KABANATA 22: Ang Pagpawi

399 28 3
                                    


NAKASILIP ang araw sa bulubunduking bahagi ng Gabun. Hindi pangkaraniwan ang gabing iyon dahil ang liwanag ng araw ay nag-iiba-iba ang kulay. Naging dilaw, pula, bughaw, luntian, at kung ano-ano pa. Pagkatapos ay parang naglalarong muli ang liwanag, nagpapalit-palit ito ng kulay.

Ipinagtakhan iyon ng mga tibarong nakakakita. Lahat sila ay naglabasan sa kani-kanilang bahay. Lahat sila'y namangha.

Si Moymoy ay nasa isang burol, pinagmamasdan ang napakagandang liwanag. Inilinga ang tingin sa buong komunidad ng Gabun, nakita niyang naglabasan ang mga tibaro, nakatingin sa papalubog na araw.

Natigilan siya nang may maramdamang dumating sa kanyang likuran. Nang bumaling siya, nakita niya si Hasmin na nakangiti. Marahan itong bumaba mula sa paglipad.

"Hasmin?" Nginitian din siya ni Moymoy.

"Moymoy," malumanay na sabi Hamin. Sabay tiklop ng dalawang pakpak niya sa likuran.

Sa hindi maintindihang dahilan, natigilan si Moymoy pagkakitang-pagkakita sa mga ngiti ni Hasmin. Parang may naramdaman siyang haplos sa puso niya habang nakikitang papalapit ang dalaga—lalo pang lumantad ang maamo nitong mukha habang hinihipan ng hangin ang mahabang buhok.

Saglit pang hindi nakapagsalita si Moymoy.

"Moymoy..?"

"Hasmin..."

"Maraming salamat."

Hindi kaagad nakasagot si Moymoy. Sapat na kasing nakikita niya ang dalaga. Bakit ganito, sabi ng isip niya—mayroon siyang hindi maintindihan na nararamdaman habang nakikita ang dalaga. Parang gusto niya lagi itong nakikita—gusto niyang nasa tabi lang niya ito. Noong huli silang magkita, hindi ganito ang pakiramdam niya. Pero ngayon, ilang buwan lang ang nakalipas, parang may naiba kay Hasmin—tumangkad, at—

"Moymoy?"

Bigla siyang natauhan sa pag-iisip. Nanatiling nakangiti si Moymoy. "Ano 'yon, Hasmin?"

"Maraming salamat."

"Salamat?"

"Oo, napakalaki ng isinaksripisyo mo e. Pinag-uusapan ka sa buong Malasimbo, malamang sa buong Gabun na rin."

Napangiting muli si Moymoy—nang mapait.

"Salamat, maraming salamat," pagpapatuloy ni Hasmin sa malamyos niyang boses. "Ipinagpalit mo ang buhay ng iyong ina sa aming mga tibaro—para mapawi ang sumpa."

"Si Inay ang nag-desisyon," tiningnan niyang muli ang dalaga. "Nangako ako... sa mga tibaro."

Nilapitan siya ni Hasmin. Pinakiramdaman ni Moymoy ang sarili. Ang tagal na niyang kilala si Hasmin. Oo at madalas sumagi sa isipan niya ang dalaga kahit na noong nasa Amalao siya kapiling ang nanay at ang kapatid niya, pero iba ngayon. Ibang-iba ang pakiramdam niya lalo ngayong nakikita niya ang dalaga.

"Kailan kaya mapapawi ang sumpa?" tanong ni Hasmin.

"Nasa mga Apo na ang ginto. Ano mang oras ay darating iyon," sabi ni Moymoy.

Napatingin si Hasmin sa buong komunidad ng Gabun. "Maligayang-maligaya nag buong Gabun, Moymoy." Nagulat siya nang pagtingin niya kay Moymoy ay parang namamalik-mata ang binata sa kanya. "Moymoy?"

Lipad tayo... Iyon ang kasalukuyang naisip ni Moymoy.

"Moymoy?"

MOYMOY LULUMBOY: BOOK 5: ANG LIHIM NG LIBRO; ANG LIHIM NG KUWENTO (COMPLETED)Where stories live. Discover now