KABANATA 1: Ang Mag-iina ng Amalao

1.2K 45 4
                                    

UNANG BAHAGI


NILANGHAP ni Liliw ang usok na nagmula sa palayok. Napapikit siya at ninamnam ang napakabangong amoy ng kanyang niluluto. Tiningnan niya ang makulay na ibon na lumilipad-lipad sa kanyang harap. May kagat-kagat itong sitaw sa kanyang tuka. Kinuha ni Liliw ang sitaw.

"Salamat," malumanay na sabi ni Liliw na hindi nawala ang mga ngiti.

Hinati-hati ni Liliw ang sitaw, pagkatapos ay inilagay sa loob ng palayok. Inayos niya ang mga tuyong sanga ng punongkahoy sa kalan na pinagmumulan ng apoy na niluluto.

Mula sa bintana, nagdatingan pa ang maraming ibon, may dala-dalang iba't ibang klaseng mga gulay na kanilang pinitas mula sa likod-bahay. Kagat-kagat at nakadagit sa kanilang mga kukuko ang mga gulay na ibinibigay kay Liliw.

"Naku!" tuwang-tuwang bulalas ni Liliw. "Ang dami-dami na nito! Maraming salamat, mga ibon!"

Sa dingding kinuha ni Liliw ang kutsilyong nakasuksok para hiwain ang iba't ibang gulay na dala ng mga ibon. Samantala, patuloy ang paglipad ng mga ibon sa buong kusina ng bahay.

Nagtungo si Liliw sa may mesa ng komedor. Sa sangkalan na nakapatong sa mesa sinimulang hiwain ni Liliw ang mga gulay gaya ng sitaw, kalabasa, talong, sayote, at kung ano-ano pa. Pagkaraan lang ng isang saglit, may isang loro ang dumapo sa mesa.

"Tulungan kita, Diyosang Liliw!" Bigla niyang tinuka ang mga sitaw at pinagpuputol ang mga iyon.

"Naku, loro. Maraming salamat!" tuwang-tuwang sabi ni Liliw.

"Madali lang ang mga ito!" Mabilis na pinagpuputol ng loro ang mga gulay. Ginaya niya ang paghiwa ni Liliw.

"Mabuti naman, kahit wala na ako sa Gabun at wala na akong diwani, kinikilala niyo pa rin ako bilang tagapangalaga ninyo," nakangiting sabi ni Liliw habang pinagmamasdan ang mga ibon na lilipad-lipad, pagkatapos ay nginitian ang loro at hinagod niya sa pamamagitan ng kanyang daliri ang ulo nito.

"Ikaw pa rin ang aming diyosa at wala nang iba," nagmamayabang na sabi ng loro.

Masaya at matamis na napangiti si Liliw sa narinig sa loro. "Naiiba ang iyong balahibo, loro. Napakaganda."

"Maraming salamat, Mahal kong Diyosa!" natutuwang sabi ng loro sa kanya.

Gaya ng karaniwang mga loro, ito'y kulay puti. Ang kaibahan lang nito, magkakahalo ang kulay dilaw, pula, at asul na balahibo sa kanyang ulo na laging tumitikwas-tiwas habang nagsasalita.

Tumingala ang loro sa iba pang mga ibon. "Hindi ba, mga kasama kong ibon?"

Biglang lumakas ang pagsiyap ng mga ibon bilang sagot ng pagsang-ayon habang patuloy pa rin silang lumulipad-lipad sa buong kusina.

Sa ilang sandali, nang matapos hiwain ni Liliw ang mga gulay kasama ang loro, inilagay ni Liliw ang mga ito sa palayok. Ilang sandali lang, lalo pang bumango ang paligid na dala ng mga mga gulay na inilahok sa niluluto.

"Tiyak na magugustuhan na naman ng mga anak ko ang luto ko ngayon," masayang sabi ni Liliw.

"Oo," sabi ng loro. "Basta ganadong-ganado raw ang nagluluto, kahit na sinong kakain, masasarapan."

"Tama," sabi ni Liliw. "Lahat ng luto ko, gustong-gusto nina Moymoy ko at Alangkaw ko."

Patuloy sa paghuni ang mga ibon habang pinapanood si Liliw na masayang nagluluto. Samantala, patuloy naman sa pagtulong sa kanya ang loro. Lilipad-lipad ang loro—iniaabot kay Liliw ang sangkap na kinukuha sa mesa gaya ng paminta, asin, at kung ano-ano pang yerba na pampasarap sa niluluto ng kinikilala pa rin nilang diyosa.

MOYMOY LULUMBOY: BOOK 5: ANG LIHIM NG LIBRO; ANG LIHIM NG KUWENTO (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon