KABANATA 21: Agam-agam ng mga Apo

351 31 0
                                    


SA LOOB ng Panalturan nakapaligid na nakatingin sina Marino, Ilawi, at Amihan sa lumulutang na Ginto ng Buhay. Mapapansing hindi malaman ang hangganan ng bawat sulok ng loob ng Panalturan.

"Mapapawi na ang sumpa," sabi ni Ilawi.

"Babalik na sa tunay na anyo ang mga tibaro," sabi ni Amihan.

"Mangyayari sa ikatlong gabi. Kailangang isauli muna ang ginto sa dapat na kalagyan," sabi ni Marino.

"Tutuparin ba natin ang pagpawi ng sumpa?" tanong ni Ilawi.

"Hindi tayo dapat magkaroon ng agam-agam sa bagay na iyan. Tulad nang hindi maaaring bawiin ang sumpa, hindi rin maaari bawiin ang mga sinabi natin bilang mga Apo. Hindi na maniniwala sa atin ang mga tibaro kapag nagkagayon," sabi ni Marino.

"Ang gintong iyan ay para sa panglimang haligi. Paano kung malaman ng mga tibaro ang tungkol sa panglimang haligi?" pagpapaalala ni Amihan.

Nagtinginan silang lahat, walang sumagot sa tanong ni Amihan.

Marahan, gumalaw ang sahig ng Panaltuan. Dahan-dahan iyong umikot-ikot—nagpunta sa iba-ibang direksyon.

Ilang beses din silang gumalaw at umikot kasama ang nagniningning na ginto. Pagkaraan ng ilang sandali, tumambad sa kanila ang napakaraming gintong lumulutang sa isang napakalaking bulwagan.

Sa bulwagan, muli makikitang wala itong hangganan. Ang paligid ay nagniningning dahil sa mga ginto. Nagtinginan ang mga Apo.

"Ilang beses na rin nating inilipat ang puwesto ng mga ginto," sabi ni Amihan. "Ilang beses nating ginawan ng paraan para ito itago."

"Dahil marami ang interesadong makamit ang kapangyarihang dulot ng mga Ginto ng Buhay, Amihan," sabi ni Marino.

"Pinapaalala ko lang sa inyo, Marino, Ilawi," sabi ni Amihan na lalo pang naging pormal ang tinig. "Ang tungkol sa kalapating mensahero."

Nagtinginan silang tatlo.

Alam nina Marino at Ilawi kung ano ang tinutukoy ni Amihan. Ilang beses na kasing dumating ang kalapating mensahero ni Bathala mula nang mawalan ng diwani at naging oridnaryong mortal si Liliw—mula nang mawalan ito ng kapangyarihan bilang Apo.

"HULING punta ko na ito," sabi ni Aya.

Mula sa isang napakaputing kalapati, marahang naging isang napakagandang dilag ni Aya. Mahaba ang uhok. Makinis ang kanyang balat at puting-puti ang kasuotan. Ikinagulat nila nang marinig ang kanyang tinig—may tigas at may galit.

"Tatlong beses na akong nagpunta rito," pagpapatuloy ni Aya, "kailangang sumunod kayo sa paalalang iniuutos sa inyo. Kailangang magkaroon ng papalit sa isang Apo na nawawala. Iyon ay nakasaad sa Liya—ang maghanap na karapatdapat na papalit mula sa mga tibaro. Iyon ay kailangang sundin."

Nagtinginan sina Marino, Ilawi, at Amihan. Ikinabahala niya ang umagang iyon nang magpunta sa HImpabulan ang mensaherong si Aya.

"Hindi niyo ba napapansin," sabi ni Aya, "na matagal nang walang balanse ang kalikasang pinamumunuan ninyo?"

Patuloy na hindi nakasagot ang tatlong Apo.

"Baka pati kayo'y nanganganib?" pagpapatuloy ni Aya.

"Ano'ng ibig mong sabihin?" dagling tanong ni Marino.

"Baka kayo mismo, tanggalan kayo ng diwani ni Bathala. Ibig sabihi'y siya mismo ang maglilikhang muli mula ng papalit sa inyo," pagpapatuloy ni Aya.

Tumango si Marino. "Makakaasa ka Aya. Sa ikatlong araw—sa pagdating ng bukang liwayway, baka handa kami para sa pagdating ng Apo na papalit."

"Oo," sabing muli ni Aya. "Napapanahon nang dapat na magkaroon ng kapalit ang kakulangan sa inyo. Napapanahon na..."

Nagkaroon ng puting pakpak si Aya at tuluyan itong naging puting kalapati.

"Kung ano man ang kahihinatnan ng paghahanap ng papalit sa kulang na Apo mula sa mga tibaro ng Gabun, wala tayong magagawa. Si Bathala ang may likha sa atin. Dapat tayong sumunod sa kanya," sabi ni Marino.

MOYMOY LULUMBOY: BOOK 5: ANG LIHIM NG LIBRO; ANG LIHIM NG KUWENTO (COMPLETED)Where stories live. Discover now