KABANATA 4:

772 37 0
                                    


TAHIMIK ang gabi. Kahit na kuliglig ay walang naririnig. Kanina pa niya pinipilit na subukang makatulog pero ayaw siyang dalawin ng antok. May kung anong bumabagabag kay Moymoy. Tumayo siya sa pagkakahiga. Tumingin sa bintana. Nakita niya ang mga punong-kahoy na halos hindi gumagalaw. Napakunot-noo siya. Isinuot ang tsinelas.

Marahan siyang naglakad. Hinawi niya ang kortina na nagsisilbing takip sa pintuan ng silid. Pinagmasdan ang paligid. Nakadama siya ng kakaibang lamig. Sa dingding ng kuwarto, kinuha niya roon ang jacket at isinuot. Mabuti na lang at may suot siyang pajama, kundi'y hindi niya kakayanin ang kasalukuyang lamig na nararanasan. Inilinga at inilibot ni Moymoy ang tingin sa paligid. Napakatahimik. Isang katahimikang gusto-gusto niya noon pa man. Katahimikang hinahanap-hanap niya lalo na nang masuong sa kaguluhang ni sa hinagap niya noong mga panahong inaalagaan siya ng ina-inahang si Tracy ay mararanasan niya. Napangiti siya. Tinapunan niya ang kuwarto ni Liliw na kanugnog ng kanyang silid. Tiningnan saglit ang kortinang nililipad-lipad ng hangin. Napangiti siya saglit. Pagkatapos ay tiningnan naman ang kuwartong katabi nito—ang kuwarto ni Alangkaw. Ninamnam niya ang sarap ng katahimikan at kapayapaaan. Huminga ng marahan. Waring nililinis ng presko at sariwang hanging labas-masok sa kanyang katawan ang lahat ng hirap at lungkot na naranasan noon—hindi lang ng sarili, kundi pati ng kanyang ina at kapatid. Ang sarap ng buo ang pamilya. Ang sarap ng may nanay at kapatid. Hindi ko ito ipagpapalit.

Hindi pa nakuntento si Moymoy, marahan siyang lumapit sa kuwarto ni Liliw. Hinawi niya ang kurtina at tuluyang nilapitan ang hinihigaan ng ina. Payapa itong nahihimbing. May ngiti pang nakaguhit sa mga labi ng ina.

Pagkatapos ay nagtungo naman siya sa silid ni Alangkaw. Gaya ng kanilang ina, tahimik itong natutulog nang mahimbing.

Nang makontento na siya sa pagnamnam sa kaligayahang nararamdaman, tumalikod si Moymoy at humakbang papunta sa sala. Nanatili ang katahimikan. Sa pamamagitan ng mahabang kawayan, itinungkod niya iyon sa bintanang yari sa pawid para ito mabuksan. Muli niyang nakita ang sari-saring punongkahoy at mga halaman sa malawak nilang solar.

Hindi niya pinagtakhan ang kanyang nakikita at nararadaman sa kasalukuyan—may preskong hanging nararamdaman pero ni isa sa mga puno at halaman sa labas ay walang gumagalaw. Na hindi kagaya ng ibang mga gabi na sumasabay ang paggalaw ng mga dahon sa hangin. Parang walang dumadaang hangin sa mga ito, pero nakakadama siya ng pagdampi ng hangin sa kanyang mukha. Naisip ni Moymoy, sa mga naranasang misteryo at kababalaghan sa kanila na dulot ng Gabun ay maaaring dala-dala pa nilang mag-iina ang mga iyon sa lugar na kinalalalagyan sa kasalukuyan, kaya kahit na ano pang makita niyang kataka-taka sa lugar nila, ayaw na niyang tanungin pa ang sarili. Basta mapayapa at masaya silang mag-iina, tama na iyon.

Hanggang sa malinga ang tingin niya sa punong nasa harap ng bahay—ang isang bagay na pinakaiiwasan niyang makita.

Umakyat ang paningin ni Moymoy sa puno. Marahan iyon. Sa katawan ng puno, nakita niya ang mga sangang unti-unting nawawalan na ng mga dahon. Nakitang muli sa pinakatuktok nito ang kulay-itim na buko ng bulaklak. Hindi ka dapat mamukadkad...

Isang pamilyar na boses ang nagpahinto kay Moymoy habang tinitingnan ang buko ng bulaklak.

"Kuya?"

"Alangkaw?" baling ni Moymoy sa kanya. "Gising ka pa."

"Pareho tayo ng iniisip. Ang tungkol sa pagbukadkad ng bulaklak na 'yan," sagot ni Alangkaw.

"Oo nga," muling tinapunan ni Moymoy ng tingin ang buko. "Sana'y malanta sana ang bulaklak na 'yan at di na mamukadkad kahit na kailan."

Tumango si Alangkaw at mapait na nginitian ang kapatid. "'Yan din ang hiling ko sana. Ayoko nang bumalik sa Gabun. Dito na ako mamumuhay. Gusto ko na rito kasama kayo ni Inay. Dito na rin ako magpapamilya."

Natawa si Moymoy. "Ang layo na nang binabalak mo. Nagbibinata pa lang naman tayo." Tinapik ang kapatid at tumawa pang muli.

"Doon naman mauuwi 'yon e." Napangiti si Alangkaw.

"Kung sa bagay."

Nagkaroon ng saglit na katahimikan.

Sa marahang paraan, sa katawan ng puno, bumukas ang malalaking mata nito at nagkaroon ng bibig. Mistulang mga buhok ang mga sanga at ang natitirang mga dahon na parang nag-iisang dekorasyon ang malaking buko nito sa tuktok. Nagsimula itong magsalita sa napakalaki at malalim nitong tinig. Ang boses nito ay kagaya ng isang matandang lalaki. "Moymoy... Alangkaw..."

Natigilan sina Moymoy at Alangkaw nang magsalita ang puno.

"Naiintindihan ko kung bakit kayo nalulungkot. Maligaya kayo ngayon sa piling ng nanay ninyo," pagpapatuloy ng puno. "Kung ako sa inyo, pagyaminin ninyo ang natitirang panahon. Namnamin niyo ang masasayang oras kapiling si Diyosang Liliw na inyong ina habang hindi namumukadkad ang aking bulaklak."

"Hindi!" galit na sabi ni Alangkaw. "Kahit na kailan, hindi iyon mangyayari."

Mula sa malawak na solar na kinatatamnan ng maraming puno, isang kulay-puting pigura ang nakita nilang unti-unting nabubuo kasama ng hangin. Papalapit ito sa kanila. Isa itong napakagandang babae. Maputi ang kabuuan. May bulaklak ito na nakapalibot sa kanyang ulo na parang korona. Hinihipan ng hangin ang mahaba at puting damit. Marahan at lumutang itong lumapit kina Moymoy at Alangkaw.

"Diwata ng Bundok Ugoy—Marya Mahig," sabi ni Moymoy. "Ano ang maipaglilingkod namin sa inyo?"

Ngumiti nang matamis ang diwatang si Marya Mahig. "Nagpapaalala lamang ako sa inyo—na kailangan ng inyong ina ang kapasyahan kapag dumating ang gabi ng dugon sa Gabun. Ang pagbukadkad ng bulaklak na iyan ang magsisilbing hudyat."

"Mga anak niya kami," sagot ni Alangkaw. "Hindi niya kami dapat na pabayaan."

Yumuko si Marya Mahig. Nagkaroon ng lungkot ang kanyang mukha. "Ang pagtira ninyo sa bayang ito ang maaaring huling tahanan ng inyong ina. Nakakalungkot na isipin. Pero wala kayong magagawa kung sa kanya manggagaling ang pagpapasya."

"Hindi maaari! Hindi maaari!" galit na sabi ni Alangkaw.

Gumalaw ang mga sanga at dahon ng mga puno. Narinig ang malungkot na pagsiyap ng mga ibon sa paligid pero walang makita kahit ni isa sa kanila.

"Marya Mahig?" nasambit ni Moymoy.

Muling humarap sa kanila ang diwata. "Gusto kong sariwain natin ang unang araw ninyo dito sa bundok Ugoy."

Marahang umikot ang paligid—nag-iba ang paligid at unti-unting nagkaroon ng liwanag. Napansin nina Moymoy at Alangkaw na bumabalik sila sa nakaraan—noong unang araw na natagpuan nila ang bayan ng Ugoy.

MOYMOY LULUMBOY: BOOK 5: ANG LIHIM NG LIBRO; ANG LIHIM NG KUWENTO (COMPLETED)Where stories live. Discover now