KABANATA 31

2.1K 169 9
                                    

Hindi na mabilang ni Lucio kung ilang beses na siyang lumagpak nang pasubsob sa lupa. Bukod sa wala nang pagsidlan ang mga sugat at galos na kanyang tinamo sa buong katawan ay hindi na rin halos ito makatayo sa makailang beses na paghataw ng isang matigas na kahoy sa kanyang magkabilang binti at hita. Gayunpama'y pinipilit pa rin itong gumapang hanggang sa muli itong makahanap ng buwelo upang makatayo, bagaman batid na nitong sa kanyang muling pagtayo, ay muli na naman din siyang hahatawin sa kung saan mang parte ng kanyang katawan ang maaari pang patamaan.

"Kung ganyan ka kabagal tumayo sa bawat pagbagsak," malumanay na wika ng matandang lalaking may hawak na pamalo, "mas mainam pang magpatay-patayan ka na lamang. Dahil oras na magpumilit kang gumalaw at tumayo kahit hindi mo na naman pala kayang gawin ito nang mabilisan, tanga na lamang ang ang sinumang kalaban mo na hihintayin ka pang makatayo upang muling makipagpatayan sa kanila." Inikutan nito si Lucio, at nang dumako ito sa may kanang tagaliran nito ay sinipa nito ito nang makailang beses.

Napatihaya muna si Lucio bago ito namaluktot sa labis na sakit. Wala itong nagawa kundi ang humiyaw at dumaing.

"Kung ipakikita mo rin lang na buhay ka pa, ngunit wala ka namang ginawa kundi ang dumaing at umiyak, mas mainam pang saksakin mo na lamang ang sarili mo nang sibat kaysa ang mamatay ka sa kamay ng iyong kaaway. Tumayo ka riyan!" Muli nitong sinipa si Lucio sa tagiliran. "Tayo!" ngunit hinataw pa nitong muli ang kanyang kanang hita.

Napahiyaw namang muli si Lucio sa ginawa ng matanda sa kanya. "H-hindi ko na po kaya Lolo Cephalas." Halos hindi na mabigkas ni Lucio ang kanyang mga sinasabi. "Ayoko na po, hindi ko na po kaya." Na may halong pagsusumamo at pagmamakaawa.

Humalakhak ang matanda. "Hindi mo na kaya? 'Yan ba ang sasabihin mo sa iyong katunggali? Ano sa palagay mo ang gagawin nito sa 'yo? Mas mapalad bang buhay ka nga ngunit isang talunang alipin, o isang patay na may karangalan hanggang sa kanyang huling hininga?"

Hindi na nakasagot si Lucio, bagaman nakabangon naman ito nang paupo.

Bumakas sa mukha ng matanda ang pagkadismaya, "kadugo ka nga ba ng aking matalik na kaibigan, ang magiting na si Armentarius, o isang huwad na duwag?"

Nanatili tahimik ang binatilyo.

Napailing naman ang matanda sa katahimikan nito, "kung hindi mo na kaya. Sumuko ka na lang at lumayas sa pamamahay ko." Itinapon nito ang hawak-hawak na kahoy sa lupa. "Dahil walang puwang ang mga duwag, lampa, talunan at walang dignidad sa bahay na ito."

***

"Luisito, kumain ka muna." Inilapag na ng dalagita ang isang basket sa harapan ni Lucio, habang nagmumukmok ito sa ilalim ng matandang puno. "Heto, dinalhan kita ng inumin at tinapay."

"Hindi ka na dapat nag-abala pa, Aretha. Ayoko, hindi ako nagugutom." Ngunit hindi naman nito nililingon man lang ang mga pagkaing iniaalok sa kanya.

"Paanong hindi ka nagugutom? Eh ang sabi ng mga kasama mo sa bahay niyo, hindi ka pa raw kumakain simula pa kagabi. Ano bang oras na? Alas tres na ng hapon. Napaka-imposible naman na hindi pa kumakalam ang sikmura mo. Pinahirapan ka na naman ba ng Lolo mo sa inyong pag-e-ensayo?"

Nanatiling tahimik si Lucio; nakatingin ito sa malayo.

"Sige na, kumain ka na. Kahit isang tinapay lang. Ako ang naghurno niyan."

Hindi pa rin ito nagsasalita.

"Sige na kumain ka n--"

"Sinabi nang ayoko eh!" Biglang bulyaw ni Lucio kay Aretha. Tiningnan nito ng matalim ang dalagita, "Bakit ba ang kulit-kulit mo?! At bakit ba lapit ka ng lapit sa akin eh hindi naman kita gustong kausap kahit kailan?! Kaano-ano ba kita?! Hindi rin naman tayo magkaibigan, 'di ba?!"

My Guardian DevilTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon