KABANATA 18: Ang Pasya ng Isang Ina

398 30 0
                                    


GAYA NG dati, masaya pa ring nagluto si Liliw. Tinulungan siya ng mga ibon sa paghiwa at paglahok ng mga sangkap. Nilanghap niya ang amoy mula sa nilutong ulam para sa kanilang mag-iina.

"Tiyak, magugustuhan na namang ng mga anak ko ito," nakangiting sabi ni Liliw pagkatapos ay tinikman ang niluluto.

Muling humuni ang mga ibon, lumipad-lipad sa buong kusina.

"Maraming salamat, loro," sabi ng Liliw sa loro na lumilpad-lipad sa kanyang harap.

"Walang ano man. Paalam, Mahal na Diyosa," sabi ng loro.

Tipid siyang ngumiti. "Paalam." Tumingala, tinapunan ang iba pang mga ibon. "Paalam, mga kaibigan."

Isang matamis na paghuni ang pinakawalan ng mga ibon.

Lumipad sa may bintana ang loro palabas ng bahay. Sumunod sa kanya ang mga ibon habang patuloy pa ring humuhuni.

At gaya ng dati, maligaya silang mag-iinang kumain. Nagkuwentuhan ng masasayang mga bagay.

"Umuwi kayo ng maaga a," sabi ni Liliw nang ihatid niya ang kanyang mga anak hanggang sa bakod ng bahay.

"Oo, Inay," halos sabay na sabi nina Moymoy at Alangkaw kanilang ina. Pagkatapos ay naglakad na ang magkapatid sa direksiyong kinaroronan ng kanilang eskuwelahan.

Hindi umalis si Liliw hanggang hindi nawala sa kanyang paningin ang mga anak habang papalayo ang mga ito.

Pagpasok ni Liliw sa bahay, nagwalis siya sa buong bahay at pagkatapos ay nagtupi ng mga damit. Lumabas siya ng bahay at pinuntahan ang halamanan. Natuwa siya dahil muli pang namulaklak ang mga halaman at ang gulay naman ay hitik sa bunga. Dinilig niya ang mga ito at kinausap.

"Magandang araw sa inyo... Magandang araw. Sana hindi malalanta ang mga bulaklak ninyo," sabi niya sa halamanang kanyang inaalagaan. Pagkatapos ay bumaling siya sa mga gulayan. Sa kanyang basket, inilagay niya roon ang mga bunga ng gulay na puwede niyang iluto. "Patuloy sana kayong magbubunga."

Bago pa pumasok si Liliw ng bahay ay kanyang nilapitan ang puno ng tagapag-alala. Pinagmasdan niya iyon saglit, napaisip at mapait na ngumti.

Nang pumasok siya sa kabahayan, napatingin siya sa kalayuan—sa Bundok ng Ugoy, nakita niya ang kakaibang liwanag ng araw. Waring isang dambuhalang ginto ang araw na nagliliwanag, na nagsisimulang magtago sa likod ng bundok.

Papalubog na ang araw, naisip ni Liliw. Malapit na!

Mula nang tumira si Liliw kasama ang mga anak niyang sina Moymoy at Alangkaw lalo pa niyang binigyan ng halaga at lalo pang hinangaan ang kalikasan. Noong mga panahon na nasa Gabun siya at isang Apo na nangangalaga sa kalikasan, hindi niya napapansin kung gaano ito kaganda—ngayon lang niya ito napagtuunan ng pansin. Napakaganda pala!

Naisip niyang, naging abala kasi siya kung papaano poprotektahan ang kagubatan na pinangangasiwaan niya. Napakagaganda ng ng kalikasan kung tuluyan itong masisira. Hindi dapat.

Inilapag ni Liliw ang pagkain. Alam niyang hindi pa tuluyang lulubog ang araw ay darating na ang dalawa niyang anak—sina Moymoy at Alangkaw. At tama siya.

"Inay!" halos sabay sabi nina Moymoy at Alangkaw.

Sumalubong sa kanila si Liliw at niyakap ang mga anak. "Kain na kayo." Masaya niyang tiningnan ang mga anak.

Gaya ng dati maligaya silang nagkuwentuhan habang kumakain. Hindi nila namamalayan na patuloy nang lumubog ang araw.

"Punta tayo sa labas at doon natin ituloy ang pagkukuwentuhan," pag-aaya ni Alangkaw kina Liliw at Moymoy.

MOYMOY LULUMBOY: BOOK 5: ANG LIHIM NG LIBRO; ANG LIHIM NG KUWENTO (COMPLETED)Where stories live. Discover now