Alamat ng Repleksiyon

222 4 0
                                    


{ Sa Kabilang Sansinukob }

{{ The Musician's Wrath }}

Fantasy – (Filipino) [ July 4, 2019 ]

Sa isang bahay-ampunan sa maliit na bayan sa lalawigan ng Aurora, naninirahan ang kambal na sina Josefa at Leonor. Kinagigiliwan ang dalawa ng mga tao roon dahil sa sila'y magkamukhang-magkamukha. Ang tanging kaibahan lamang kambal ay ang kanilang pag-uugali. Mainggitin, madamot, at matigas ang ulo ng nakatatandang si Leonor. Si Josefa naman ay mabait, mapagbigay, at masayahin, kung kaya't madalas silang nasisilayang hindi magkasundo.

Laging nagpapalipas ng araw si Leonora sa tabing-ilog habang si Josefa naman sa ilalim ng puno. At kung malungkot naman ang panahon at nais nilang lumabas, bigla na lang silang may maririnig na napakandang musika at mapapawi ang mga kulog at ulan. Ang bagay na kanila pang ipinagtataka buong buhay nila.

Sa ilalim ng mainit na tanghali, may nagpuntang isang matandang babaeng uugod ugod sa bahay-ampunan. Nais nitong kupkupin ang kambal.

"Tara na Leonor. Ito na ang ating pagkakataon!" ani Josefa.

Tumalikod si Leonor at nagwikang, "Siyempre naman hindi ako bobong gaya mo na sasama sa isang kadiring matandang iyan."

"Nalulungkot lamang ako sa bahay. Nais ko ng kasama. Kung ayaw ninyo naman ay hahanap na ako ng iba," mahinahong sabi ng matanda.

Sumama pa rin si Josefa at balak na ngang iwanan si Leonor. Nagbago rin ang isip ni Leonor kinalaunan dahil ayaw niyang maiwan kasama ang ibang mga taong ayaw sa kaniya.

Kinupkop ng matanda ang kambal at dinala sa kaniyang bahay sa tabi ng bulubunduking Sierra Madre.

Nanirahan sila nang masaya, liban na lang kay Leonor. Lagi niyang kinagagalitan ang matanda at inuutusan ito sa mga gawaing bahay.

Isang araw, lubhang nagkasakit ang matanda at inutusang bumili si Leonor ng gamot habang si Josefa naman ang nag-alaga sa matanda.

Nagalit si Leonor at itinapon na lamang sa sahig ang binigay na pera ng matanda. Nagdabog ito at nagsabing malayo raw ang bayan.

Hindi na kinaya ng matanda ang ugali ni Leonor. Kinuha nito ang kaniyang lumang baston at nagpalit ng anyo. Laking gulat ng kambal! Ang dating matandang nag-aamoy lupa na ay naging isang napakagandang binibini.

Itinuro nito ang kaniyang bastong kahoy na ngayo'y isang nang magarbong plawta. Pinatugtog ng dalaga ang plawta at sa isang sandali, naglaho si Leonor sa mismong harap ni Josefa.

Lubhang nalungkot si Josefa mula noon dahil siya'y nag-iisa na lamang dahil namatay na rin ang matanda kinalaunan.

Nagpunta siya sa tabing-ilog at gulat na gulat sa kaniyang nakita.

Si Leonor, na nakatingin kay Josefa pabalik, ay nasa tubig, ngunit hindi mukhang nalulunod.

Sa gulat ay hinawakan ni Josefa ang ibabaw ng tubig at gumaya naman si Leonor, na lalong ikinagulat ni Josefa.

At sa bawat pagtingin ni Josefa sa tubig, kahit sa salamin, ay may babaeng nakatingin din sa kaniya pabalik. Laging ginagaya ang bawat kilos niya.

"Siguro pinawi ng matanda si Leonor sa isang hindi kilalang sansinukob, na kailanma'y hindi ko mapupuntahan. Siguro ginagaya niya ang bawat kilos ko upang harangan ako sa pagpasok doon sa kakaibang mundong yaon." sabi ni Josefa.

Alam niyang may babaeng laging sumusunod sa kaniya na nais makawala sa mundong hindi kilala.


[homework in Filipino - gumawa ng sariling alamat]

__________________________________

Ang susunod na istorya ay tungkol sa isang ibon.

The next tale will be about a little bird.

tales inside my headWhere stories live. Discover now