KABANATA 54

1.8K 221 45
                                    

Lucio's P.O.V.

"Panginoon! Panginoon!" Humahangos papunta sa harapan ng trono ko sina David, Melchor, Gaspar at Baltazar. At nang dahil sa pagmamadali ay sukat na napasubsob na si Baltazar sa mismong paanan ko.

Kinunutan ko ng noo ang mga ito. Abala kasi ako sa pagbabasa ng libro at ayokong maabala ako.

"P-Panginoon..." humihingal ang bawat isa sa mga ito at hindi halos makapagsalita.

"Anong problema niyo?!"  nakasimangot ako sa mga ito.

"P-Panginoon..." hinahaplos pa ni Melchor ang kanyang dibdib."

Pinukpok ko na ito sa ulo sa pamamagitan ng librong hawak ko. "Ano nga!" Medyo umiinit na ang ulo ko.

"S-Si Senda." Anito. Hinahabol pa rin nito ang paghinga.

Noon na nito tuluyang napukaw ang interes ko, "ano ang tungkol kay Senda?"

May binigkas ito nang mahina ngunit hindi ko masyadong naintindihan.

"Ano?!"  Naiinis na bulyaw ko.

"Si S-Senda po." Pagsingit naman ni Gaspar.

Tumayo na ako sa kinuupuan ko sa labis na inis. "Ano nga si Senda?!"

"Paparating na po." Sabi naman ni David.

"Ha?"

"S-si Senda po, namataan naming papunta na rito."

Sandali akong natigilan bago ko nasabing, "d-dito?"

"Opo." Ani Melchor, "at mukhang galit na galit po."

Hindi ko alam kung bakit ako nakaramdam ng pagkataranta. "Teka Sandali..." hinatak ko si Gaspar. "Magkasingtaas naman tayo 'di ba?"

"Po?" bakas sa mukha nito ang pagtataka.

"O heto!"  Hinubad ko ang suot kong korona at ipinutong ito sa ulo niya. "At heto." Hinubad ko ang balabal kong yari sa pulido at mamahaling tela. "Isuot mo." Kakamot-kamot ito ngunit sumusunod naman ito. "Ah..." Kinapa-kapa ko muna ang sarili ko bago ko tinungo ang lamesita sa tabihan ng aking trono. Kinuha ko ang aking  ginintuang maskara na tumataklob lamang mula sa noo hanggang sa ibabaw ng ilong. "Isuot mo rin ito." Ako pa mismo ang nagsuot nito sa mukha ni Gaspar. "Umupo ka ro'n sa trono ko."

"P-po?" tila nag-aalinlangan ito.

"Umupo ka na, dalian mo!" bahagya ko itong itinulak at sumunod naman ito.

"A-ano pong g-gagawin ko?" wari'y isa itong istatwang naninigas sa pagkakaupo sa trono ko.

"Gayahin mo lang ang kilos at pagsasalita ko. Kaya mo ba?"

Kumamot ito.

"Tumigil ka sa pagkakamot mo! Umayos ka!"  Bulyaw ko.

"A-ano pong s-sasabihin ko?"

"Kahit ano! Bahala ka n--"

"Nasaan ang hari niyo?!" mabangis na wika ni Senda sa Ujier na nasa labas ng bulwagan.

Narinig naming pinigilan ito ni Ramiro ngunit wala itong nagawa. Nagdire-diretso lamang ito sa pagpasok sa loob.

Nakatingin kaming apat sa kanya sa pagsulpot nito sa pintuan.  Nagulat ako dahil sa laki ang ipinagbago ng hitsura nito.

Tila bumagal ang oras habang humahakbang ito papalapit sa amin. Sinuyod ko ito ng tingin mula ulo hanggang paa at hindi sinasadyang mapanganga sa laki ng pagbabago sa kanya.

Mukha itong prinsesa ng mga diwata sa ginintuang tiyarang nakaputong sa ulo nito. Nakaladlad at tumatalbog-talbog sa kintab ang namula-mula nitong buhok na lagpasan ang haba sa kanyang balakang. Animo'y kumikinang naman ang makinis niyang balat dahil sa magara niyang saya na hapit ang yari sa bandang itaas.

Noon ko lamang din nakita sa liwanag at malapitan ang mapuputi niyang mga braso at malulusog na dibdib na tila mas umangat dahil sa ginintuang korset na nakabalot sa kanyang baywang.

"Woah...si Senda ba 'yan?" dinig kong bulong ni Baltazar. "Ang ganda... ang seksi." Dinig ko rin naman ang pagbatok rito ni David.

Ako ang una nitong tiningnan nang nakasimangot bago ito lumapit sa akin.

"Puwede ko bang makausap 'yang hari niyo?" bulong nito sa akin. Inginuso nito si Gaspar.

Agad ko namang nilingon si Gaspar at pinandilatan ko ito upang magsalita.

"Anong kailangan mo?" pumiyok ito sa paggaya sa aking boses kaya napapikit ako sa inis.

Nagtungo naman agad si Senda sa mismong harapan ng nakaluklok na si Gaspar.

"Kapalit ng buhay ko, kung 'yun lamang ang natatanging paraan upang magkaroon ng tinig sa inyong kaharian, nais kong ipagbigay-alam sa inyo ang hindi makatwirang kaapihan sa mga kababaihang wala namang hinahangad kundi ang mapaglinguran kayo."

"Nakupu, gulo ito..." bulong ni Baltazar. Siniko ito ni David upang manahimik.

Tumingin sa akin si Gaspar, ngunit pinandilatan ko lamang din ito ng mata upang umisip ng kahit anong salita upang sagutin si Senda.

"Ano ang nais kong sabihin, binibini?" muling pumiyok sa Gaspar sa pagpupumilit nitong gayahin ang boses ko kaya muli akong napapikit sa inis.

"Kung ang mga tauhan niyo ang tunay na nagkasala at nang-abuso sa mga kortesana, bakit yaon pang mga biktima ang inyong pinarurusahan? Bakit sila pa ang inyong bubuwagin at tatanggalan ng karapatang manatili dito sa inyong kaharian?! Bakit sila pa ang mawawalan ng tirahan!" Unti-unti nang tumataas ang boses ni Senda, "Bakit sila pa ang mapapatapon sa balong walang hanggan!" Tila pumipiyok na rin ito at nag-uumpisa nang maiyak, "nasaan ang hustisya ninyo na kung sino pa ang naglilingkod sa inyo nang tapat ay siya pa ninyong inaapak-apakan at inaapi! Ganyan ka ba talaga kayo kasam--"

Natigilan ito nang sumenyas sa akin si Gaspar upang lumapit ako sa kanya. Nagtungo naman agad ako sa gilid ng trono at yumuko upang marinig ko ang gusto nitong ibulong.

"Ano pong sasabihin ko?" napakahinang bulong sa akin ni Gaspar.  "Baka magkamali po ako ng sasabihin."

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Maikli lamang ang ibinulong sa akin ni Gaspar ngunit nagpanggap akong nakikinig pa rin sa kunwari'y napakahabang ibinubulong nito.

Ilang saglit pa'y tumunghay na rin ako at tumingin sa nakabibighaning si Senda.

Tumikhim muna ako, "ipinapasabi ng Panginoon," wika ko, "na kung ano man ang iyong suliranin ay ako na lamang ang iyong lapitan dahil marami siyang ginagawa kaya. Wala siyang panahon para sa iyong mga problema."

Napasulyap ako kay David at Baltazar, at pasimple ko itong pinandilatan dahil tila tinutukso ako ng mga ito.

Sumimangot si Senda at walang takot na tiningnan nang matalim si Gaspar.  Bakas sa mukha nito na hindi nito nagustuhan ang kunwari'y naging desisyon ng hari.

Muling sumenyas sa akin si Gaspar kaya muli akong yumuko upang dinggin ang panibagong ibubulong nito. "Ano pong gagawin ko? Nakatingin sa akin. Nakakatakot naman pala itong babaeng napupusuan niyo. Bagay na bagay maging Reyna ng Elysio."

Gamuntik na akong masamid sa kalokohan ni Gaspar ngunit pinigilan ko ito upang hindi makahalata si Senda.

"Ipinapasabi ng mahal na hari," wika ko kay Senda sa muling pagtunghay ko, "na maaari na raw kitang iuwi e-este...isama ngayon mismo, upang mapagpulungan natin ang iyong suliranin.

Bago tumango ay umismid naman muna ito kay Gaspar, "napakabatugan naman pala ng Luciong ito." Dinig na dinig kong bulong nito, "makikinig lang kailangang iutos pa sa iba. Hmp!"

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon