KABANATA 9: Ang Pakiusap ng Diyosa

831 45 12
                                    


MULA sa bintana, nakatingin si Liliw sa Bundok Ugoy. Kitang-kita niya ang napakarilag na bundok. Wari itong nagpapalit-palit ng kulay habang dumadaan ang mga ulap sa araw—mula sa pagiging luntian, bughaw, pula at pagkatapos ay muling babalik sa kulay-luntian. Pati ang araw na parang isang bola ng apoy na nagbibigay liwanag sa bundok ay lumaki nang lumaki at naging malamlam ang kulay habang ito ay papalubog sa kalawakan sa likod ng bundok.

Huminga nang malalim si Liliw. Napakunot-noo. Napaisip. Naalala niya ang pagpupulong. Naalala niya ang tanong ng kapitan.

"Bakit napakalusog ng iyong halaman? Alam mo bang walang nagtangkang magtanim at manirahan doon? Maaari mo bang sabihin ang sikreto mo sa pag-aalaga ng mga halaman?"

At naalala pa niya ang kanyang sagot...

"Minamahal ko ang mga halaman. Lahat ng punongkahoy. Lahat ng nabubuhay sa lupa, pati na ang mga hayop. Iyon lang ang dapat na gawin para mahalin ka rin ng kagubatan, ng kalikasan.

Iyon ang naging sagot ni Liliw. Ang pagbubulungan ng mga nasa pagpupulong ay lalo pang lumakas at parang humanga sa kanyang isinagot.

Kinuha ni Liliw ang bandana na nakasabit sa likod ng pintuan. Mabilis siyang lumabas at humakbang nang mabilis.

Naglakad siya papunta sa paananan ng bundok na kinaroronan ng malalaking punongkahoy—sa direksiyong paakyat ng bundok. Kailangan kong makausap si Marya Mahig! hiyaw ng kanyang isip.

Ipinagpatuloy ni Liliw ang paglalakad. Nang paakyat na siya, nakaramdam siya ng paghingal. "Marya Mahig..?" naibulong niya sa sarili.

Huminto sandali si Liliw. Napansin niyang tuluyan nang dumilim ang paligid. Wala na siyang kapangyarihan. Gustuhin man niyang lumipad ay hindi niya iyon magawa. Pinilit niyang umakyat ng bundok. Sa ilang saglit, nagulat siya nang maramdamang may bumuhat sa kanyang katawan!

Inilipad ng isang dambuhalang lawin si Liliw paitaas. Mabilis siyang kumapit sa likod nito.

"Lawin!" tawag ni Liliw sa dambuhalang ibon.

Ibinaling ng lawin ang kanyang mukha kay Liliw at mula roo'y nakita niya ang malaking mata ng dambuhalang ibon.

"Lawin!" sabi ni Liliw sa dambuhalang ibon. "Dalhin mo ako kay Marya Mahig!"

Sumiyap ang lawin ng ubod ng lakas. Naintindihan ni Liliw ang ibig sabihin niyon—na susunod ang dambuhalang ibon sa kanyang ipinag-uutos.

"Maraming salamat! Maraming salamat!" sabi ni Liliw sa lawin.

Patuloy na inilipad ng lawin si Liliw paitaas. Sa pinakamataas na bahagi ng bundok, marahang bumaba ang lawin. Nang makaapak ito sa lupa, dahan-dahang ibiniba ang katawan para alalayan si Liliw sa pagbaba nito.

Tumambad kay Liliw ang malinaw na batis sa ituktok ng bundok. Kahit wala nang araw, maliwanag pa rin ang paligid dahil sa laksa-laksang mga alitptap na lumilipad-lipad sa buong paligid. Narinig niya ang pagbulong ng mga ito sa kanyang pangalan. May iilang lumapit pa sa kanya at ngumiti. Sa maliliit na boses ng mga alitaptap narinig niyang patong-patong na sinasabi ang: "Maligayang pagdating, Diyosang Liliw."

Napangiti si Liliw sa mga alitaptap. "Maraming salamat."

Iba't ibang mga hayop ang nakita niya. Mga usa, paniki, palaka, ahas, sari-saring ibon, at kung ano-ano pa ang naroroon. Lahat ay napahinto at yumukod sa kanyang pagdating.

Pagkaraan ng ilang sandali, mula sa malamig na hangin ay dahan-dahang lumitaw ang diwata—si Marya Mahig. Lumapit ito sa kanya.

"Ano ang maipaglilingkod ko, Mahal na Diyosa?" malumanay na sabi ni Marya Mahig kay Liliw.

"Kailangan kong muli ang tulong mo?"

"Tulong? Ano iyon? Magsabi ka lang, Mahal kong Diyosa."

"Alam kong malaki ang pagkakasala sa iyo ng mga tao, ng mga buntawi, pero hindi lahat sila ay nagkasala. Naroon ako sa pagpupulong nila kanina at nalaman kong hindi taga-rito ang nagputol ng mga puno at nangaso sa bundok na ito."

Biglang umangat ang katawan ni Marya Mahig. Lumpad-lipad iyon na parang bahagi siya ng hangin. "Mahal kong Diyosa, kahit sino man ang nagwasak sa kalikasang naririto, sa bundok na ito ay hindi ko na iyon inisip pa. Ang mahalaga sa akin ay naparusahan ko sila para hindi na silang muli pang magtungo rito. Pero, hindi ba't ang mamamayan ng Ugoy ang unang dapat mag-protekta nito. Kahit mga dayo pa ang nagwasak nito, may pananagutan pa rin sila. Dapat binantayan nila ang pumapasok sa kanilang bayan."

"Wala silang magawa," mabilis na sagot ni Liliw. "May mga armas ang dumadayo rito. Kahit gusto nilang protektahan ang bundok na ito, buhay nila ang kapalit."

Patuloy na lumilipad-lipad si Marya Mahig sa paligid kasama ng hangin. Kumumpas ito ng bahagya at sa paligid ay tumambad kasama rin ng hangin ang mistulang mga larawan sa paligid—mga wasak-wasak na puno at mga usok. Kitang-kita ang kapaligiran ng bundok na nawalan ng puno at sa paligid ay mga nangamatay na iba'ta ibang mga hayop. "Ayan ang bundok ng Ugoy noon. Winasak ng mga buntawi. Ngayong nakabangon itong muli dahil sa pangangalaga ko at naging malupit at mabagsik ako sa kanila, gusto mo ba Mahal na Diyosa na maging bukas itong muli sa kanila?"

Mabilis na muli ang sagot ni Liliw. "Hindi ko sila pahihintulutan na pasukin na muli ang kagubatan. Ang hiling ko lang, kahit ang tanim nilang mais at iba pa nilang halaman gaya ng mga gulay at prutas sa paanan ng bundok ay maging maluslusog para maging masagana ang kanilang ani. Tulungan mo silang magkaroon ng maayos na hanap-buhay. Alam kong sinisira mo ang kanilang ani dahil pinarurusahan mo sila, ngunit gaya ng sinabi ko, hindi sila ang lubusang may sala sa pagwasak ng bundok noong panahong iyon."

Marahang naglaho ang larawang ipinakita ni Marya Mahig. Nagtungo ito sa harap ni Liliw. "Naniniwala ako sa mga sinabo niyo Mahal na Diyosa. Sige, sa pamamagitan ng diwani na ibinigay ninyo sa akin, tutulungan ko ang mga magsasaka ng bayang ito para bumalik ang masasagana nilang ani."

Natuwa si Liliw sa kanyang narinig. Nakita rin niya ang sumilay na ngiti ni Marya Mahig. "Maraming salamat! Maraming salamat! Makakaasa ka, tuturuan ko ang mga taga-Ugoy na mangalaga sa kalikasan. Na hindi sila dapat magwawasak sa kalikasang naririto sa kabundukan. Makakaasa ka diwata ng bundok Ugoy."

Naglikha ng kakaibang boses ang mga hayop. Kakaiba at matatamis na huni ang nanggaling sa mga ibon. Ang palaka ay may kakaiba ring boses na hindi karaniwang maririnig, ganoon din ang mga paniki, usa, ahas—ang lahat ng mga hayop ay may kakaibang boses na ipinamalas sa mga sandaling iyon na hindi karaniwang maririnig mula sa kanila. Boses iyon ng kaligayahan.

"Nakapaligaya ng mga hayop, Marya Mahig," natutuwang sabi ni Liliw.

Tumango ang diwata. "Oo, Mahal na Diyosa. Alam naman nating lahat na lahat ng hayop ay magiging masaya kung magiging mababait ang mga tao mga buntawing sinasabi ninyo. Maligaya sila kapag nangangalaga ang lahat ng nilalang sa kalikasan. Naging maligaya sila sa iyong sinabing tuturuan mong mangalaga sa kalikasan ang mga mamamayan ng Ugoy."

"Makakaasa ka, Marya Mahig, ang diwata ng Bundok Ugoy." Tinignan ni Liliw ang lahat ng mga hayop. "Makakaasa kayong lahat. Makakaasa kayo! Maraming salamat!"

Pero, muling lumipad ang katawan ni Marya Mahig at lumutang-lutang iyon sa hangin. Padapang hinarap ang mukha kay Liliw. "Sa isang kundisyon, Mahal kong Diyosa."

"Ano iyon?" May pagtataka ang mukha ni Liliw.

"Alam kong hindi mo ako bibiguin dahil isa kang napakabait na diyosa ng kagubatan. Ang pakiusap ko ay para sa lahat ng tibaro ng Gabun—ang natitirang ginto, Mahal kong Diyosa. Ang ginto... Kailangan mong isauli sa Gabun para mapawi ang sumpa."

Napanganga si Liliw sa sinabing iyon ni Marya Mahig. Hindi! Mamamatay ako?! Hindi ko maiwan ang mga anak ko! Patuloy ang paghiyaw ng mga salitang iyon sa kanyang isipan.

MOYMOY LULUMBOY: BOOK 5: ANG LIHIM NG LIBRO; ANG LIHIM NG KUWENTO (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon