang ang mag-isa sa loob ng karwahe. Kung nasaan si Baste ay hindi ko alam. Ang sabi lamang sa akin ni Manong Simon ay nauna na ang kaniyang anak na pumasok. Hindi ko naman hiningi ang impormasyon na iyon, kusa niya lang sinabi.

Wala naman kasi akong pakialam.

Ngunit hindi ko pa rin maiwasang makaramdam ng pagkainis. Mukhang siya pa ang umiiwas dahil ilang araw ko na siyang hindi nakikita simula noong dinalhan siya ng pagkain ni Marikit. Siguro magkasama sila ngayon at masarap na kumain ng Tinola sa kung saan!

Hindi ko rin naman siya sinubukang hanapin pa matapos ang araw na iyon. Nilimitahan ko pa nga ang sarili na manatili at sumilip sa durungawan ng aking silid. Inabala ko na lang ang sarili sa pananahi at pagtugtog ng alpa imbis na lumabas ng Casa.

Huminto kami sa tarangkahan ng Colegio. Mabilis na bumaba si Manong upang ako'y alalayan. Inabot ko ang kaniyang nangungulubot na kamay at saka nagpasalamat. Bahagyang yumuko lamang ang matanda sa akin.

"Maauna na po ako, Binibini . . ." paalam niya. Tumango ako't pumasok na sa escuelahan.

Nasa bulwagan pa lamang ako nang biglang sumulpot sa kung saan si Thomas. Maaliwalas ang ngiti nito't pati ang postura. Ang kumikintab na buhok na kulay kape ay maayos na nakasuklay pakanan. Iyong tipo na hindi ito basta-bastang magugulo ng hangin. Kasingkintab naman ng karagatang nasinagan ng araw ang kaniyang mga mata.

"Magandang umaga para sa isang magandang Binibini."

Bahagya akong napaatras sa gulat nang may inilabas ito mula sa kaniyang likuran. Isang pulang rosas. Namula ang pisngi ko sa hiya at pasimpleng sinulyapan ang paligid. Karamihan ay napapalingon sa amin lalo na sa rosas na hawak ni Thomas. Upang matapos na ang kahihiyang kaniyang sinimulan ay napipilitan ko iyong tinanggap.

"S-Salamat, Thomas . . . nag-abala ka pa," sana'y hindi na.

Muli itong ngumiti sa akin ngunit ngayon ay nakalabas na ang mapuputi nitong ngipin.

"Anything for you, Tine."

Marahas akong napasinghap nang marinig kong muli ang palayaw na ibinigay niya sa akin. Santisima, Pristine! Akala ko ba'y may nanaisin mo pang marinig ang Tine sa Tinay?

Hilaw na ngiti lamang ang iginawad ko kay Thomas. "Kung ayos lang sa 'yo Thomas ay mauna na ako? Ilang minuto na lamang ay magsisimula na ang aking unang klase," pagpapaalam ko.

Mabilis namang tumango si Thomas at gumilid pa't iminuwestro ang daanan. "Walang problema, Tine. Kung ayos lang din sa 'yo na ihatid kita sa iyong silid?"

Umiling kaagad ako. "Nako 'wag na at ayoko namang maabala ka pa."

"Huwag kang mag-alala, Tine. Ayos lamang sa akin na mahuli nang kaunti sa aking klase. Kaya hindi mo na talaga kailangan pang mag-alala sa akin."

Heart of Thirst | HEC #1Where stories live. Discover now