"Panginoon!" Nag-uunahan ang mga ito sa pagtayo at sa pag-aayos ng kanilang mga sarili.

Hindi ako nagsalita. Tiningnan ko lamang ng matatalim ang bawat isa.

"Panginoon, ayos lang po ba kayo?" bakas sa mukha ni Baltazar ang pag-aalala.

Hindi pa rin ako nagsalita, kaya nagkakatinginan na ang mga ito na tila nagtuturuan sa kung sino sa kanila ang susunod na magsasalita.

"Alam niyo ba kung anong oras na?" pag-awat ko sa kanilang pagkakagulo.

"Eh, boss..." kakamot-kamot si David. "Narinig daw po kayo ng tatlong itlog na 'to."  Itinuturo nito si Baltazar at ang dalawa pang kasama nila. "Sumisigaw daw po kayo. Baka raw po kung ano na ang nangyayari sa inyo!"

Lalong kumunot ang aking noo, "anong sumisigaw?! Pa'no ako sisigaw eh natutulog nga ako!" Pabulyaw kong winika.

"Eh baka po raw kasi binabangungot 'na naman' po kayo." Sagot ni David. "Ito po kasing si Melchor, Gaspar at Baltazar ang nakarinig talaga sa inyo. Sinisita ko nga sila sa pagkatok sa inyo sa oras ng inyong siesta, pero ayaw pong magpaawat."

"Na naman?" tanong ko. "Anong na naman?"

"Ah eh, Panginoon," pagsingit ni Melchor, "madalas po kasi namin kayong naririnig nagsasalita habang natutulog, na para po bang may napapanaginipan kayong masama."

Napapikit ako saglit at nagbuntong-hininga. "Magsilayas nga kayo sa harapan ko!"  Bulyaw ko sa mga ito. "Sa susunod na abalahin niyo ulit ako, malilintikan na kayong lahat sa akin!"

Aangal pa sana si Melchor, pero dinuro ko ito sa mukha at nanggigigil na sinabing, "bubunutin ko ang lahat ng ngipin mo at ipalulunok ko mismo sa 'yo!"

Ibubuka na rin sana ni Baltazar ang kanyang bibig nang dinuro ko rin ito at buong panggagalaiti kong sinabing, "babasagin ko 'yang bungo mo, at 'yang gagatiting na utak mo ang ipapakain ko sa mga aso ko!'

Akmang hihirit din si Gaspar pero dinuro ko rin muna ito bago ko sinabing, "dudukitin ko 'yang mga mata mo at ipasasahog ko sa hapunan ng mga demonyo!"

"Panginoon..." pagsingit ni David.

"Ano?! Gusto mong isali rin kita?!" pinandilatan ko ito ng mga mata.

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

"H-hindi naman po." Sagot nito, "halina nga kayo!" Pagbaling nito sa tatlo, "hayaan niyo nang makabalik si Boss sa kanyang pamamahinga." isa-isa nitong hinatak ang mga kasamahan, "sige po, Bossing." Muling pagbaling nito sa akin, "aalis na po kam--"

Hindi ko na hinintay na matapos ito sa pagsasalita. Malakas na pinagsarhan ko na ito ng pintuan. Lalakad na sana ako palayo sa may pintuan nang maulinigan ko pa rin ang kanilang pag-uusap.

"Totoo pala talaga ang kasabihan." Boses ito ni Baltazar.

"Anong kasabihan?" boses ni Gaspar.

"'Yung kasabihan na..." boses muli ito ni Baltazar, "biruin mo na ang lasing, 'wag lang ang..."

"Bagong gising?" boses naman iyon ni Melchor.

"Hindi."  Sagot dito ni Baltazar, "ang tinutukoy ko ay 'yung kasabihang biruin mo na ang lasing, wag lang ang taong hindi makahatsing! Napansin niyo ba? Parang nahahatsing ang Panginoon kanina, pero naudlot kaya biglang sumama ang timpla?"

Biglang tumahimik.

"Pinaglololoko mo  naman kami. Wala namang ganung kasabihan eh!" Pagbasag ni Gaspar sa katahimikan.

"Meron!" Sagot ni Baltazar.

Tila lumalayo at himihina na ang kanilang mga tinig.

"Wala." Ani Gaspar

"Imbento mo lang 'yun eh." Boses ito ni Melchor. "Grabe, dahil bobo ka, puro katangahan din ang lahat ng mga naiimbento mo..." bago tuluyan nang hindi ko na marinig ang kanilang mga tinig.

Muli kong hinugot ang aking hininga nang dumapo ang aking paningin sa malaking estatwa ni Lucifer sa kabilang gilid ng aking kama. Naaalala ko pa ang mga araw na unti-unti ko itong hinulma, base sa hitsura ng nilalang na nagligtas sa akin sa kalagitnaan ng apoy. Malinaw pa rin sa aking ala-ala ang kanyang mukha na di hamak na iba sa napakapangit na hitsura ng kanyang mga imahe sa mga simbahan ng mga tao. Wala itong sungay o maitim na balat at pakpak, bagkus ay isang maamong mukha, mapuputing mga pakpak at isang pares ng mga matang bughaw na tulad ng sa akin...

Mga matang puno ng galit at paghihimagsik; at ng matinding pagnanasang makapaghiganti sa mga nilalang na nagdulot ng matinding poot sa aming kabuuan.

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon