KABANATA 31: Si Salir at si Alangkaw

841 39 5
                                    


Balara, Quezon City

MULA sa bahay, nilinga ni Lolo Turing ang kanyang tingin. Ang laki na ng ipinagbago ng punong ito. Lumaki nang lumaki sa maiksing panahon lamang. Tiningnan pang mabuti ni Lolo Turing ang puno. Oo nga't napakalaki at napakayabong ng punong iyon. Halos hindi na rin makit ang sanga nito sa makapal na mga dahon. Nilampasan pa niya ang taas ng ibang puno.

Inilihis niya ang kanyag iniisip. Alam kasi ni Lolo Turing na ang gabing iyon ay hindi isang ordinaryong gabi lang. May hinihintay siya. May darating.

Nilinga niya ang kanyang tingin. Sa mayabong na puno ng mangga nakita niya mula sa liwanag ng buwan si Montar na nakatayo. "Montar..."

Lumabas ng bahay si Lolo Turing at pinuntahan si Montar sa kinatatayuan niya.

"Salamat. Salamat at tinupad mo ang pakiusap ko," sabi ni Lolo Turing.

"Matagal kong hinintay na matagpuan ang libro mo, Salir. Ibinigay ko kay Liliw ang buto para maging tagapag-alala. Tumubo ang isang puno at nagbigay babala sa kanya ang pagbukadkad ng isang bulaklak. Napawi ang sumpa..," sagot ni Montar.

Tumango-tango si Salir. "Mabuti naman... Mabuti naman. Kay tagal na hinintay iyon ng mga tibaro."

Niyakap ni Lolo Turing si Montar. "Malaki ang pasasalamat ko at natagpuan din ang libro. Kay tagal ko ring naghintay."

Napangiti si Montar at tumango-tango.

"Pagkatapos kong isulat ang libro ko, ipinagkatiwala ko iyon sa kapaid kong siLiliw. Pero nabalitaan kong, nawala iyon sa kanyang mga kamay," sabi ni Lolo Turing.

"Ngayon ay malalaman ng mga tibaro na may panglimang Apo, at ikaw iyon Diyos na Salir," sabi ni Montar. "Ngayon ay alam nilang hindi ka lang kathang isip lang na gaya ng nababasa nila."

Mapait na ngumiti si Lolo Turing. "Gusto kong ipaalam sa lahat ng mga tibaro ng Gabun na kailan man ay hindi ako naging ganid, gaya ng tumatak sa mga isip nila. Mahal na mahal ko ang mga tibaro. Totoong hindi ko ginamit ang kapangyarihan na ibinigay sa akin ni Bathala para maging mahigpit sa kanila. Itinuring kong parang mga kaibigang ang mga tibaro—mga kapamilya. Naging mapagbigay ako. Totoo ang sinabi sa akin ng mga kapatid kong mga Apo na halos mawasak ang kalikasan kaya sila naapektuhan—marami sa kanila ang nagkasakit at ang iba'y nangamatay."

"Oo nga't iba ang pagkilala sa iyo, Salir," sabi ni Montar.

"May palagay akong ang mga kapatid kong mga Apo ang gumawa ng paraan para maglabas ng aklat na kathang-isip lamang tungkol sa akin upang sa gayon ay hindi nila malaman ang tunay kong kuwento. Pinalabas itong kuwentong bayan para itago sa mga tibaro sa tunay na pangyayari."

"Pero bakit nangyari ang ganoon, Salir? Bakit kailangang mawasak ang lahat kung ito'y likha ni Bathala?" tanong ni Montar.

"Binigyan rin Niya tayo ng kalayaang magpasya sa lahat—nang kalayaang mamili, Montar. Isang bagay na ibinigay sa atin para maging malaya. Nasa atin na iyon kung papaano natin iyon gagamitin nang buong ingat," nakangiting sabi ni Salir.

Ngumiti si Montar at hinawakan ang kamay ni salir. "Naiintndihan ko. At naiintindihan kita, Salir."

Muli pang tumingin si Lolo Turing kay Montar. "Montar, panahon na." Ipinakita niya ang dalang maliit na kahoy na kahon na ibinigay sa kanya ni Liliw noong nakakulong pa siya. "Kailangan ko nang magpaalam."

Marahan, binuksan ni Lolo Turing ang takip ng kahon at nagsimulang narinig doon ang tugtog na napakatamis. Pagkaraan lamang ng ilsang sandali, bahagyang lumiwanag ang buong katawan ni Lolo Turing. Dahan-dahang nag-iba ang kabuuan ni Lolo Turing. Nagbalik ito sa tunay niyang anyo—yaoong may mukhang batang Apo na nakilala ng mga tibaro na si Salir. Unti-unti, sa saliw ng matamis na tunog na nanggagaling sa maliit na kahon ay tuluyan nang naging liwanag si Salir.

Pinagmasdan ni Montar si Salir habang tuluyan nang nagiging liwanag ang buong katawan. Hanggang sa ang liwanag na ito'y kumalat sa paligid... umakyat hanggang sa kalangitan. Tuluyang sinundan ni Montar ang liwanag. Hanggang sa mapansin nitong nagkaroon ng mga bituin sa langit na tila ang liwanag ni Salir ang pinanggalingan ng mga iyon.

Gabun

MULA sa burol na iyon, kanina pa nakatayo at nakatitig si Moymoy sa palasyo ng Dalumdum. Nilapitan niya si Hasmin.

"Binigyan ka ng pagkakataon na humiling, hindi ba't dapat lang na ipagkaloob iyon sa kapatid mo?" tanong ni Hasmin.

Tumango si Moymoy.

"Tatanungin kita, Moymoy—kung ikaw ba ang nasa kalagayan ni Alangkaw ay tatanggapin mo bang maging kapalit ka niya bilang Apo dahil iyon ang magiging hiling mo at hindi dahil napagtagumpayan niya ang mga pagsubok?"

Hindi nakasagot kaagad si Moymoy, inilinga na muli ang tungin sa Dalumdum. "Mahal ko ang kapatid ko. Ibibigay ko ang gusto niya, basta kaya ko."

"Oo, pero baka hindi niya matanggap na magiging Apo lang siya dahil sa iyo at hindi sa kakayahan niya," sabi ni Hasmin.

"Hindi iyon," sagot ni Moymoy. "Binigyan ako ng pribilihiyo na gumawa ng batas, dapat lang na masunod 'yon. At 'yon ang gusto ko—si Alangkaw ang dapat na papalit sa akin."

"Papaano kung hindi tatanggapin ni Alangkaw? Dahil iniisip niyang hindi siya ang nararapat na maging Apo—na hindi sa kanya ang karangalan para maging Apo, kundi nasa iyo."

Napatingin si Moymoy sa kinaroronan ng palasyo ni Alangkaw. "Noon pa niya gustong magkaroon ng diwani gaya ko. Ito na ang pagkakataon."

Mula sa kalawakan, sa kanluran, pinagmasdan ni Moymoy ang papalubog na araw. Bumaling siya kay Hasmin at pagkatapos ay muli pang tumingin sa palasyo—ikinampay ang malalapad na pakpak at lumipad. Lumipad nang lumipad papunta sa Dalumdum, sa palasyo ni Alangkaw.

SA MARANGYANG silid ni Buhawan, napabalikwas siya sa mahimbing na pagkakatulog sa isang pamilyar na boses.

"Gunaw?!"

"Buhawan!"

Nagpatuloy si Gunaw sa sinasabi. "Bakit mo pinakialaman ang librong iyon?! Bakit?!"

Napaurong si Buhawan. Takot na takot.

"Bakit?!" Ngayon ay lalo pang galit at malakas na malakas ang boses ni gunaw.

Bigla, naging isang asong kulay-itim si Buhawan at pinagtatahol si Gunaw.

END.

🎉 You've finished reading MOYMOY LULUMBOY: BOOK 5: ANG LIHIM NG LIBRO; ANG LIHIM NG KUWENTO (COMPLETED) 🎉
MOYMOY LULUMBOY: BOOK 5: ANG LIHIM NG LIBRO; ANG LIHIM NG KUWENTO (COMPLETED)Where stories live. Discover now