KABANATA 42

1.7K 169 12
                                    

Senda's P.O.V.

Hindi ko matagalan ang ingay sa sayawan. Hindi ako mapakali dahil nabibingi ako sa pinaghalong pagpapatugtog ng ubod ng lakas, at hiyawan ng mga kabataang nagsasayawan sa gitna ng kubol. Tinakpan ko ang magkabila kong tenga, ngunit kahit humina na ito nang bahagya ay tila tumatagos pa rin sa dibdib ko ang walang hintong pagdagundong ng tambol na nakaayos sa tuloy-tuloy na ritmo ng isang makabagong tugtugin. Hindi ko alam kung saan ako sosoot dahil kahit saang sulok ako sumiksik ay nahihilo na rin ako sa pagpapatay-sindi ng mga ilaw na nagmumula sa iba't ibang direksyon. Kung ganito ang pakahulugan ng mga taong ito ng pagsasaya at paglilibang ay hindi naman ako nasisiyahan; hindi rin ako nalilibang.

Hindi ko na mabilang ang mga kalalakihang lumalapit at kumakausap sa akin, bukod sa pinaghalong mga babae at lalakeng kaibarkada ni Mylene, ngunit ni isa ay hindi ko maintindihan ang pinagsasabi, at hindi ko rin narinig ang kanilang mga pangalan kahit isa-isa nila itong binigkas sa akin.

"Nasaan si Joanna?" pasigaw na wika ko, malapit sa kanang tenga ni Mylene. Kahit paano kasi'y inasahan ko na dadalo ito.

"Ha?" hindi na ako nagtaka na hindi niya narinig ang tanong ko. Bukod kasi sa ingay ay masyadong abala ito sa pakikipagsayaw sa apat niyang kabarkadang isang babae at tatlong lalaki.

"Si Joanna kako, nasaan?!" Mas nilakasan ko ang boses ko.

"Ah, si Joanna?!"

Tumango ako.

"Hindi naman sumasama si Joanna sa mga ganito. Istrikto kasi ang mga magulang no'n eh, halika na, Senda!" Hinatak ako nito na tila ba sinasadya nito itong gawin upang mapasubsob ako sa isa sa mga kabarkada niyag lalaki na kanina pang tingin nang tingin at ngiti ng ngiti sa akin.

Medyo nainis ako kaya binawi ko na lang ang kamay ko, "ayokong sumayaw!" malapit ulit sa tenga niya, "uupo na lang muna ako."

"Ha?!"

Lalo akong nabuwisit bagaman hindi ko ito ipinahalata, "ang sabi ko, uupo muna ako ro'n."

Hindi ko na hinintay ang sagot nito. Tumalikod na ako, ngunit dahil hindi ko na talaga matiis ang ingay ay hindi na ako umupo tulad ng sinabi ko kay Mylene. Mas minabuti ko nang humangos palabas ng kubol at saka ako nagmadaling tumakbo palayo, pabalik sa madilim na kalsadang nag-iisang daanan patungo sa bahay ko.

Sadyang napakalakas pala talaga ng tugtugin sa sayawang iyon, dahil malayo-layo na rin ang nalalakad ko'y naririnig ko pa rin ang pagdagundong ng masiglang tugtugin.

"Hay, ano ba naman 'tong mga tao!" Mahinang bulong ko sa sarili ko habang maingat akong naglalakad sa madilim kong dinaraanan. "Ang lakas magpatugtog! Parang mga bingi!" Bahagya kong kinakalikot ang magkabila kong tenga.

"Mga tao?" biglang wika ng isang boses lalaki sa may bandang likuran ko. Nagulat ako at napapitlang sa paglingon ko, dahil na rin sa pag-aakala kong mag-isa lamang naman akong naglalakad. "Mga tao ba kamo? Bakit, hindi ka ba tao?" dugtong nito.

Madilim at bagaman kabilugan ng buwan ay hindi sapat ang liwanag nito upang agad kong mamukhaan ang lalaking nagsalita, lalo pa't ako ang nakaharap sa buwan at siya naman ang nakatalikod rito.

"Sino ka?" habang maingat kong sinisipat ang mukha nito.

"Ilaang araw lamang tayo hindi nagkita, hindi mo na agad ako kilala?" mas lumapit na ito sa akin. At habang lumalapit ito sa akin ay unti-unti naman akong napapatingala dahil sa angking tangkad nito.

"L-Luis?" bagaman hindi pa rin ako sigurado, "ikaw ba 'yan?"

"Ah, naaalala mo pa naman pala ang pangalan ko." Yumuko ito upang mas mailapit nito ang kanyang mukha, sa aking mukha. Nakabungisngis ito sa akin.

"A-anong ginagawa mo rito?"

"Bakit ikaw, ano ring ginagawa mo rito? Kababae mong tao naglalakad ka sa dilim."

"Ako ang naunang nagtanong."

"Ako? Ah, napadaan lang." Muli na nitong idiniretso ang tindig mula sa pagkakayuko.

"Napadaan lang? Dito sa San Gabriel? Sa ganitong oras?"

"Bakit? Ano naman ang masama kung maparaan man ako rito sa San Gabriel? Dati na naman akong pumaparito."

Wala akong maisagot dahil alam kong wala naman akong karapatang magtanong kung kaya ngumuso na lamang ako bago ko inirapan ito. "Wala naman akong sinasabi na masama ang pumarito ka. Nagtataka lang po ako dahil hindi ka naman taga-rito. Di ba taga San Joaquin ka, taga-ro'n din ang asawa mo, 'di ba?"

Hindi ko man gaanong nakikita ang mukha niya ay batid kong napakunot-noo ito at tila napaisip muna ito ng kaunti bago gumuhit sa mukha nito na tila mayro'n itong naalala, "ah, o-oo nga, taga San Joaquin nga ako. Nagtataka lang ako kung paano mo nalaman, pero naaalala kong nakita mo nga pala ako roon 'di ba?"

"Kasama mo ang asawa mo..." napakahinang bulong ko.

"Ha?! May sinasabi ka ba?"

"H-ha? Ako? May sinasabi? Wala ha!" Pagmamaang-maangan ko. "S-sige, maiwan na kita," tumalikod na ako at nag-umpisa na muling humakbang palayo sa kanya.

"Sigurado ka bang kaya mong lakarin ang madilim na daanang 'yan nang mag-isa?"

Huminto ako upang muli itong lingunin, "sanay akong mag-isa."

Akmang tatalikod na ako nang muli itong nagsalita, "hindi ka ba natatakot?" muli itong ngunmisi.

"Manananggal ako, 'di ba?" nakangising wika ko rito, "ako pa ba ang matatakot? Ikaw, hindi ka ba natatakot sa akin? Hindi ka ba nag-aalala na wawakin ko 'yang tiyan mo para makuha ko ang atay mo at para na rin mahila ko ang bituka mo mula rito hanggang doon sa bahay ko?"

Copyright ⓒ DyslexicParanoia (Angela Atienza), 2019, All rights reserved.

Lalo namang lumaki ang pagngisi nito sabay turo nito sa may bandang likuran ko. Mayroon palang tatlong kababaihang nakatayo ilang dipa lamang ang layo sa kinatatayuan namin. Halata sa ekspresyon ng mukha ng mga ito na narinig nila ang lahat ng mga sinabi ko. Naninigas ang mga ito sa kanilang kinatatayuan at sa wari ko ba'y nanginginig rin, kaya nang akmang lalapit na ako sa mga ito'y hindi na ako gaanong nagulat nang biglang sumigaw ang ang mga ito at saka nag-uunahang humangos patungo sa direksiyon ng kubol kung saan nagaganap ang sayawan.

Ilang saglit pa'y narinig ko na ang pamilyar na paghagikhik ni Luis. Sinamaan ko naman agad ito nang tingin sa labis na pagkainis.

"Pahamak ka talaga sa buhay ko, alam mo 'yun?!"

"Mukhang kailangan mo nang umalis dito sa San Gabriel." Animo'y nang-iinis na wika nito sa akin. "Bago tuluyang kumalat sa buong baryo ang madilim mong sikreto."

Buwisit na buwisit ako at hindi ko na makayanang itago ito, " ba't 'di kaya ikaw ang umalis dito?!" Bulyaw ko rito. "Ikaw naman ang hindi tagarito, 'di ba?"

"O, bakit parang galit ka pa? Ako na nga itong nagmamalasakit sa 'yo. Kung gusto mo, ibenta mo na lanang sa akin ang lupang kinatitirikan ng bahay mo, para makabili ka ng lupa at bahay sa ibang lugar. Kung gusto mo, sasamahan pa kitang ipa-estima ang halaga ng kapirasong lupa mo, tapos, kung magkano man ang halaga, babayaran kita nang triple!"

"Aha! 'Yung lupa ko pala talaga ang dahilan kung bakit binubuwisit mo ako, ha?" Pinamaywangan ko ito, "'yan din ba ang dahilan kung bakit nagreregalo ka sa akin ng kung ano-ano? Akala mo kung sino kang nanunuyo eh nanunuhol ka lang pala?"

"Lupa mo? Siyempre 'yung lupa mo ang tunay habol ko sa 'yo, alangan namang 'yung puri mo. Wala na iyon, 'di ba? Dahil nailaok mo na ito sa drayber ng jeep?" Humalakhak ito nang pagkalakas-lakas kaya pakiramdam ko ay hindi lamang umuusok kundi lumiliyab na ako sa galit.

"Ah gano'n? O sige, kung talagang 'yung lupa ko lang ang habol mo sa 'kin, mamili ka sa dalawa!"

"Dalawa?"

"Oo!" Muling bulyaw ko. "Dalawa! Una, lulubayan mo na ako, ang interes mo sa lupa ko at huwag mo na akong kakausapin kahit kailan! Pangalawa, ibebenta ko lamang ang lupa ko sa 'yo sa isang kundisyon!"

"At ano naman ang kundisyong iyon?"

"Ibebenta ko lamang sa 'yo ang lupa ko o kahit na ibigay ko na lang sa 'yo ito nang walang bayad, sa kundisyong ipalilibing muna kita ro'n nang buhay! Buwiset!" Tumalikod na ako upang tuluyan nang umalis.

[ITUTULOY]

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon