KABANATA 20: Ang Libing ng Dating Diyosa

374 35 0
                                    


MULA sa liwanag ng araw, makikita ang napakapayapang katawan ni Liliw. Suot pa rin niya ang palagiang suot nang siya ay isang diyosa pa, kaya lamang wala siyang korona. Nakasakay ang kanyang labi sa karosa na hila-hila ng mga malalaking usang kulay puti na pinangungunahan ni Malig.

Sa likod ng palasyo ng Sibol ay may maliit na isla na napapagitnaan ng karagatan na kinaroronan ng isang malaking gusali. Ito ang Libingan ng mga Apo. Prominenteng makikita ito dahil walang mataas na punongkahoy ang nakapaligid dito, bagkus may mga bulaklak na may sari-saring kulay ang tumutubo sa luntiang damo sa buong lupan.

Puti ang namamayaning kulay sa gusali ng Libingan ng mga Apo. Para rin itong munting palasyo na may mga toreng kulay itim.

Mula sa isla ng Sibol, may landas patungo sa islang kinaroronan ng libingan. Sa lkod ng Sibol, makikita ang malawak na hardin habang papunta sa hulingh hantungan ni Liliw. Sa liwanag ng sumisikat na araw, mararamdaman ang sariwang simoy ng hangin na nagmumula sa karagatan. Nakapaghahatid din ng halina sa napakagandang mga halaman na hindi humihintong mamulaklak ng may iba't ibang uri at kulay.

Sa likod ng karosa ay naroon sina Moymoy at Montar. Sa likod nila ay naroon sina Marino, Ilawi, at Amihan. Tahimik silang naglalakad. Sa likod ng mga ito ay may mga hayop na naglalakad—sari-saring hayop.

Pinagmasdan ni Moymoy ang liwanag ng araw. Tumatama iyon mismo sa katawan ni Liliw. Napaisip si Moymoy—Oo nga't nangako siyang pawiin ang sumpa, pero hindi maisip na ganito ang naging pangyayari: ngayong hinahatid ang ina sa huling hantungan, ito pala ang naging sikli para tuparin ang pangako niya sa mga tibaro ng Gabun—buhay ng ina ang kapalit.

Nilinga niya ang kalawakan. Sa liwanag ng araw, sa ihip ng malamig na hangin, alam niya sa mga sandaling iyon naroroon lang ang kapatid na si Alangkaw. Alam niyang sa kasalukuyan, nasa paligid lang ang kapatid—hindi maatim na hindi makita ang ina sa kanyang libing.

Alam ni Moymoy na matibay sa loob ng kapatid na hindi ipagpapalit ang buhay ng ina sa kaligtasan ng mga tibaro ng Gabun. Naiintindihan niya si Alangkaw—bukod sa nasasabik siya sa pagmamahal ng tunay na magulang—pinangarap nito ang magkaroon ng pamilya. At nang maranasan niya iyon sa maikling panahon, lalo pa siyang naligayahan. Ligayang hindi inasahan ng kapatid na mapapasakanya at pagkatapos ay naudlot, binawi sa kanya. Napapikit si Moymoy.

Dalawang mahal ko ang nawala na sa akin dahil sa mga kaguluhan sa tunay kong pinagmulan—ang Gabun. Si Mama Tracy at ngayon ang Inay ko, ang tunay kong nanay. Ano pa ba ang naghihintay na misteryong mararanasan ko sa buhay? Gusto ko lang naman sagipin ang mga tibaro. Gusto kong maramdaman ang halaga ko sa kanila.

Hindi siya lumingon sa likuran. Nanatili siyang nakatingin sa karosa ng kanyang ina. Sa mataas na karosa ni Liliw, makikita ang mga bulaklak na may iba't ibang kulay. Lahat ng mga iyon ay waring may buhay na gumagalaw-galaw, bumubukadkad. May mga paro-paro ang dumadapo roon. Sari-sari at nakapang-aakit ang kanilang mga kulay. Nagniningning ang mga iyon sa sikat ng araw. Nakita niyang naglapitan aang sarisaring makukulay na ibon sa karosa. Matapos nilang lumipad sa paligid ng labi ni Liliw, nagliparan iyon sa itaas, panay ang paghuni. Paghuni ng napakatamis pero dama ang lungkot sa paghatid sa huling hantungan ng dating diyosa.

Huminto ang prusisyon sa gilid ng isla. Pero sa ilang sandali, may mga halamang gumapangpapunta sa magkabilang gilid ng dalawang isla. Biglang naliparan ang napakaraming mga ibon at iba't ibang hayop na lumilipad. Tinulungan ng mga ito ang halaman para pagdugtung-dugtungin ang mga ito. Sinimulan ng mga ito ang paghabi. Hindi nagtagal, ito ay nagsilbing tulay papunta sa islang kinaroroonan ng libingan.

Sa tulay, doon itinuloy ang prusisyon. Nagpatuloy naman ang humi ng mga ibon. Mayamaya pa'y maririnig ang isang malamayos at matamis na tinig mula sa mga diwatang lumilipad-lipad sa paligid.

Diyosa ng kagubatan.

Hindi makakalimutan.

O, Diyosang Liliw, isa kang pinagpala.

May damdaming hindi mapantayan.

Marunong magmahal sa kinasasakupan....

Kaming nakaranas sa pagmamahal mo,

hindi namin kailimutan ang haplos mo, ang kalinga mo.

Ikaw ang mukha ng kagubatan.

O, Diyosang Liliw... O diyosang Liliw...

Hindi ka malimutan ng mga ibon, ng alitaptap, ng mga halaman.

Ikaw na kinilalang diyosa;

Ikaw na minahal ng tunay, di ka namin malimutan.

Ikaw ang mukha ng kagubatan.

Diyosag Liliw, ang awit na ito ay para sa iyo.

Handog namin ito para muli kang mabuhay sa aming alaala.

Kaya mula sa araw na ito, sa pagsikat ng araw,

Kasabay na mabubuhay na muli ang mga alaala mo.

O Diyosang Liliw... O Diyosang Liliw...

Ika'y iisa...

Diyosang may puso at may damdamin.

Dalangin namin ang walang hanggang ligaya para sa 'yo.

Dahil pagmamahal namin sa iyo'y di mamamaliw...

Diyosang Liliw... Isa kang haplos sa umaga...

Haplos na mahimala....

O Diyosang Liliw... Isa kang haplos na mapagpala...

Na nagumumula sa puso mong nagmamahal...

Ikaw ang mukha ng kagubatan.

Nang makarating ang prusisyon sa gitna ng tulay, makikita ang malalaking ibon sa kalawakan na nagliliparan. Lahat ng kulay ng mga ito ay kulay-puti maliban sa isa. Natuon ang tingin ni Moymoy sa ibong iyon na bukod tanging kulay-itim at hindi sumisiyap.

Alangkaw. Nanatiling nakatingala si Moymoy, pinagmasdan ang malaking ibon na kulay-itim na alam niyang si Alangkaw iyon—naroon sa paghatid sa huling hantungan ng kanilang ina.

Sa loob ng Libingan ng mga Apo, pagbukas ng malaking pinto, nakita niyang waring unti-unting hinila ng hangin papasok sa loob ang labi ni Liliw. Lumutang na nagpunta iyon sa pinakagitna ng bulwagan. Nanatiling nakasunod sa kanya ang mga ibon at paro-paro. Patuloy ang paghuni ng malamyos na tono ang mga ibon.

Sa gitna, doon huminto ag katawan ni Liliw. Para siyang nakasabit sa isang salamin na patusok na may liwanag. Nakaturo ang matulis na salaming ito sa kanyang dibdib. Sa pamamagitan ng malamlam na liwanag na nakatanglaw sa buong katawan ni Liliw, lalo pang lumarawan ang mapayapang anyo nito.

Pagkaraan ng ilang sandali, dahan-dahang lumipas palabas ng pinto ng gusali ang mga ibon at paro-paro. Kasabay niyon, unti-unting huminto ang paghuni ng mga ibon.

Naiwan sa loob ng bulwagang iyon sina Moymoy at Montar, kasama ang mga Apo. Nakapaligid ang mga ito at nakatingalang pinagmasdan ang labi ni Liliw.

Pagkatapos ng mahabang katahimikan ay tiningnan ni Marino ang lahat. Nagsimula siyang magsalita. "Hindi na dapat pang pag-usapan ang mga bagay na hindi magandang nangyari kay Liliw. Kapatid pa rin namin siya at dating isang Apo. Tiyak akong ang kaluluwa niya ay mananatili sa Inam. Ang Inam ay ang pinatutunguhan ng mga kaluluwa ng mga Apo na nangamatay. May dugong Apo pa rin si Liliw at alam kong, hindi ipagkakait ni amang Bathala ang lugar na iyon para sa kanya."

Marahang pumikit si Moymoy, sinubukan niyang maging payapa. Pero sa kanyang isip, nararamdaman niyang ang kapaid niyang si Alangkaw na nasa paligid lang. Alam niyang tumanggi ang kalooban nitong lapitan ang walang buhay na kanilang ina—hindi matanggap ang pagkawala—pero gaya ng kutob at naiisip niya—nasa paligid lang si Alangkaw.

MOYMOY LULUMBOY: BOOK 5: ANG LIHIM NG LIBRO; ANG LIHIM NG KUWENTO (COMPLETED)Where stories live. Discover now